Labanan ang pasistang lockdown at panunupil

,

Sukdulan na ang pagdurusa ng mamamayan sa walang kapantay na kapalpakan ng rehimeng US-Duterte sa pagharap sa pandemyang Covid-19, sa kagagawan nitong krisis sa ekonomya at sa walang pigil na teroristang paninibasib sa bayan.

Pumapalo na sa halos 8,000 kada araw ang bilang ng mga nahahawa sa Covid-19 at mahigit 12,900 na ang namatay. Sa harap ng isang taong lockdown, lupaypay pa rin ang sistema ng pampublikong kalusugan. Walang libreng mass testing, matuling contact tracing, libreng paggagamot sa mga nahawa ng Covid-19. Wala pa rin ang maramihang pagbabakuna. Tuwing sumisirit ang kaso ng nahahawa, mapaniil at walang-saysay na lockdown ang sagot. Kaya hindi lamang patuloy ang pagkalat ng Covid-19, wasak pa ang ekonomya at kabuhayan, at siil ang milyun-milyong mamamayan.

Dahil sa walang pantay na pinsalang hatid ng lockdown, walang magawa si Duterte kundi luwagan ang mga restriksyon sa negosyo. Ngunit dahil hindi naman pinalakas ang sistemang pangkalusugan (kabilang ang pagsasaayos ng suplay ng mga bakuna na usad-pagong), inilalagay lamang niya ang bansa sa banta ng bagong antas ng paglala ng pandemya.

Ngayong sumisirit muli ang dami ng kaso ng Covid-19, lockdown, curfew at mga tsekpoynt pa rin ang sagot, para lamang palabasing mayroong itong ginagawa. Walang mabuting idudulot ang mga ito kundi dagdag na pagdurusa ng taumbayan. Paghihirap at peligro ang dinaranas ng karaniwang mga tao. Wala na ngang maipambili ng bigas at ulam, paano pa kung magkasakit. Samantalang ang mga upisyal ni Duterte, maya’t maya ang pagpapa-test gamit ang pondo ng taumbayan. Binuksan ang mga mall, pasyalan at sabungan, pero sarado pa rin ang mga paaralan. Nakakulong pa rin ang mga bata’t kabataan at hirap na hirap ang mga magulang.

Hinaharap ng mga manggagawa, kawani at masang anakpawis ang pinakamalaking peligro ng pagkalat ng bayrus sa punong mga pabrika, upisina, sa masisikip na sasakyang pampubliko at sa kanilang siksikang mga bahay. Samantalang ang malalaking kapitalista ay lumalangoy sa laksa-laksang tubo at kita at may malawak na espasyo sa mga upisina at tahanan para hindi magkadikitan at di magkahawaan. Patuloy din ang korapsyon ng mga burukrata at pinagkakakitaan ang pondong pambayan.

Napakalaking palpak ng rehimeng Duterte lalo kung ikukumpara sa pangangasiwa ng pandemya sa Vietnam, New Zealand at Taiwan. Ipinakita nila ang halaga ng malakas na sistemang pangkalusugan, mass testing at matuling contact tracing. May mga palatandaang makatutulong ang bakuna sa pagpigil sa pagkalat ng bayrus, pero kailangan pa itong patunayan sa darating na mga buwan, lalo’t may bagong mga baryant o klase ng Covid-19 na mas mabilis kumalat at posibleng hindi talaban ng bakuna. Ang napatunayan na sa karanasan na ang prinsipal na salik sa matagumpay na pagkontrol sa pandemya ay ang estadong may kakayahan at sapat na rekurso para sa pampublikong kalusugan.

Ang problema, sa harap ng nagpapatuloy na pandemya, iba ang prayoridad ng palpak na gubyerno ni Duterte. Sa badyet ngayong taon, kulang na kulang ang inilaang pondo para sa bakuna sa Covid-19 kaya kaliwa’t kanan ang pangungutang para lamang may maipambili. Wala rin itong inilaang pondo para sa libreng mass testing at mabilisang contact tracing, pero todo-buhos ang pondo para sa militar at pulis at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Dahil walang ginawa para palakasin ang sistemang pangkalusugan at umasa lamang sa mga solusyong militar at pulis, tiyak na mabibigo ang rehimeng Duterte na kontrolin ang pandemya, at kaakibat nito, tiyak na papalya sa pagpapasigla ng ekonomya. Wala itong ibang patutunguhan kundi ibayong krisis, mas malalang disempleyo, pagkalugi ng mga negosyo, kawalan ng kita, pagtumal ng produksyon, pagtaas ng presyo, hirap at gutom.

Sa harap ng labis na pagdurusa ng bayan dulot ng pandemya at krisis sa ekonomya, walang-habas na kampanya ng panunupil ang pinaprayoridad ng pasistang rehimen. Sa nagdaang mga buwan, lalong mas malupit at nakamamatay ang mga dagok ng pasistang estado laban sa demokratikong mga pwersang kumokontra sa anti-mamamayang mga patakaran at pamamalakad.

Sa ilalim ng Anti-Terror Law at sa utos ni Duterte na “patayin lahat ng komunista,” ikinumpas ng NTF-ELCAC, huntang militar ni Duterte, ang serye ng koordinadong mga pagpaslang at pag-aaresto sa Southern Tagalog, Bicol, Panay, at sa National Capital Region. Duguan ang mga kamay ni Duterte at ng kanyang mga pasistang kampon sa dumaraming bilang ng kanilang mga biktima. Dagdag sa AFP at PNP, ginagamit nito ang mga korte, iba pang ahensya ng gubyerno at lokal na yunit ng gubyerno bilang pamato sa maruming gera ng terorismo ng estado para patahimikin at supilin ang buong bayan.

Dapat lamang na buong-lakas na kundenahin ang maramihang pagpaslang ng uhaw-sa-dugong si Duterte. Hanggang hindi napahihinto, ang kahayukan niya sa pagpaslang ay patuloy na hahantong ito sa mas maraming masaker at maramihang pagpaslang sa hinaharap. Walang ibang layunin si Duterte kundi ang daigin sa takot at pagwatak-watakin ang bayan, para tiyaking makapanatili siya sa pusisyon at mapalawig ang kanyang korap na pampulitikang dinastiya lagpas pa sa 2022.

Sa halip na matakot, dapat pag-ibayuhin ng bayan ang kanilang tapang at puspusang ilantad, batikusin at labanan ang kampanyang panunupil ng rehimeng US-Duterte at ang anti-demokratiko, militarista at palpak na tugon nito sa pandemya. Kaakibat nito, dapat walang pagod nilang ihayag ang kanilang mga hinaing at igiit ang pagtataas sa sahod, pagbababa sa presyo ng langis, pagkain at iba pang bilihin, kagyat na ayuda para sa lahat ng nagdarahop, at iba pang kailangang mga hakbangin para sa kanilang kapakanan.

Habang nakatuon ang ilang grupo sa eleksyong 2022, dapat ituon ng masang Pilipino ang kanilang pagsisikap sa maramihang pagkilos sa lansangan upang ipamalas ang kanilang kolektibong galit at ipanawagan ang pagwawakas sa pasistang tiraniya. Kasabay nito, walang pagod na kikilos ang Bagong Hukbong Bayan para ipagtanggol ang masa at parusahan ang mga pasistang may mabibigat na krimen sa bayan.

Labanan ang pasistang lockdown at panunupil