Mga protesta

,

Araw ng Kababaihan. Higit isanlibo ang nagmartsa tungong tulay ng Mendiola sa Maynila para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis noong Marso 8. Sa pangunguna ng Gabriela, iginiit ng mga organisasyon ang kagyat na ayuda, kabuhayan, sahod at trabaho. Naglunsad din ng kasabay na mga protesta sa Baguio City, Bulacan, Naga City, at Iloilo City.

Isang taong lockdown. Nagprotesta ang 150 myembro ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon City noong Marso 17 para gunitain ang pag-iisang taon ng lockdown na ipinataw ni Rodrigo Duterte sa Luzon. Giit nila ang ligtas at libreng bakuna, ₱10,000 ayuda at pagwawakas sa militaristang lockdown. Inilunsad ang kaparehong mga protesta sa iba pang bahagi ng Metro Manila, Laguna, Baguio City at Central Luzon. Noong Marso 15, nagprotesta rin sa Quezon City ang mga myembro ng Kadamay, Anakbayan at Piston.

Ipagtanggol ang Southern Tagalog. Isang protesta ang inilunsad ng mga organisasyong masa para kundenahin ang pamamaslang sa Southern Tagalog at kagyat na pagpapalaya sa mga inaresto sa tinaguriang “Bloody Sunday” sa Calamba, Laguna noong Marso 16. Nagkaroon din ng katulad na mga pagkilos ang mga aktibista sa US, France at Australia.

Kontra-pribatisasyon ng palengke sa Cebu. Tatlong daang manininda at kanilang mga tagasuporta ang nagprotesta sa harap ng upisina ng meyor ng Cebu City noong Marso 17 para tutulan ang bantang pribatisasyon ng palengke. Ikatlong linggo na ito ng protesta ng mga manininda. Balak ng lokal na gubyerno na igawad ang kontrata sa pagpapaunlad ng palengke sa Megawide Construction Corporation ng pamilyang Consunji.

Mga protesta