5 sibilyan, magkakasunod na pinaslang sa Bicol
Limang sibilyan ang pinatay ng mga sundalo at pulis sa magkakahiwalay na insidente mula Marso 1 sa Camarines Norte at Camarines Sur. Pinalabas nila na pawang “nanlaban” ang mga biktima at mga kasapi o tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan.
Tatlo ang minasaker sa Barangay Lanot, Mercedes, Camarines Norte noong Marso 3. Pinagbabaril ng mga pasista ang mga biktimang sina Enrique Cabilles, Arnel Candelaria at Nomer Peda.
Pinaslang naman ng mga sundalo si Kagawad Melandro Verso sa Barangay Talobatib, Labo, Camarines Norte noong Marso 1. Nireyd ng 70 sundalo ang kanyang bahay. Sa parehong araw, pinaslang ang isa pang residente ng Barangay Balogo, Pasacao, Camarines Sur.
Pag-aresto. Sa Sorsogon, inaresto noong Pebrero 23 ang magsasakang si Salvador Magas matapos masugatan sa pagpapaputok ng 22nd IB sa Barangay Marinab, Bulan.
Inaresto rin noong Disyembre 2020 sa Barangay Lalud, Bulusan sina Enriqueta Guelas, 62, at Elizabeth Estilon, 41. Buntis si Estilon nang dakpin ng militar. Sila ang pangalawang bats na kinasuhan ng paglabag sa Anti-Terror Law.
Sa Negros Occidental, nireyd ng pinagsanib na pwersa ng 94th IB at pulis ang tatlong bahay sa Barangay San Antonio, Himamaylan City noong Marso 3. Inaresto dito ang magsasakang sina Salvador Carpentero at Jillian Delfin.