Industriya ng papel, nasa bingit ng pagbagsak

,

Kabilang sa mga empresang nalugi at nagsara sa gitna ng pandemya ang kaisa-isang kumpanyang nagmamanupaktura ng newsprint (papel na ginagamit sa pag-iimprenta ng dyaryo) sa Pilipinas. Sa pagdinig ng Tariff Commission noong Pebrero 16, pormal na iniulat ng Trust International Paper Corp. (TIPCO) ang pansamantalang pagsasara ng planta nito sa Mabalacat, Pampanga noong Hunyo 2020. Nawalan ng trabaho ang lahat ng 258 manggagawa nito.

Bagamat umaasa, malabo nang makababangon ang kumpanya.

Pangunahing itinuturong dahilan sa pagkalugi ng TIPCO ang pagbaha ng imported na papel at kawalan ng sapat na suporta para sa lokal na mga prodyuser. Gaya ng iba pang mga lokal na kumpanya, malaki ang lugi ng kumpanya dahil malaki ang ginagastos nito sa produksyon at hindi nito kayang makipagsabayan sa mga murang produkto ng dayuhang mga kumpanya. Hindi kinaya ng kita ng kumpanya ang gastos para magpaunlad ng makinarya. Bumagsak ang benta at kita nito matapos baklasin ng gubyerno ng taripa sa inangkat na papel.

Sa konserbatibong taya ng Tariff Commission, kinakailangang patawan ang imported na mga produktong papel ng taripang hindi bababa sa ₱2,470 kada metriko-tonelada (MT) para maisalba ang lokal na mga kumpanya. Pero ₱980 kada MT lamang ang ipinatupad ng Department of Trade and Industry noong 2015. Ibinaba pa ito ng rehimeng Duterte tungong ₱800 noong 2016 at ₱640 noong 2017.

Marami nang mga lokal na prodyuser ng papel ang nagsara sa nakalipas na dalawang dekada. Sa ngayon, 23 na lamang ang natitirang kumpanyang nagmamanupaktura ng papel sa bansa, mula 43 noong 2001 at 27 noong 2010. Kalakhan (21) sa natitirang mga planta ay nasa Luzon. Kabilang sa mga produkto ng mga ito ang papel na pang-imprenta at panulat, tisyu, karton, paper bag, at brown packaging paper na pangunahing gawa sa imported na virgin pulp (produkto mula sa kahoy na ginagamit na pangunahing sangkap sa paggawa ng high-grade o de-kalidad na papel) at wastepaper (gamit na papel).

Bumagsak mula ₱26 bilyon noong 2019 tungong ₱21 bilyon noong 2020 ang kabuuang halaga ng naprodyus na papel sa bansa. Sa kabilang banda, umabot naman sa ₱71.2 bilyon ang kabuuang inangkat ng bansa noong 2019, halos pitong beses na mas mataas sa ₱10.4 bilyon na naitala noong 2005.

Malaking limitasyon sa lokal na mga prodyuser ang kawalan ng teknolohiya para magmanupaktura ng virgin pulp. Nagsimula ang todo-todong pag-aangkat ng virgin pulp ng bansa noon pang 2010 nang magsara ang Paper Industries Corporation of the Philippines (PICOP) sa Surigao del Sur. Ang PICOP ang kaisa-isang lokal na kumpanyang may kakayanan na magprodyus sa naturang produkto.

Bilang alternatiba, gumagamit ang mga lokal na mga kumpanya ng wastepaper sa produksyon. Mayroong tinatayang 80 planta na may kakayanang magkumbert ng wastepaper. Gayunpaman, iniulat ng Food ng Agriculture Organization noong 2014 na hindi sapat ang teknolohiyang ito para tugunan ang internal na demand sa bansa. Inaangkat din ang bahagi (10%) ng wastepaper na ginagamit ng mga lokal na prodyuser. Dahil atrasado ang teknolohiya sa mga plantang ito, relatibong mas mababa ang kalidad ng papel na napoprodyus ng Pilipinas kumpara sa inaangkat mula sa ibang bansa. Dahil dito, natatalo sa kumpetisyon ang lokal na gawang papel ng mas malalaking dayuhang kumpanya na nakakaprodyus ng mas marami at mas mura.

Mayroon ding apat na maliliit na planta ang Pilipinas na nagpoprodyus ng abaca pulp na ginagamit sa paggawa ng pera, tea bag at iba pang produktong papel. Gayunpaman, hindi ito napakikinabangan ng bansa dahil pawang ini-eksport lamang ang kanilang mga produkto. Tinatayang dalawangkatlo ng kabuuang napoprodyus ng mga ito ay inie-eksport sa Europe. Pinakamalaki sa mga ito ang Newtech Pulp sa Lanao del Norte, subsidyaryo ng multinasyunal na kumpanyang Glatfelter na nakabase sa US. Isa sa mga kliyente nito ang Unilever, multinasyunal na kumpanyang nakabase sa Europe na nagmamay-ari sa Lipton Tea.

Industriya ng papel, nasa bingit ng pagbagsak