#KwentongKasama: Ka Eric, Mga Bagay na Higit pa sa Sarili
Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Kung nagkita tayo dati, hindi tayo magkakasundo. Ni hindi nga ako pinapayagan ng magulang ko dating makisalamuha sa ‘maruruming tao’. Intindihin mo na sila, mayaman kaya at hindi nga sanay maalikabukan. Kaya kung wala ako sa Hukbo ngayon, malamang kaaway niyo na ako sa uri.
Hawak ko na ang mundo sa aking mga kamay. At least, ang mundong gusto kong inugan. Bagamat matapobre ang mga magulang ko, ibinigay naman nila ang lahat ng gusto ko. Nag-iisa pa nila akong anak kaya wala silang ibang pagbubuhusan ng panahon.
Matayog din ang pangarap nila sa akin – magtapos nang may laude, maging abogado, sundan ang yapak ni Papa at maging mataas na upisyal ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. At hinawan nila ang landas para tiyaking masunod ko ang planong iyon. Ipinasok nila ako sa magagandang eskwelahan. Tiniyak nilang kumpleto at matitibay ang kagamitan ko sa pag-aaral. Laking-Apple products ako. Ibinigay nila lahat ng pagkakataong matutunan ang anumang interes kong matutunan mula sa mga syensya at literatura hanggang sa iba’t ibang porma ng sining.
Sinama nila ako sa dinner parties, tinuruan ng table manners at etiquette, kung paano tumindig at humarap sa malalaking negosyante at iba pang propesyunal. Inikot nila ako sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng bansa para ‘makita ang mundo’. Isa sa mga unang itinuro sa akin ng tatay ko mula nang matuto ako ng batayang matematika ay ang pagkalkula ng netong kita. Tinuruan nila akong magbasa ng stocks, sinuportahan sa pag-iipon at pinagbuksan pa nga ng bank account kahit wala pa ako sa tamang edad. Hamon ng tatay ko, dapat umabot nang six-digits ang ipon ko bago ako mag-30 anyos. Hinayaan nila akong kumayod kahit hindi naman kailangan – para lang sa experience. Para lang may kita. Kaya dise-otso pa lang ako, kuntentado na ako sa buhay. Nakalatag ang kasalukuyan at kinabukasan ko nang parang 1-2-3. Susundin ko na lang iyon. Wala na akong hihingin pa.
Tinupad ko naman ang lahat… Hindi pala, halos lahat lang. Nagtapos akong may laude. Magna cum laude pa nga. Nag-aral ako nang abogasya. Muntik ko na ngang matapos. Nakapag-ipon naman talaga ako. Ilang libo na lang, talo ko na ang tatay ko sa pustahan. Kaso tulad ng lahat ng batang laki sa layaw, suwail ako – suwail sa mata ng mga kauri kong walang ibang inisip kung hindi ang kanilang sarili.
Una akong lumihis sa plano nang mamulat ako sa kolehiyo. Bagamat maangas ako, hindi naman sarado ang isip ko. Hindi ba’t natural sa isang taong magalit kapag marami na siyang nakikitang mali sa kanyang paligid? Noong panahong iyon, tumataas ang matrikula sa eskwelahan. Marami sa mga kaklase ko ang hindi na nakakabayad. At dahil hindi sila makapagbayad, hindi sila makapag-exam. At dahil hindi sila makapag-exam, made-delay sila o hindi na lang talaga makakapagtapos. Kahit para sa isang taong ipinanganak sa pribelehiyo, hindi iyon patas sa paningin ko. Sumama ako sa mga rali. Sumama ako sa mga talakayan. Kalaunan, naging bahagi ako ng publikasyon sa kampus. At sa pagsusulat, pagsisiyasat sa kalagayan ng iba’t ibang sektor ng lipunan, higit na lumalim at lumawak ang pag-intindi ko sa kanilang kalagayan.
Siyempre pinagalitan ako ni Mama. ‘Wag ka nang sasama sa mga rali. Pokus lang sa pag-aaral. Hindi mo kailangan ng gulo sa buhay mo.’ At ang mga batang suwail, higit na naeengganyong mag-usisa kapag pinagbabawalan.
Pero hindi ako ang stereotype na aktibista. Dahil mayaman nga ako, wala namang masyadong pumansin sa akin kahit sumasama ako sa rali. Intimidating, ika nga nila. At dahil marami nga akong binasang ibang libro noong bata pa ako, marami akong tanong. Suwail talaga, kahit sa pagiging masang aktibista.
Pangalawang paglihis ko sa plano ang pag-AWOL sa law school. Apat na taon na rin ang ginugol ko at pinaplano na ng magulang ko saan ako magre-review para sa bar exam, kung ano ang mga libro at kagamitang kakailanganin. Sa totoo lang, gusto ko naman talagang tapusin. Kaso hindi ko na talaga natiis. Pinapaaral na sa akin ni Papa kung paano lusutan ang ilang batas para malusutan ang restriksyon sa pagpapapasok ng mga dayuhan sa korporasyon. Tinuruan kami ng isang sikat na abogado kung paano gamitin ang mga koneksyon at padrino upang maipanalo ang anumang kasong hahawakan namin. At sa kalagitnaan ng lahat ng ito, mulat ako sa tumitinding pasismo sa labas ng apat na sulok ng aming makikintab at de-aircon na silid-aralan.
Napuno ako. Nakakatawang isiping nawalan ako ng pag-asa sa sistema ng hustisya sa bansa sa panahong iyon ang pinag-aaralan ko.
‘Hindi mo alam kung ano ang pinaghihirapan ng Papa mo sa trabaho para makapagtapos ka. Akala mo mahirap na iyan? Ano ang mali sa pagpapalaki namin sa iyo?’ sumbat ni Mama nang malaman niya ang plano ko. Kaso nanaig talaga ang pagiging suwail ko. Hindi na ako bumalik sa law school. At hinding-hindi na ako babalik.
Ilang beses kaming nag-away ng mga magulang ko. Mayroong mga panahong nag-iyakan. Mayroong panahong lumayas na lang ako sa bahay para maiwasan ang panunumbat nila. Mayroong panahon na pinutol ko ang lahat ng komunikasyon ko sa kanila. Totoo, wala na akong hihilingin pa. Pero paano ang mga kabataang nakakasalamuha ko araw-araw na mayroon ding mga matayog na pangarap na hindi nila maabot dahil lang wala silang pera? Paano ang mga manggagawa na nakasama ko noon sa piket line na gusto lang namang kumain nang disente? Bilang abogado, paano ko ipagtatanggol ang mga kliyente ko kung papatayin na sila ng estado bago pa sila makaharap sa korte? Paano kung ako rin, dahil sa mga prinsipyo, ay tutukan ng baril?
Wala sa planong maging aktibista. Wala sa planong mag-AWOL. At higit sa lahat, wala sa planong mamundok.
Matagal bago ko mapagtanto sa sarili kung bakit hindi lang sa mga kalsada, kung hindi sa mga kabundukan umaabot ang pakikibaka ng mamamayan. Marami na akong nabasa tungkol sa kilusang pagpapalaya sa iba’t ibang bansa. Hindi rin naman lingid sa akin ang mga kasulatan nina Marx, kahit bago pa ako maging aktibista. Pero hindi ko pa lubos na naiintindihan noon bakit kailangang mag-armas. Sa proseso ng pagsiyasat, pagkamulat sa lipunan, sa pagsama sa mga piket at protesta, paglubog sa mga komunidad at laluna sa mga panahong pinag-aralan ko ang batas, higit na tumingkad sa aking walang maaasahan ang karaniwang tao sa lipunang ito. At kapag namulat ka na, imposibleng pumikit ka na lamang at kalimutan kung ano ang nakita mo.
Pero hindi ako sumampa sa NPA sa mga pinakadakilang dahilan. Noong panahong iyon, natural nang piliin kong mag-NPA dahil gusto kong magsilbi sa mamamayan. Naahita ako at natulak sumampa noong mapagtanto kong wala nang pag-asa sa sistema. Nakasama kasi ako sa piket ng mga manggagawa. Muntik na akong maaresto dahil sabi ko sa pulis, iligal ang pag-aresto nila sa mga manggagawa. Pagbantaan ba naman akong makasuhan ng physical assault. Kaya naman daw nilang ilagay sa charge sheet kunwari, na sinapak ko ang hepe.
Pero may pansarili pa rin akong interes sa pagpiling mag-pultaym. Gusto ko ng adventure. Gusto kong sumama sa mga bakbakan. Gusto kong magrebelde mula sa plano ng mga magulang ko. Gusto kong hanapin ang sarili ko. Bata pa naman ako, mayroong back-up plan at kaunting panahong kaya pang sayangin kung sakaling mapagtanto kong hindi ko kayang mabuhay sa labas ng lungsod. Napakapusok na kabataan. Punung-puno ng angas at ideyalismo.
Kaya hindi kagulat-gulat na ilang beses akong nauntog sa Hukbo. Literal na nauntog sa mga natumbang sanga ng malalaking puno. At literal ding nauntog sa mga realidad ng buhay. Napakaarogante ko pa lang isiping hawak ko na ang mundo, eh hindi ko nga mapaapoy ang kahoy kahit ilang beses ko nang buhusan ng gaas. Magna cum laude nga ako, pero sero naman sa praktika ng buhay. Ano ang alam ko sa pagtatanim? Ano ang alam ko sa pagtatayo ng tent? O sa pagluto? Binabantayan ko nang maigi ang sinasaing ko dahil natatakot akong mahilaw ito. Wala akong mauutusan o mababayaran dito magluto. Walang halaga ang six-digits kong naipon sa kagubatang wala namang mall o kahit maliit na tindahan. Parang akong batang natutong muling tumindig, at hanggang ngayon nga, patuloy pa ring natututong humakbang.
Puno ng sorpresa ang buhay hukbo. Patuloy akong nauuntog sa iba pang karanasang nagbubukas sa aking isipan. Marami akong nakikilalang mga suwail tulad ko, ngunit natutong magpakumaba, nagpapanibagong-hubog at natututo rin mula sa ibang kasama. Dito sa NPA, walang pagkakaiba ang mayaman at mahirap. Walang pagtatangi ang college graduate at mga hindi nakapag-aral. Pare-parehas na mandirigma, pare-parehas na mayroong ginagampanang trabahong mahalaga sa pagsusulong ng rebolusyon. Dito, ang desisyon ng bawat isa ay hindi na lang tungkol sa mga sariling plano sa buhay. Unti-unti, nawala rin ang angas ko. Hindi ko masasabing hindi na ako maangas ngayon. Pero siguro, kung ngayon mo ako nakilala, mas madali na akong pakisamahan.
Malawak naman pala ang mundo at hindi simpleng 1-2-3 ang buhay. Hindi laging nakahawan ang daan. At sa maraming pagkakataon, mas masaya ngang ikaw ang nagdidiskubre at gumagawa ng daanan.
Tiyak galit pa rin ang magulang ko sa akin ngayon. Ngunit sana malaman nilang hindi naman sayang ang puhunan nila sa akin. Ngayon, napag-aaralan ko na ang Batas at Hustisya bilang gabay sa paglilitis sa mga kaso ng mga kaaway sa uri. Ibang-iba ito sa mga batas ng pasistang estado na tunay na pumapanig sa mga naghaharing uri. Nagagamit ko kung anumang teoretikal na natutunan ko sa eskwelahan upang mapataas ang praktika ng mga nasa kanayunan. Nakakapag-ambag ako, batay sa mga kakayahang nahasa ng ilang taong pagsasasanay sa akin sa sining, literatura at syensya. Nakakapaggitara pa rin ako para kantahan ang mga masa at kasama. Pero hindi lahat ng bagay alam ko o mula sa napag-aralan ko sa labas. Mag-aaral pa rin ako sa mga mata ng mga kasama kong nagmula sa uring magsasaka. Sa kanila ko natutunan kung paano magpakumbaba. Kung papaano makibagay at makisalamuha sa mga kasama at masa lalo na kapag nasa gawaing masa kami. Sana, balang-araw, mapanatag ang mga magulang ko na hindi naman sila nagkamali sa pagpapalaki nila sa akin. Sana, maging proud pa sila na natututo akong maging mabuting tao ngayon dahil sa mga bagong bagay na natutuklasan ko rito nang libre.
Ngayon, bumabangon na ako araw-araw nang hindi na iniisip lang ang mga plano ko sa buhay, kung hindi ng buhay ng milyun-milyon pang umaasa at nakikibahagi sa isang rebolusyong magpapalaya sa kanila mula sa pag-aalipin at pagsasamantala. Tanggap kong maaaring hindi ko makita ang tagumpay nito. Sapat na para sa aking maging isang maliit na patak na naging bahagi ng daluyong nito.
Wala akong pagsisising hindi ko sinunod ang mga plano ko, ang mga plano ng magulang ko sa buhay. Tiyak mas pagsisisihan ko nga kung hindi ko iniwan ang buhay na pinlano ko.
Ikaw, ano ang plano mo? Tara, maglakbay tayo. Palayain natin ang mundo.