Imperyalistang pamumulitika ni Biden sa Middle East

,

Umani ng malawakang pagbatikos ang imperyalistang maniobra ni US Pres. Joseph Biden sa Middle East nitong huling linggo ng Pebrero. Sa isang banda, iniutos niya sa pwersang militar ng US na bombahin ang Syria sa ngalan ng “gera kontra-terorismo.” Sa kabilang banda, tumanggi siyang parusahan ang prinsipe ng Saudi Arabia matapos isapubliko ang ulat na nagsangkot dito sa brutal na pagpaslang sa isang mamamahayag.

Ang pambobomba sa Syria noong Pebrero 26 ang unang aksyong militar na direktang iniutos ni Biden. Isinagawa ito sa hangganan ng Syria at Iraq. Nagresulta ito sa pagkamatay ng hindi bababa sa 17 indibidwal, na ayon sa Pentagon, ay mga milisyang Iraqi na mga myembro umano ng mga teroristang organisasyon.

Itinuring ng Syria na paglapastangan sa soberanya at teritoryal na integridad nito ang pambobomba. Taliwas ito sa pangako ni Biden na tatapusin ang gera na deka-dekada nang inilulunsad ng US sa rehiyon. Sa ngayon, iligal na inookupa ng mga tropang US at kaanib nilang mga milisya ang hilaga-silangang bahagi ng bansa. Matatagpuan dito ang Delta Crescent Energy, kumpanyang US na nagmimina ng langis at iligal na pinapasok ng Syrian Democratic Forces noong 2020.

Sa kabilang banda, walang ipinataw na sangksyon si Biden sa prinsipe ng Saudi Arabia na si Mohammed bin Salman na nag-utos sa pagdukot, pagtortyur at brutal na pagpaslang sa mamamahayag na si Jamal Khashoggi noong 2018. Kilala si Khashoggi bilang masugid na kritiko ng prinsipe. Regular siyang nagsusulat tungkol sa crackdown ng Saudi laban sa mga aktibista at brutal na gera nito laban sa Yemen.

Ang Saudi Arabia ang isa sa pinakamalapit na alyado ng US sa Middle East. Ito ang may pinakamalaking reserba ng langis sa buong mundo, at pinag-aangkatan ng US ng aabot sa 10 milyong bariles ng langis kada araw.

Imperyalistang pamumulitika ni Biden sa Middle East