Bilyun-bilyong kita ng mga telco sa gitna ng pandemya at mabagal na serbisyo

,

Bilyun-bilyon ang kinita ng dalawang kumpanya sa telekomunikasyon (telco) dulot ng lockdown na nagpwersa sa mayorya ng populasyon na umasa sa mahina, mabagal at putol-putol na serbisyo nito. Pinakamalaki ang itinaas sa bilang ng mga subscriber o kumuha ng serbisyong home broadband dahil rekisito ito sa mga kaayusang work-from-home at online class. Ayon sa isang senador, hindi katulad ng singil sa kuryente na pwedeng hindi agad bayaran, laging buo ang singil ng dalawang kumpanya. Sa iskemang “pre-paid,” nagbabayad muna mga konsyumer bago magamit ang serbisyo ng mga telco.

Sa usapin ng rebenyu, tumabo ang PLDT (kung saan nakapailalim ang Smart) na ayon sa hepe sa operasyon nito na si Manuel Pangilinan ay dumanas ng isang “maningning” na taon noong 2020. Sinabi ni Pangilinan na pinakamataas sa kasaysayan ng kumpanya ang ₱171.5 bilyong rebenyung nalikom noong 2020. Tumaas din nang 9% ang netong kita ng kumpanya tungong ₱124.5 bilyon dulot ng 18% na paglawak ng serbisyong broadband nito. Mayroon ito ngayong 73 milyong subscriber.

Sa kaso ng Globe Telecommunications, lumiit nang 2% ang rebenyu at 13% netong kita noong 2020. Gayunpaman, kumita pa rin ito ng ₱19.5 bilyon dulot ng pagtaas sa serbisyong home broadband nang 23%.   Mayroon itong 76.6 milyong subscriber sa ngayon.

Sinasabing bumilis na ang serbisyong internet sa bansa kumpara noong nakaraang taon. Mula sa pwestong 111 noong 2019, pang-86 na sa 140 bansa ang Pilipinas sa listahan ng bilis ng mobile internet. Gayunpaman, lagpas lamang sa kalahati ang bilis nito (25.77 megabytes per second o mbps) kumpara sa pandaigdigang abereyds (46.74 mbps). Walang ring iniunlad ang bilis sa fixed internet na nakapako sa 32.73 mbps kumpara sa 98.96 mbps na pandaigdigang abereyds. Noong nakaraang taon, napakarami ang nagreklamo kaugnay sa napuputol na mga pulong at klase na nangangailangan ng mabilis at istableng signal. Dumadaan ang serbisyong mobile internet sa mga cellsite habang ang fixed internet ay dumaan sa fiber, cable o DSL.

Limitadong-limitado pa rin ang saklaw ng serbisyong internet. Sa ngayon, mayroon lamang 20,000 cell tower na nagsisilbi sa mahigit 113 milyong pinagsamang bilang ng mga subscriber sa bansa. Ibig sabihin, nagsisilbi ang isang cell tower sa 4,000 bahay o pamilya. Ayon sa mga eksperto sa industriya, dapat nasa 200-300 pamilya o 1,000 subscriber lamang ang sineserbisyuhan ng kada cell tower. Mangangailangan ng dagdag na 50,000 cell tower ang bansa para humabol sa bilis at stabilidad ng internet ng Vietnam.

Sa pagdinig kaugnay dito sa Senado noong Marso 4, nasa 3.6 milyon lamang sa mahigit 22 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan ang may akses sa internet.

Bilyun-bilyong kita ng mga telco sa gitna ng pandemya at mabagal na serbisyo