Karahasan sa mga Moro sa tabing ng “gera kontra-terorismo”

,

Kahit sa gitna ng pandemya, tuluy-tuloy na nagpapakawala ang rehimeng Duterte ng lagim sa mga komunidad ng mga Moro sa tabing ng “gera kontra-terorismo.” Mula Disyembre 2020, libu-libong pamilya ang nagbakwit dulot ng pagsalakay ng pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang mga komunidad sa kunwa’y mga operasyong pagtugis sa “natitirang pwersa” ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf at maliliit na grupong iniuugnay ng rehimen at US sa “ISIS.” Hindi bababa sa anim na menor de edad at isang buntis ang namatay sa dulot ng mga operasyong ito.

Lanao del Sur. Tatlong kabataan ang napatay habang isang buntis ang sugatan nang salakayin ng mga elemento ng 5th IB ang Moro Islamic Liberation Front Extension Camp, sa Amai Manabilang noong Pebrero 20. Kinanyon at inistraping ng mga sundalo ang komunidad sa loob ng 15 minuto.

Noong Pebrero 4, binomba naman ng 55th IB ang mga komunidad sa Alonganan at Buayan, Datu Piang dahil may namataan umano rito na mga kasapi ng BIFF at Dawlah Islamiyah.

Basilan. Noong Enero 29, mahigit 40 pamilya ang lumikas nang salakayin ng mga pwersa ng AFP ang kanilang komunidad sa Barangay Bohebaca, Tipo-tipo. Isa ang naulat na nasawi habang isa ang sugatan.

Sa Barangay Seronggonon, mayroon namang 200 pamilyang nagbakwit noong Enero 12 nang umatake ang Joint Task Force Basilan sa kanilang komunidad.

Maguindanao. Dalawang bata ang malubhang nasugatan sa pambobomba ng 57th IB sa Sambulawan, Datu Salibo noong Disyembre 13, 2020. Pumanaw na ang isa sa mga biktima noong Pebrero 14.

Binomba at inistraping din ng 57th IB at 2nd Mechanized Battalion ang mga residente ng barangay Pusaw sa Shariff Saydona Mustapha noong Disyembre 15. Nasawi sa insidente si Rabea Damada Lakim na noo’y pitong buwang buntis. Nagresulta ang mga pambobomba sa pagbabakwit ng 1,500 pamilya.

Noong Enero 30, mahigit 600 pamilya ang lumikas dahil sa labanan sa pagitan ng BIFF at AFP sa Tapatan, Barangay Kitango, Datu Saudi Ampatuan.

Sulu. Sa Patikul at Jolo, hindi bababa sa 12 kababaihang Moro ang inaresto sa dalawang insidente ng panghahalughog noong Oktubre 10, 2020 at Pebrero 19 dahil potensyal umano silang maging suicide bomber. Kabilang sa kanila ang mga inang may maliliit na sanggol. Tinukoy silang mga balo, asawa at anak umano ng mga lider ng Abu Sayyaf.

Karahasan sa mga Moro sa tabing ng "gera kontra-terorismo"