Gawaing rekoberi sa gitna ng Covid-19 at atake ng kaaway
Sa gitna ng masinsing pakat ng kaaway at walang-tigil na nakapokus na operasyong militar sa isang larangang gerilya sa Timog Katagalugan, nakapagpunyagi ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na maglunsad ng gawaing rekoberi sa Maro.
Halos isang dekadang naiwan ng mga kasama ang Maro. Sa Maro ipinundar ang unang binhi ng rebolusyon sa lugar. Nakapagpalitaw rito ng mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa at mga Pulang mandirigma at kumander. Dahil dito, ilang taong pinokusan ng kaaway ang Maro upang wasakin ang kanilang pagkakaisa. Nagpakat dito ng mga detatsment ng CAFGU at nagpakawala ng mga grupong paramilitar at vigilante. Nang kumalat ang pandemyang Covid-19, nagtayo rin ng mga tsekpoynt sa mga kalsada.
May mga pagsisikap na balikan ang Maro subalit sa mahabang panahong ay naging tawiran lamang ito ng BHB patungo sa ibang erya. Bunsod ng pagtalima sa kilusang pagwawasto at pangangailangan para sa mas malapad na base ng larangang gerilya, determinadong binalikan ng BHB ang Maro.
Salat sa kaalaman sa lugar, tereyn at masa ang yunit ng BHB na ipinakat sa lugar. Subalit puhunan nila ang mayamang rebolusyonaryong kasaysayan ng Maro para mapangahas na suungin ang masinsing pakat ng kaaway at tunguhin ang masa.
Kagyat na inalam ng yunit ang kalagayan ng masa sa Maro. Dahil sa krisis ng pandemyang Covid-19, nakararanas ang masa ng matinding kahirapan at kawalan ng hanapbuhay. Maraming mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid ang hindi makaluwas para maghanap ng trabaho dahil sa militaristang lockdown. Karamihan sa mga magsasaka ay walang sariling lupa at napapailalim sa partehang 60-40 pabor sa panginoong maylupa.
Sa unang buwan ng yunit ng BHB sa Maro, naglunsad sila ng kampanyang sanitasyon at edukasyon hinggil sa Covid-19. Nagbigay sila ng libreng tsek-ap at iba pang serbisyong medikal sa masa. Tinulungan din nila ang mga anak ng masang magsasaka sa pagsagot ng modyul. Tinuturuan nila ang mga tagarito sa paggamit ng selpon at internet para sa flexible learning. Tumulong din ang yunit sa gawaing produksyon sa erya.
Ang pagtuwang ng BHB sa pang-araw-araw na gawain at pasanin sa gitna ng Covid-19 ay nagbigay-puwang upang makagaan sa mga suliranin at makaluwag ang mga residente sa lugar. Nagkaroon sila ng panahon para itaguyod ang BHB na buong-puso nilang sinuportahan. Kabilang sa kanilang ginawa ay ang pag-iwas sa yunit sa mga operasyong militar at paggiya tungo sa ligtas na lugar.
Nang makatanggap ang yunit ng atas na maglunsad ng aksyong militar, kagyat na nagbunga ang pagpupunyagi sa gawaing masa. Sa tulong ng masa, nailihim ang kanilang presensya sa mga nag-ooperasyong sundalo at nailunsad ang matagumpay na opensiba laban sa kaaway na may kulang dalawang kilometro ang layo sa isang tsekpoynt ng militar at pulis.
Hindi naging hadlang ang masinsing pakat ng kaaway o kasalatan ng kaalaman sa lugar para muling balikan ang masa sa mga eryang rekoberi. Matapos ang unang buwan sa gawaing rekoberi ng yunit ng BHB, nagdiwang ang mamamayan ng Maro dahil muli nilang nakasama ang BHB.