Diklap | Editoryal: Tuloy-tuloy na Biguin ang Kontra-Rebolusyunaryong Gera ni Duterte!

,

Tuloy-tuloy na Biguin ang Kontra-Rebolusyunaryong Gera ni Duterte!
Ibagsak ang Teroristang Rehimen at Papanagutin sa Kriminal na Kapabayaan sa Panahon ng Pandemya!

Hindi naglubay ni isang saglit ang matinding atake sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa ilalim ng militarista at teroristang rehimen ni Digong Duterte simula nang pakawalan niya ang maruming gera kontra CPP-NPA sa ilalim ng JCP Kapanatagan, na lalong pinababangis ng mga Heneral sa loob ng NTF-ELCAC. Para kumpletuhin ang sangkap ng pagsupil sa anumang oposisyon at nakikibakang sibilyang mamamayan, isinabatas ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Sa natitira pang mahigit 500 araw ni Digong Duterte sa Malakanyang tiyak na lalo pa itong iigting, mas babangis at higit na madugo. Patunay dito ang sabayang pag-atake ng sundalo at pulis sa opisina at bahay ng mga progresibong lider sa Southern Tagalog noong unang linggo ng Marso – sa loob ng magdamag, siyam ang pinaslang, anim ang iligal na inaresto, at marami pa ang napilitang magtago para iligtas ang sarili sa pangambang mataniman din ng baril at pasabog, at ideklarang nanlaban kaya napatay.

Nangyari ito matapos sabihin ni Duterte na patayin ang lahat ng komunista at balewalain na ang karapatang tao. Kahit noong nakaraang Kapaskuhan, walang kahihiyang isinantabi ni Duterte at ng AFP-PNP ang tradisyunal na tigil-putukan para bigyang puwang ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon ng isang bansa na karamihang mamamayan ay Katoliko.

Malamang, habang iniaanunsyo ni Meyor Digong at ng kanyang mga Heneral na hindi sila magdedeklara ng ceasefire at sa halip ay tuluy-tuloy ang operasyon laban sa CPP-NPA, ang nasa likod ng isip nila ay ang masarap na putahe sa mesa at talaksan ng salapi mula sa papasko ng kanilang mga patron, habang ang kanilang karaniwang kawal ay naroon sa kaigtingan ng gera na hindi makauwi kahit sabik-na-sabik sa kanilang mga pamilya.

Noong 2020, sa South Quezon-Bondoc Peninsula (SQBP), umabot sa 11 labanan sa pagitan ng pulang hukbo at pasistang sundalo ang idinulot ng tuluy-tuloy na operasyong kombat ng 59IB at 85IB, katuwang ang pulisya at paramilitar ng CAFGU. (basahin ang Ronda Gerilya)

Pagpasok ng bagong taon, kaagad na inaryahan ni Duterte ang tuluy-tuloy na focused military operations sa iba’t-ibang panig ng bansa. Sa lalawigan ng Quezon, sa unang linggo pa lamang ng Enero ay hinalihaw na ng pasistang tropa ang karamihan sa mga bayan na saklaw ng SQBP.

Dalawang labanan na noong Pebrero 2 at 5 ang naganap sa bayan ng Mulanay at Buenavista na nagresulta ng ligalig sa 22 baryo ng 4 na bayan sa SQBP. Tinatayang aabot sa halos 30,000 sibilyang populasyon ang naapektuhan ng pambobomba at pang-iistraping gamit ang bagong biling mga helicopter na pinagamit sa 201st Infantry Brigade at 2nd IDPA.

Bukod pa rito ang focused military operation sa dalawampung baryo sa mga bayan ng Catanauan, Lopez, Macalelon at General Luna.

Sa halip na seryosong ibaling ng gubyernong Duterte ang lahat ng kanyang pagsisikap para mabigyang kalutasan at lunas ang pandemyang Covid-19, kibit-balikat siya rito. Hindi ang paglutas sa isang taon nang pandemya ang nasa sa prayoridad ni Duterte.

Kung ang lahat ng bansa sa buong daigdig ay nagmamadali sa pagpapabakuna sa kanilang mamamayan, ang Pilipinas ay nananatiling kulelat sa pagsisikap ng gubyerno nito na mapabakunahan kahit man lamang ang mga pinakamaaaring mahawa na senior citizen, manggagawang pangkalusugan at iba pang indibidwal na nasa prontera ng pagsugpo sa Covid-19.

Sa kabilang banda, nangunguna ang bansa sa buong South East Asia sa pinakamaraming nahawa at namatay dahil sa sakit.

Ang nasa prayoridad ng mga pakana ni Duterte ay ang pagpapanatili sa kanyang kapangyarihan lampas pa sa 2022. Ang nasa unahan ng programa ni Duterte ay ang pagtitiyak sa tuluy-tuloy na pagkulimbat sa kabang-yaman ng bansa. Ang nasa unahan ng programa ni Duterte ay ang pagsusumamo sa dalawang amo habang namamangka sa dalawang ilog ng Amerika at Tsina.

Suporta at pondo para sa gera ang ipinaninikluhod ni Duterte sa Estados Unidos. Asal-bata siya sa kunwang pakikipagbangayan sa US para makasingil ng utang dahil sa pangakong kagamitang pandigma na hindi pa dumarating hanggang ngayon. Nagbanta pang kakanselahin na ang Visiting Forces Agreement dahil lamang sa hindi naaprubahan ang visa application ng katoto niyang si Senador Bato dela Rosa. Ang totoo, parang pitsa sa larong ahedres ang turing ni Duterte sa bansa – isinusuong ang sariling soberenya sa unahan ng labanan ng mga hari.

Kusang nagpapasaklot si Duterte sa kuko ng agilang Amerika, sa gayon ay may depensa siya sa paninindak ng maton ng West Philippine Sea na bansang China.

Para naman sa pakinabang ng programang Build-Build-Build ang inaasahan ni Digong Duterte mula sa China. Mapapahagalpak ka ng tawa sa tinuran ng tagapagsalita ni Duterte na si Harry Roque na nagpapanibagong silang daw ang imprastraktura sa panahon ni Duterte. Ano ang muling pagsilang ng imprastraktura sa hindi malutas-lutas na problema ng trapiko sa EDSA at kulang na silid-aralan sa mga iskwelahang pampubliko at makupad-pa-sa-pagong na internet service para sa online classes?

Paulit-ulit na pagkadurog ng pangarap ng mamamayang Pilipino ang hatid ng Build, Build, Build na sa kaibuturan ay pistang piging para sa imperyalista, panginoong maylupa at burgesya kumprador.

Hindi maaring basta talikdan na lamang ni Duterte ang relasyon niya sa US at China kahit ang kapalit nito ay ang paglalagay ng etiketa ng presyo sa soberanya ng bansang Pilipinas. Kalakal na itinatyangge ni Duterte ang kasarinlan ng bayan. Ang pagbawi ni Duterte ng kanyang katapatan alinman sa US o China ay mangangahulugan ng pagtalikod rin sa salapi at kapangyarihang hinding-hindi niya kayang bitiwan kahit pa matapos ang kanyang termino sa 2022.

Kabi-kabila ang pakana ni Duterte para matiyak ang kontrol at konsolidasyon ng kanyang gubyerno bilang paghahanda sa pananatili sa puwesto o pagsasalin nito sa pipiliin niyang kasunod – charter change para baguhin ang sistema ng gubyerno, kaltas-buwis para pansuhol sa mga patrong kapitalista, pinalobong pondong militar para sa kanyang mga Heneral, batas kontra-terosismo para supilin ang lahat ng oposisyon, at maruruming gera para tapatan ang armadong paglaban ng mamamayan.

Ang pag-iisantabi ng pamahalaang Duterte sa paglutas sa pangunahing problema sa pandemyang Covid-19 na nagresulta sa lalung pagkalugmok ng bansa sa walang kapantay na krisis pang-ekonomya at pampulitika ay dahil sa maitim na hangarin nitong manatili sa kapangyarihan ang kanyang angkan at kampon lampas ng kanyang termino at paghandaan ang Eleksyong 2022.

Sa lalawigan ng Quezon, Lalong naging miserable ang pamumuhay ng mga magniniyog sapul nang ipataw ni Digong Duterte ang paghihigpit sa galaw ng mga tao sa panahon ng pandemya.

Sa huling pagkukuwenta, ang isang pamilyang magsasaka na may limang myembro ay dapat na may ₱7,036 kada buwan para sa kanyang pangunahing pangangailangan. Dahil umaasa sa napakaliit na kita sa paglulukad at kakarampot na ayuda, umabot lamang sa ₱2,420 ang pinapagkasya ng isang pamilya. Ang mga dating dagdag na pinagkakakitaan kagaya ng pagtityangge ay ipinagbawal dahil hindi na puwedeng magbyahe ng kalakal mula sa sakahan papuntang sentrong pamilihan sa mga barangay at kabayanan. Hindi rin maasahan ang dagdag na kita sa pagpapaupa at pag-uuling dahil nilimitahan ang gawaing produksyon sa mga linang nang ipatupad ang lockdown. Hindi sa Covid mamamatay ang mga maglulukad kundi sa gutom kung magpapadala sa pambobola at pananakot ni Duterte.

Ang paparating na Eleksyon sa 2022 ay tiyak na magiging tagisan din ng magbabanggaang blokeng Suarez at Tan. Nangangarap ang kampo ng kasalukuyang Kongresista ng ikaapat na distrito na si Dra. Helen Tan na makuha ang pamprobinsyang pamahalaan mula sa palit-palitang pag-okupa ng mag-amang Danny at Jayjay Suarez. (basahin ang ikalawang editoryal – Suarez vs. Tan)

May malaking impluwensya sa kalagayan ng lalawigan ang mga kaganapang pampulitika at krisis pang-ekonomya sa pambansang antas. Siguradong kinikilatis mabuti ni Duterte ang mamanukin niya sa Eleksyong 2022. Pero alinman kay Suarez at Tan ang piliing suportahan ni Duterte, nakakatiyak na hindi ito sa batayan ng pagsusulong ng interes ng mamamayang Quezonin.

Kukuhanin ni Duterte ang katapatan ng sinumang nagnanais na maging punong panlalawigan sa batayan ng pagsusulong nito ng programa at patakarang lalong magpapabundat sa mga dayuhan at lokal na kapitalista at panginoong maylupa. Itataas ni Duterte ang kamay ng sinumang magsusulong ng kontra-rebolusyunaryong gera para patuloy na tangkaing talunin ang CPP-NPA sa probinsya.

Nananatiling kabilang sa listahan ang Apolonio Mendoza Command ng NPA sa pangunahing target ng paglipol ng JCP-Kapanatagan at NTF-ELCAC. Matagal nang gigil-na-gigil ang kasalukuyan at mga nagdaang rehimen na puksain ang rebolusyunaryong kilusan sa probinsya ng Quezon.

Tiyak na mabibigo ang rehimeng US-Duterte! Lilipas at maaaring pumalit ang mga susunod pang papet, pahirap at pasistang rehimen subali’t mananatili at patuloy na lalakas ang pagrerebolusyon ng mamamayang Pilipino at tiyak ang maaliwalas na rebolusyonaryong bukas.

Kailangang managot sa sambayanan ang papet, pahirap, kriminal at mamamatay taong rehimeng US-Duterte! Hindi na makapaghintay ng susunod na halalan ang sambayanan. Sa kasalukuyan, labis ang pagkamuhi at sa gayon ay namumulat at kumikilos na ang mamamayang Pilipino upang usigin at papanagutin si Duterte at ang kanyang kampon sa kanilang kriminal na kasalanan sa sambayanan. Kumikilos ang sambayanan upang ilunsad ang lahat ng anyo ng paglabang armado at di-armado para patalsikin at ibagsak ang rehimeng Duterte. Ang mga ito ang magtitiyak na mapapanagot si Duterte at mga kasapakat niya sa kanilang mga krimen at terorismo, at sa dakong huli’y tiyak na magtatapon sa kanila sa basurahan ng kasaysayan.

Ang patuloy na pagsusulong ng digmang bayan sa pangunguna ng New People’s Army ang magpapahina at wawasak sa pundasyon ng paghahari ng pasismo at terorismo ng estado sa bansang Pilipinas. Walang ibang lunas sa kasalukuyang krisis kundi ang paglaban ng sambayanang Pilipino. Walang ibang landas tungo sa tunay na kalayaan, kasaganaan at kapayapaan kundi ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.#

Diklap | Editoryal: Tuloy-tuloy na Biguin ang Kontra-Rebolusyunaryong Gera ni Duterte!