Mahigit 1 milyong kababaihan, nalaglag sa pwersa sa paggawa
Mahigit isang milyong kababaihan ang nalaglag sa pwersa sa paggawa noong nakaraang taon. Halos doble ito sa bilang ng kalalakihan (600,000) na nalaglag sa parehong panahon.
Sa gayon, 19.7 milyon o mahigit kalahati ng kababaihang may edad 15-pataas ang hindi itinuturing na bahagi ng pwersa sa paggawa. Sa mahigit 37 milyong kababaihang nasa naturang mga edad, 17.4 milyon lamang ang nasa pwersa sa paggawa. Kabilang sa mga inilaglag ang kababaihang nag-aaral, mga maybahay, mga nakulong o hindi makakilos dulot ng lockdown, mga maysakit, at mga naghihintay ng resulta sa inaplayan nilang trabaho. Dati nang mababa ang tantos ng partisipasyon ng kababaihan sa pwersa sa paggawa kumpara sa kalalakihan. Sa pinakahuling estadistika, nasa 46.9% lamang ang tantos ng paglahok ng kababaihan sa pwersa sa paggawa kumpara sa 73.9% sa kalalakihan.
Sa taya ng Ibon Foundation, mahigit 10 milyong Pilipino, at hindi 4 na milyon lamang tulad ng taya ng estado, ang walang trabaho noong Enero. Mas mataas din ang tantos ng disempleyo sa hanay ng kababaihan (8.8%) kumpara sa kalalakihan (8.7%). Malaking bahagi rin ng kababaihan (13.4%) ang kulang sa trabaho noong nakaraang taon.