#KwentongKasama: Ka Lope, ang paglalakbay ng isang ermitanyo
Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Hinanap ko noon ang Diyos. Ninanis kong makita siya upang patunayang totoo siya at para siya sa tao.
Mahirap kaming pamilya. Isang mahirap na pamilyang umiral nang mayroong malaking paniniwala sa panginoon – siya ang nagtakda kung bakit kami pinanganak na mahirap at sa kanya rin nakasalalay kung ano ang aming kinabukasan. Siya ang panginoong nag-aangkin ng lahat ng natatanaw namin mula sa aming bintana, kabilang na ang lupang tinitirikan ng aming bahay – isang panginoong maylupa.
Noong malipat kami sa bayan ng ama ko, naging aktibo siya sa samahang masa at naging wanted ng mga sundalo kaya wala kaming nagawa kundi ang bumalik sa bayan ng aking ina.
Nagtrabaho kami ng aking ama. Bilang panganay sa siyam na magkakapatid, tumulong ako sa pagtaguyod sa aming pamilya. Hindi na ako nakapag-aral. Ang alam ko lang, magtanim. Nakatuntong ako sa paaralan hindi para mag-aral kung hindi para magtinda ng kamote at saging. Tumulong ako sa amin para makapag-aral ang mga kapatid ko. Halos lahat sila nakapagtapos.
Hindi na rin ako nakapag-asawa dahil sa trabaho. Sa lahat ng naranasan namin sa buhay ang laging sambi’t ng ama at ina ko, “Malalagpasan natin ang hirap, anak. May-awa ang Diyos.” Lagi ko silang nakikitang nagdadasal. Tuwing tumutunog ang kampana, titigil kaming magtrabaho sa gitna ng bukid para magdasal. Pagkatapos ay oobligahin ako ng aking ama na humalik sa kamay ng matatandang daraan sa amin o madaraanan namin pauwi.
Hindi naglaon, nagkaroon kami ng sarili naming lupa. Nadagdagan pa ito hanggang sa naging malawak na ang sinasaka namin ng aking ama. Sa panginoon ipinasalamat ng aking mga magulang ang kapalaran naming ito.
Sino ba ang Diyos? Bakit ba malaki ang pananalig sa kanya ng aking mga magulang? Nang pumatak na sa trenta ang edad ko at hindi na ako gaanong inaasahag magtrabaho sa amin, lumabas ako ng prubinsya. Nagpasya akong hanapin ang Diyos. Nakarating ako ng Quezon. Napadpad ako sa isang tanyag na bundok. Ang balita kasi sa akin, doon ko raw mahahanap ang Diyos.
Tumira ako roon. Nagpaikot-ikot sa kagubatan. Ngunit ang nakita ko lang ay mga puno, ibon, mga damo at ilang hayop na hindi ko tinangkang hulihin. Hindi ko naman nakita ang Diyos. Pumasok ako sa mga kweba at doon ako natulog. Nakinig ako. Baka marinig ko ang boses ng Diyos. Naligo sa mga ilog at batis sa lugar, nagbakasakali ako na matagpuan ko siya doon. Pero hindi ko pa rin siya nakasabay man lang kahit na magbanlaw. Hindi ko nakita ang mukha niya. Hindi man lang siya bumulong sa akin.
Marami ring dumadayo sa lugar na pinuntahan ko. Nagtatago ako sa kanila. Minamasdan ko sila habang tinutuklasan ang mga kweba, nagdarasal sa harap ng krus na pinagpakuan sa Diyos, nagtatapon ng mga barya sa balon upang humiling at manalig na ang mga hiling na ito ay matupad. Kung minsan, kapag wala nang mga tao, kumukuha ako sa balon ng ilang barya para may ipambili ng pagkain. Hindi naman siguro maapektuhan ang hiling ng mga nagsitapon doon ng barya.
Limang taon din ako doon. Pinahaba ko ang buhok at balbas ko. Nagmistula akong monghe. Nabuhay sa katahimikan. Tanging ingay sa paligid ko ang mga kuliglig at ibon.
Patuloy kong hinanap ang Diyos, pero ang nakita ko, NPA.
Noong una, natakot ako kasi baka mga bandido sila, ngunit nang magpakilala sila sa akin ay nalaman ko na mga kasapi sila ng NPA sa Quezon. Hindi rin sila agad nagtiwala sa akin kaya inusisa nila ako. Nagkwento akong mayroong ding mga tulad nila sa pinanggalingan ko. Tinanong nila ako kung bakit ako naroroon. Sinagot ko sila na hinahanap ko ang Diyos. Nais sanang matawa ng kausap ko ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili at nagtanong muli, “Bakit mo hinahanap ang Diyos?”
“Gusto ko siyang makita kung totoo siya.” Sagot ko naman.
Hindi ako agad binara ng kausap kong NPA. Hindi ko alam kung ang akala niya sa akin ay baliw ako pero napaisip ako sa sagot niya, “Lagi mo ring nakikita na may mga taong pumupunta sa lugar na ito di ba? Tulad mo hinahanap din nila ang Diyos. Pero nakita ba nila roon ang Diyos?”
Oo nga naman, ang tagal ko na sa lugar. Bakit hindi ko naisip na ang mga madalas pumunta roon at nagpapabalik-balik kada taon ay kapwa ko ring naghahanap sa Diyos?
Nagpasalamat ako sa kasamang NPA sa pagpakain nila sa akin at nagpaalam kung maaari na akong makabalik sa pwesto ko. Hinayaan nila ako at mula noon, hindi ko na sila nakita pa muli.
Nanatili pa rin ako sa lugar, ngunit alam ko na sa bawat sulok na pinasok ko roon hindi ko naman talaga makikita ang Diyos kaya nagpasya na akong umuwi sa amin. Pag-uwi ko, nalaman kong hinuli ng mga sundalo ang aking ama at kapatid na lalaki. Itinaboy ako ng aking ina para hindi ako mapag-initan ng mga sundalo. Pero saan naman ako pupunta?
Lumipat ako sa ibang bayan at nagtrabaho muli bilang manggagawang bukid. Hindi nagtagal, nagpasya akong mamundok muli. Pero sa pagkakataong ito, hindi na para hanapin ang Diyos, kung hindi para hanapin ang mga kasamang NPA.
Natagpuan ko sila. Tinanggap nila ako. Tinuruan nila akong magsulat at magbasa. Tinuro rin nila sa akin ang mga prinsipyong gumagabay sa rebolusyon – ang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Nalaman ko na ang lupang nakuha namin ng aking ama ay hindi kaloob ng isang panginoon kung hindi bunga ng pagsusumikap namin. Kung ang tao ay tuturuan din naming magsikap at lumaban, hindi sila habang buhay maninikluhod sa mga panginoong nangangamkam ng lupa. Kalaunan natuto akong maging propagandista. Ito rin ang itinuro ko sa masang pinagsisilbihan namin at namulat sila sa mga araling ito ng MLM.
Sa mga inikutan naming lugar, hinahanap ng masa ang NPA dahil nais nilang kumprontahin ang panginoong maylupa na gustong magpaalis sa kanila mula sa lupang sinasaka nila.
Sa mga inikutan naming lugar, ang hanap ng mga tao ay NPA dahil kailangang mabuo ang organisasyong masa para mapagkaisa ang mga tao at makapagsimula ng bagong pagbuhay dahil sa kawalan ng lupa.
Sa mga inikutan naming lugar, walang ibang sinasambit ang mga tao kundi ang NPA na nais nilang pasalamatan dahil tinulungan silang itayo muli ang kanilang mga tahanan matapos ang bagyo, dahil namunga na ang mga tanim nilang gulay matapos mabuo ang mga grupong tulungan, dahil marami naman ang nais sumapi sa Pulang hukbo laluna sa hanay ng kabataan.
Sa pag-ikot ko sa kagubatan, laging nariyan ang NPA. Sa pagpasok ko sa kweba o anumang kasuluksulokan ng mga baryo naririnig ko ang tawag ng masa sa mga NPA. Dumadaloy na tila hindi natutuyong ilog at batis ang pagmamahal ng masa sa NPA.
Sa aking pagtanda naintindihan ko na ang paghahanap ng tao sa Diyos ay para makahanap ng masasaligan para sa kanilang mga suliranin. Ngunit saan mang sulok nila hanapin, wala silang makikitang mukha o maririnig na tinig ng Diyos. Ang totoo, ang sasaligan ng tao ay kanilang mga sarili – ang mga mukha at mga tinig ng sanlaksang kapwa nilang naghahanap ng masasandigan, ng sagot sa kahirapan at kung paano ito maisasagawa. Sa pamumuno ng Partido, ako, ikaw at lahat ng mga naghahanap sa Diyos ang bubuo sa isang malakas at mapagpasyang pwersang bahagi ng isang rebolusyonaryong kilusang sasagot sa kanilang mga karaingan.