#KwentongKasama: Ka Yeye, Paghuhubog ng isang Pulang kumander
Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Kung tatanungin mo lahat ng kakilala ko kung ano sa tingin nila ang trabaho ko, wala ni isang makakahula na nag-hukbo ako. Una sa lahat, hindi ako ‘yung tipong may malasakit sa iba. Madalas, wala akong pakialam sa nangyayari sa palibot ko. Maldito ako. Sabi nga ni Mama, hanggang pitong taon ako ay umiiyak pa ako kapag hindi ako kinakarga. Ayoko kasing madumihan ang paa ko. Wala akong pakialam kung pagod na ang mga tao sa bigat ko, basta dapat kargahin ako! Kung hindi, aba eh, maghahalo na ang balat sa tinalupan. Kahit sa gawaing bahay, bihirang-bihira ako makatulong sa mga ate ko – mapa-laba ‘yan o hugas ng plato. Naku, hindi mo ako maaasahan! Wala rin akong maalalang pagkakataong tumulong ako sa pagtatrabaho sa uma. Palibhasa, bunso ako kaya lahat ng gusto ko nasusunod.
Hindi rin ako ‘yung tipikal na matikas na magsasaka. Dahil nga hindi naman ako nakakasama sa taniman, hindi ako marunong sa produksyon. Hindi ako marunong magkopra, hindi ako marunong magtanim ng palay, hindi ko kilala ang iba’t ibang halaman – bokya ako sa lahat nang ‘yan. Hindi ko rin naman kinailangan matuto kasi medyo nakakaangat naman kami sa buhay. Mayroong ibang nagsasaka para sa amin. Pero si Mama tsaka ang mga ate ko, minsan nagtatanim pa rin naman. Biro sa akin noon ng mga kapitbahay, magsasakang hilaw daw ako. Tinatawanan ko na lang kasi totoo naman, ‘di ba? Pinalaki ako ng katas ng hirap ng isang magsasaka pero magpapakaipokrito ako kung sabihin kong magsasaka rin ang tingin ko sa sarili ko. Hindi ko kayang pangatawanan ‘yun!
Hindi rin ako mapagkawanggawa. Mahilig nga akong mang-agaw eh. Nang bata pa ako, kinukuha ko ang pagkain tsaka gamit ng mga ate ko. Kahit ‘yung laruan nilang kotse-kotsehang gawa sa puno ng saging, hindi ko ‘yan pinaligtas. Lagi akong naiinggit sa kung anong meron silang laruan kahit marami naman akong ganun. Tapos, kapag ako naman ang may bagong laruan, gusto ko walang mangingialam. Sa akin lang ‘yun.
Nang magbinata ako, dala-dala ko pa rin ang mga ugaling iyon. Laluna ang pagiging mainggitin. Kapag nakikita ko ang mga kabarkada kong may bagong girlfriend, liligawan ko ‘yun! Aagawin ko kahit magkagalit pa kami ng kaibigan ko. Umabot sa puntong pinagbakasyon muna ako ni Mama sa tiyahin ko sa dami nang nakakaaway ko sa amin.
Pagdating ko kina Auntie, ang napag-tripan ko naman ay ‘yung grupo ng kabataan sa baryong binuo ng mga kasama. Gusto ko rin sumali. Naririnig-rinig ko na ang mga kwento noon tungkol sa mga kasama pero hindi pa talaga ako nakakakita ng isa sa aktwal kaya gusto ko ring sumama. Ang problema, dahil nga sa pasaway na rekord ko ay hindi ako iniimbitahan.
“Para lang ‘yan sa matitino, noy,” biro sa akin ni Auntie. Matitino pala ha. Hmp.
Eh, dahil nga puno ng kalokohan ang kukote ko, naisipan kong manggulo na lang sa kanila kung ‘di rin naman nila ako isasali. Dahil kalakhan sa nasa grupo ng kabataan ay kabarkada ko rin naman, nag-aya ako ng jamming. Nang nagkakasarapan na sa kwentuhan, inalok ko silang uminom. Noong una, ayaw pa sana nila kasi baka raw mabalitaan ng mga kasama. Kaysa uminom daw ay maraming iba pang makabuluhang pwedeng gawin ang mga tulad naming kabataan.
“Sus, para kaunting tagay? Killjoy naman pala ‘yang mga kasama eh. Tapos kayo, takot naman pala,” panghahamon ko. Sa huli, napapayag ko rin ang mga lokotoy. Buong gabi, kung anu-anong kalokohan ang pinagawa ko sa mga kaibigan ko.
“Kina Auntie maraming manok. Kuha tayong dalawa, ‘di naman ‘yun halata. Sino malakas ang loob?”
“Sige nga, tumakbo kayong nakahubad. Ang gumawa, bibigyan ko nang P500. Ayaw ‘nyo? Sige, P1,000”
Mission accomplished. Napatunayan kong pare-pareho lang kaming loko-loko. Pagkatapos noon, mabilis na lumipas ang mga araw. Akala ko, doon na nagtatapos ang lahat. Ang hindi ko inasahan, nabalitaan pala ng mga kasama ang ginawa namin. Ang duda ko, ang tiyahin ko mismo ang nagsumbong sa kanila. Pinatawag nila ako at kinausap. Mahaba ang pag-uusap naming iyon. Basta ang tanda ko, matagal na nga raw nilang alam ang mga kalokohan ko. Marami na raw taumbaryong nagreklamo tungkol sa akin. Isa raw ang tiyahin ko sa mga iyon. (Sabi na, tama ako! Siya talaga ang nagsumbong eh.)
Binigyan nila ako ng dalawang pagpipilian: lumayas na sa baryong iyon at tigilan ang panggugulo ko sa mga kabataan o sumama sa kanila nang ilang panahon para magbago naman ang perspektiba ko sa buhay.
Ito ang unang sangangdaan ng buhay ko. Ano kaya ang pipiliin ko? Mas madali kung lalayas na lang ako. Eh, di balik sa buhay-tambay. Kain, tulog, gala. Kain, tulog, inom. Kaso… Papunta saan nga uli ang direksyon ng buhay ko? Ano nga bang balak kong gawin?
Sinong mag-aakalang ang mga kasama pala ang magpapaisip sa akin kung ano nga bang gusto kong mangyari sa buhay ko. Balak ko sana, pag-isipan pa nang maigi kung ano ang isasagot ko. Pero may parang kung anong humihila sa akin sa mga kasama eh. Hindi ko alam kung ano. Kaya, ang ending, pinili kong sumama sa kanila. Sa pag-uusap na iyon, nagpultaym na ako.
Kalaunan, naging malapit ako sa kumander namin. Idol ko ‘yun eh. Matikas, madaling pakisamahan at magaling magbasa ng sitwasyong militar. Saktong istrikto lang. Tuwing may problema ako, sa kanya ako lumalapit at humihingi ng payo. Itinuring ko na siyang tatay dito sa rebolusyon. Kaya nang malaman kong nasawi siya sa isang engkwentro, gumuho ang mundo ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, kung kanino ako lalapit. Hindi ko kinaya. Masakit pa lang mawalan ng taong malapit sa’yo. Masakit magrebolusyon. Iniwan ko ang platun namin at umuwi.
Natural, hinanap at sinusog ako ng mga kasama. Hindi naman ako nagtago. Gusto ko lang talaga nang kaunting panahong mapag-isa at magluksa. Sinabi nila ang lahat sa akin para kumbinsihing bumalik. ‘Hindi iyan ang tinuro sa’yo ni Ka Doms,’ sabi ng isang kasama. Tama nga naman. Kung makikita niya ako ngayon, malamang binatukan na niya ako.
Sinubukan kong bumangon muli. Bumalik ako sa mga kasama. Siyempre, hindi naman nila ako ginawang kumander ulit. Binigyan muna nila ako ng mga panubok na gawain. Hindi ko iyon minasama. Nagkamali naman talaga ako. Nangibabaw ang lungkot sa akin sa panahong kailangan ako ng platun namin. Kung napahamak sila sa panahong nawala ako, kargo ko pa rin ang responsibilidad. Dito sa hukbo, natutunan kong hindi naman lahat ng gusto ko, makukuha ko – hindi dahil hindi pwede, minsan dahil ganoon talaga ang batas ng digma.
Labinlimang taong makalipas mula nang una akong kausapin ng mga kasama, nandito pa rin ako. Bakit nga ba akong nag-hukbo? Naengganyo ba ako sa baril? Gusto ko lang bang maranasan ang buhay nila? Naburyong lang ba ako sa araw-araw na kain-tulog ko? Ako, kilalang tambay at master ng kalokohan, nakaisip mag-alay ng sarili para sa iba? Bakit? Paano?
Hay naku. Alam ‘nyo bang 15 taon ko na ring pinag-iisipan ang sagot sa tanong na ‘yan? Pero sa tagal na rin nang panahong ipinanatili ko rito sa Pulang Hukbo, natutunan kong hindi naman ganoon kahalaga ang tanong kung bakit ako nagpultaym. Bata pa ako noon, eh. Pwedeng iba pa ang dahilan ko noon. Ang mas mahalagang tanong na araw-araw dapat sagutin ay bakit ako nananatili. Para kanino?
At sa tanong na iyan, araw-araw humahaba ang sagot ko. Dito ako sa Pulang Hukbo natutong magmalasakit. Dito ko natutunang pahalagahan ang uring pinagmulan ko. Dito ko natutunang pahalagahan ang ibang tao – ang kanilang pagsisikap, ang kanilang mga pangarap, ang kanilang mga paninindigan. Dito ko rin naunawaan ang ibig sabihin ng sakripisyo, ng kabiguan, ng kalungkutan. Pero syempre, dito ko rin nakita ang tunay na kaligayahan.
Sa dami ng gamit na inagaw ko sa kung sinu-sino noong bata ako, hindi ko inakalang mas masaya pa lang magbigay. Magbigay ng pag-asa, magpahiram ng lakas, mag-ambag ng tapang, mag-alay ng buhay – lahat para sa layuning makapagbigay ng isang mas magandang bukas para sa nakararami.
Hindi pa rin naman ako perpekto. Bilang kumander ng isang larangang gerilya, napakarami ko pang dapat matutunan at pag-aralan. Pero ang mahalaga, alam kong dito sa Partido, laging may puwang ang pag-unlad at pagbabago.