3.5 milyong kababaihan, nawalan ng katiyakan sa ekonomya dulot ng lockdown
Sa loob ng isang taong lockdown ng rehimeng Duterte, nadagdagan ng 3.5 milyon ang bilang ng mga kababaihang “walang katiyakan sa ekonomya.” Mula 16 milyon noong 2019, 19.54 milyon na sila sa 2020.
Pinakaapektado ang mga magsasaka at manggagawang kababaihan na nalugi sa napakababang presyo ng kanilang mga produkto at malawakang pagsasara ng maliliit na empresa. Kabilang dito ang 1,000 manggagawang karamihan ay kababaihan na tinanggal sa pabrika sa Laguna ng Hanes, kumpanyang nagmamanupaktura ng damit.
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, mas maraming babae kaysa lalaki ang nawalan ng trabaho at/o pumiling manatili sa bahay para asikasuhin ang kanilang mga pamilya. Sa isang pag-aaral gamit ang datos sa US at India nitong Marso 2021, halos doble ang porsyento ng natanggal na kababaihang manggagawa kumpara sa porsyento ng kalalakihang manggagawa sa ilalim ng pandemya. Sa pangkalahatan, hawak ng kababaihan ang 39% ng pandaigdigang empleyo, pero 54% ng mga nawalan ng trabaho ay mga babae. Ito ay dahil kalakhan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga sektor na pinakaapektado ng pandemya. Gayundin, marami sa kanila ang napupwersang gumampan ng mas maraming trabahong pambahay at bumalikat sa pagtuturo sa kanilang mga anak dulot ng pagsasara ng mga eskwelahan.
Mas malala ang datos sa Pilipinas kung saan marami na sa kababaihan ang dati nang hindi ibinibilang sa datos ng pwersa ng lakas-paggawa. Sa labor force survey noong Oktubre 2020, 45% lamang ng kababaihan ang ibinilang, kumpara sa 72.3% ng kalalakihan.
Sa isang pag-aaral na isinagawa sa sektor ng e-commerce sa Asia, napag-alaman na mas maraming kababaihang Pilipino ang nawalan ng trabaho dito kumpara sa mga kabaro nila sa ibang bansa. Bumagsak ang bilang ng mga babaeng humahawak ng matataas na pwesto noong nakaraang taon kumpara sa 2018. Hindi ganito kadami ang nawalan ng pusisyon sa Thailand, Hongkong at Vietnam na hindi nagpatupad ng kasinghigpit na mga lockdown.