Labanan at biguin ang mga opensiba ng kaaway

,

Sa hangaring pigilan ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Marso 29, isa na namang koordinadong opensiba ng mga operasyong kombat, saywar, paniniil sa masa at walang habas na pambobomba ang inilulunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga larangang gerilya sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa kabila ng napakatinding krisis sa ekonomya at kabuhayan ng masa, bilyun-bilyong pisong pondo ang lulustayin sa magastos at batbat sa korapsyong mga operasyon ng AFP at PNP. Hayok na hayok ang mga pasista sa paggamit ng kanilang bagong mga helikopter, drone, eroplanong pandigma, baril, kanyon, mga bomba at libu-libong mga tropa para sindakin ang buong bayan sa kanilang armadong kapangyarihan.

Tulad noong Disyembre, walang-saysay na umaasa ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang AFP at PNP na mapipigilan nila ang paggunita ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa anibersaryo ng PKP. Sa pamamagitan ng mulat na pagharap ng mga yunit ng BHB sa malakihang operasyon ng AFP, nagawa nilang umiwas sa mga depensibong labanan at pagkaitan ang kaaway ng target sa kanilang operasyong kombat at pambobomba. Bunga nito, relatibong kakarampot ang natamong tagumpay ng AFP sa kabila ng todong pambansang opensiba nito kumpara noong Marso 2020. Mas mahalaga, nitong Enero, nakapaglunsad ang mga yunit ng BHB sa iba’t ibang rehiyon ng mga taktikal na opensiba laban sa mga pagod at kulang na sa suplay na tropa ng kaaway na bigo sa kanilang opensibong operasyon bago sila bumalik sa kanilang kampo. Simula ng pagbubukas ng 2021, napanatili ng BHB ang relatibong mababang tantos ng mga depensibong labanan kumpara sa dami ng inilulunsad na taktikal na opensiba.

Para makaiwas sa mga depensiba at makuha ang inisyatiba para sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, dapat panatilihing mataas ang antas ng disiplinang pang-militar ng lahat ng yunit ng BHB at tuluy-tuloy na magpakahusay sa mga pamamaraang gerilya para makaiwas sa paniniktik ng kaaway gamit man ang mga drone o mga espiya. Dapat mahigpit na bantayan ang kilos ng mga yunit ng kaaway at basahin ang mga opensibong plano nito. Habang pinipili ng BHB ang mga labanang sinusuong nito, dapat lagi ring handa ang mga yunit nito na epektibong harapin ang mga labanang hatid ng kaaway.

Kasabay nito, dapat magplano ng mga taktikal na opensiba laban sa nakahiwalay na mga tropa ng kaaway, mga tactical outpost, linya sa suplay ng kaaway at iba pang malalambot na target. Mahalagang target din ng mga taktikal na opensiba ang mga helikopter, drone, eroplano at iba pang kagamitang panghimpapawid ng AFP. Dapat piliin ng BHB ang pinakaakmang lugar, oras at pagkakataon para sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Dapat tuluy-tuloy na palakasin ang suporta ng baseng masa para sa hukbong bayan laluna sa harap ng walang-lubay at pinatatagal na mga operasyon sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng AFP na tabing para sa paggagarison sa mga baryo para supilin ang masa at ihiwalay sila sa hukbo. Dapat hindi hayaang mapatid ang ugnayan ng hukbo at ng masa, tuluy-tuloy na palakasin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at pagsulong ng mga pakikibakang agraryo para sa kapakanan ng masa. Dapat magpakahusay sa paggamit ng iba’t ibang anyo ng pagkilos at pagtutol ng masa sa presensyang militar kaakibat ng armadong pakikibaka ng hukbo at mga yunit milisya. Sumandig sa malawak at malalim na suportang masa para sa paniktik, sa pagtitiyak ng suplay at pagtuwang sa mga yunit ng BHB sa pagsulong ng malawakang pakikidigmang gerilya.

Kasabay ng pukpukang pakikipaglaban sa mga matatatag na base, dapat patuloy na palawakin ang teritoryong kinikilusan ng mga yunit ng BHB. Dapat palawakin ang mga pakikibakang masa, itatag ang mga organisasyon at palawakin o buksan ang bagong mga larangang gerilya. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagpapalawak, magagawang pagkaitan ng pokus ang kaaway, banatin ang kanyang pwersa at bigyan ng mas malapad na puwang para sa opensibong inisyatiba ng hukbong bayan.

Paulit-ulit na nabigo ang AFP at si Duterte sa taun-taong deklarasyong dudurugin ang BHB. Lantad nang huwad ang walang-tigil na saywar at mga kampanya ng “pagpasuko.” Taliwas sa propaganda ng kaaway, patuloy na nagtatamasa ang BHB ng malalim at malawak na suporta mula sa masang magsasaka sa kanayunan dahil sa pagsusulong ng kanilang mga pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa lahat ng porma ng pang-aapi at pagsasamantala. Patuloy na naglilingkod ang BHB bilang giya at katuwang ng masang magsasaka habang inilulunsad nila ang mga pakikibaka para sa repormang agraryo. Patuloy nitong ginagampanan ang tungkulin sa produksyon at gawain sa ekonomya, edukasyon, kalusugan, kultura at mga usaping pambaryo.

Gaya sa mga nagdaang pagkakataon, ang anibersaryo ng hukbo at ng Partido ay ginugunita sa paraan na umaangkop sa kalagayan. Sa mga lugar na walang mga operasyong militar, nakapagtitipon ang masa sa mga lihim na asembliya sa baryo o bundok. Sa mga lugar na dinudumog ng nag-ooperasyong tropa ng kaaway, naglulunsad ng mas maliliit na pagtitipon ang masa at mga Pulang mandirigma. Maliit man o malaki, hindi nababawasan ang kabuluhan ng paggunita sa araw ng pagtatatag ng BHB para alalahanin ang mga bayani at martir ng bayan, ipagdiwang ang mga nakamit, tukuyin ang mga kahinaan at ibayong magpakatatag para isabalikat ang mabibigat na tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan.

Ang kasalukuyang lagay ng digma ay may kaakibat na matinding sakripisyo sa bahagi ng hukbong bayan. Kinakailangan ang mga ito para mapanatili ang mga pwersa ng BHB, mapalalim ang suporta ng mamamayan, at maipagtanggol ang mga organisasyong masa at palawakin ang erya sa operasyon ng BHB. Kinakailangan ang mga sakripisyong ito para isulong ang adhikain ng mamamayang Pilipino para sa pambansang demokrasya.

Labanan at biguin ang mga opensiba ng kaaway