Crackdown sa Southern Tagalog: 5 patay, 8 inaresto

,

Lima ang pinatay at walo ang inaresto sa ala-Tokhang na mga operasyon ng pulisya at militar sa Southern Tagalog simula Marso 4. Madaling araw isinagawa ang mga operasyong ito.

Pinaslang ng mga pulis si Emmanuel Asuncion, lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Cavite sa hedkwarters ng mga manggagawa na kanyang tinutuluyan sa Dasmariñas, Cavite noong Marso 7.

Kasabay nito, dinukot ng mga pulis ang mag-asawang sina Ariel at Chai Evangelista, mga istap ng UMALPAS KA, kasama ng kanilang 10-taong gulang na anak sa Nasugbu, Batangas. Pinaslang ang mag-asawa habang nakatakas ang kanilang anak. Naiulat din ang pagpatay ng mga pulis sa aktibistang sina Michael Dasigao at Mark Lee Bacasno ng Sikkad-K3 sa Montalban, Rizal.

Sa parehong araw, magkakasunod na inaresto ng mga pulis sina Steve Mendoza ng Olalia-KMU at Elizabeth Camoral ng Bayan-Laguna sa Cabuyao, Laguna; at Nimfa Lanzanas ng Kapatid-Southern Tagalog sa Calamba.

Dalawang lider magsasaka ang inaresto sa Montalban, Rizal, at isa pang katutubong Dumagat sa Tanay. Nireyd din ang bahay ni Lino Baez ng Bayan-Batangas sa Sto. Tomas, ngunit wala siya roon kaya hindi siya naaresto.

Noong Marso 4, magkasunod na inaresto sina Ramir Corcolon, myembro ng pambansang konseho ng Courage, sa San Pablo, Laguna; at Arnel Laguinas, dating unyonista sa pabrika ng Honda, sa Sta. Rosa.

Ang mga mandamyentong ginamit sa mga operasyong ito ay inilabas nina Laguna Judge Divinagracia Bustos-Ongkeko, Manila RTC Judge Jose dela Rosa, at Manila RTC Judge Jason Zapanta. Si dela Rosa rin ang nag-isyu ng mandamyento na ginamit ng mga pulis na nagmasaker sa siyam na lider Tumandok sa Panay noong Disyembre 2020.

Crackdown sa Southern Tagalog: 5 patay, 8 inaresto