Ang pulitika ng bakuna

,

Personal na sinalubong ni Rodrigo Duterte ang mga bakunang dumating mula sa China sa Villamor Airbase noong Pebrero 28. Noong Marso 4, dumating na rin ang halos 500,000 dosis mula sa Covax Facility ng World Health Organization (WHO). Liban sa mga manggagawa sa kalusugan, prayoridad ng rehimen na mabakunahan ang mga sundalo at pulis. Ang Pilipinas ang pinakahuling bansa na nakatanggap ng bakuna sa Southeast Asia, kahit pa ito ang may pangalawang pinakamataas na bilang ng mga nahawa sa rehiyon. Dumating ang mga ito sa panahong 241 milyong dosis na ang naibigay sa 103 bansa sa buong mundo.

Sa datos ng Bloomberg noong Pebrero 12, 36.2% pa lamang ng populasyon ng Pilipinas ang sinaklaw ng mga kontrata sa suplay ng bansa. Wala pang ni isa sa mga ito ang dumarating sa bansa. Sa kabila ng pagdating ng mga bakuna, namamayani sa Pilipinas ang pag-aalangan sa pagpapabakuna. May mga manggagawa sa kalusugan na tumangging magpaturok ng Sinovac dahil sa nababalitang mababa na epektibidad nito sa kanilang hanay.

Diplomasya gamit ang bakuna

Ang 600,000 bakunang CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech ay “donasyon” ng China sa Pilipinas. Bahagi ito ng tinaguriang “diplomasya gamit ang bakuna” at hindi ng planadong pagbili ng gubyerno na ginawang dahilan para umutang ng bilyun-bilyong piso. Sa halip na ituring ang bakuna na usaping makatao, ginagamit ng mga bansang nagmamanupaktura nito ang kanilang suplay para isulong ang kanilang layunin sa ekonomya, pulitika at diplomasya. Ang “donasyon” ng China, halimbawa, ay may kaakibat na kundisyong 100,000 dosis nito ay ibibigay sa militar. Dagdag pa dito ang kontrata sa pagbili ng dagdag na dosis, o pagtiyak ng mga proyekto o pautang, pagpalaki ng impluwensya at iba pa.

Kalakaran din ng China ang diplomasyang bakuna sa Latin America, Africa at iba pang bansa sa Southeast Asia. Handa itong magpautang ng $1 bilyon para ipambili ng naturang mga bansa ng bakunang gawang-China. Ginawa nitong “prayoridad” ang mga militar ng Pakistan, Nepal at Cambodia—mga bansang malapit sa kinakalaban nitong India.

Tulad ng China, gumagamit din ng diplomasyang bakuna ang Israel sa mas masahol na paraan. Ibinigay ng bansa ang “sobrang” mga dosis sa mga bansang tahasang sumusuporta sa okupasyon nito sa Jerusalem. Ito ay habang tinatanggihan ang obligasyong bigyan ng bakuna ang mamamayang Palestinian sa okupado nitong mga teritoryo. Sa ngayon, lampas 50% na ng populasyon ng Israel ang nabakunahan, habang kakarampot na 2,000 dosis lamang ang ibinigay nito sa Palestine.

Ipinagsisilbi rin ng India at Russia ang gawa nitong mga bakuna sa mga layuning militar.

Nasyunalismo sa bakuna

Winasak ng selektibong diplomasyang bakuna ang mga pagsisikap ng WHO na tiyaking hindi mapag-iiwanan ang mga manggagawa sa kalusugan at bulnerableng mga grupo sa mahihirap na bansa. Pero una nang humina ang itinayo nitong sentro, ang Covax Facility, dulot ng pagkopo ng mayayamang bansa sa suplay ng bakuna sa tinaguriang “nasyunalismo sa bakuna.”

Sa ilalim ng “nasyunalismo sa bakuna,” 60% ng suplay ng bakuna sa mundo ay ipinareserba para lamang sa 16% ng pandaigdigang populasyon dulot ng pagsusubi ng mayayamang bansa. Ayon sa mga ulat, nagpareserba ang US ng mga bakunang apat na beses na mas marami sa mamamayan nito, ang Canada ng anim na beses at ang mga bansa sa European Union nang doble sa bilang ng kanilang mga residente.

Dahil dito, kulang na kulang ang naipong bakuna ng Covax Facility. Noong Disyembre 2020, 400 milyong dosis pa lamang sa target na 2 bilyon ang nalikom ng pasilidad. Imbes na bakuna, pondo ang ipinangako ng US. Hawak ng mga kumpanyang US ang tatlo sa anim na aprubado nang mga bakuna. Ang US din ang may isa sa pinakamalaking kakayahang magmanupaktura. Kamakailan, humiling ang Mexico ng bakuna sa US, pero tahasan itong tinanggihan dahil “prayoridad ng gubyernong Biden ang mamamayang Amerikano.”

Hindi rin pumayag ang US na bigyan ng suplay sa ngayon ang Pilipinas sa kabila ng pag-alok ng rehimen ng mas mataas na presyo ng pagbili. Kukumpletuhin muna nito ang mayorya ng sariling mamamayan, bago magsimulang magluwas ng bakuna sa ikalawang hati pa ng taon.

Ayon sa WHO, kailangang mabakunahan ang minimum na 60% ng mamamayan para maabot ang “herd immunity” o kolektibong kakayahan ng populasyon na labanan ang sakit. Dahil sa nasyunalismo sa bakuna, tinatayang sa 2024 pa masusuplayan ang kalakhan ng mga bansa na wala o nagkulang ng pambili ng kinakailangang bakuna para maabot ito.

Ang pulitika ng bakuna