Pag-aalangan sa pagpapabakuna
Laganap sa buong mundo ang pag-aalangan at kawalang-tiwala sa mga bakuna laban Covid-19. Idinulot ito ng mga pagdududa sa pangkalahatang kaligtasan, kahalagahan at bisa sa mga bakuna sa nakaraang mga taon. Sa maraming lugar, nakaugat sa kasaysayan ang pagdadalawang-isip ng mamamayan sa mga bakuna.
Sa US, halimbawa, mas maraming Itim at Hispanic ang walang tiwala sa mga bagong bakuna kumpara sa mga puti. Ito ay dahil sa maraming pagkakataon, isinangkot sila sa mga eksperimento o pag-aaral na lingid sa kanilang kaalaman. Dulot din ito ng sistematikong diskriminasyon sa kanila sa sistema ng kalusugan na kumikiling sa mga puti.
Sa isang pag-aaral na ginawa mula 2015 hanggang 2019, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na pag-aalangan sa kaligtasan ng mga bakuna, laluna sa mga bakuna para sa mga bata. Ito ay dulot ng dokumentadong mga pag-alala sa bakunang Dengvaxia. Sa parehong panahon, bumagsak din ang tiwala sa mga bakuna sa maraming bansa sa Europe. Ito ay kahit pa napatunayan na sa aktwal na mabisa at ligtas ang marami sa mga bakuna.
Nakaugnay din ang pagdududa sa mga bakuna sa paglilihiman ng malalaking kumpanya sa parmasyutika sa kanilang pananaliksik. Ganito ang katangian ng negosyong bakuna na pinauunlad at minamanupaktura hindi para sa kabutihan ng lahat, kundi para sa kapitalistang tubo ng iilan.
Gayunpaman, idiniin ng World Health Organization na ang importante sa kagyat ay ang maproteksyunan ang mamamayan, laluna ang mga manggagawa sa kalusugan at mga bulnerableng grupo, laban sa hospitalisasyon, malalang pagkakasakit at kamatayan. Lahat ng mga bakunang aprubado na ay epektibo laban dito. Mahigpit itong inirerekomenda ng ahensya kahit sa mga bansang may lumitaw na mga bagong baryant.