Diklap | 2021: Tuloy ang FMO ng AFP, Tuloy din ang paglaban ng NPA
Hudyat ng unang putok ng taon ang matagumpay na ambus na isinagawa ng Apolonio Mendoza Command NPA-Quezon sa tropa ng mersenaryong sundalo na naglulunsad ng focused military operation sa probinsya ng Quezon simula pa noong nakaraang taon.
Sakay ng dalawang Hummer truck ang tropa ng 85IB nang matambangan ito ng isang yunit ng NPA sa Barangay Dela Paz, sa bayan ng Buenavista noong hapon ng Enero 22. Napahinto ng putok ang sasakyan ng sundalo na nagresulta sa isang patay at sugatang sundalo.
Nagkaroon naman ng labanan sa Sityo Bayabas, Barangay Bolo, sa bayan ng Mulanay noong hapon ng Pebrero 2. Nasundan pa ito ng labanan noong madaling araw ng Pebrero 5 sa Barangay Masaya, Buenavista na ikinamartir nina Ronel “Ka Marwin” Batarlo at Eduardo “Ka Resty” Torrenueva.
Sugatan sa nasabing labanan at naging POW (bihag ng digma) si Ka Marco.
Inamin mismo ng 85IB ang tinamo nilang kaswalti noong Pebrero 5, anila, namatay ang tatlong sundalo kabilang ang tenyenteng si Romeo Sabio, Jr. sa mga sumunod pang labanan noong araw ding iyon.
Sa kabilang banda ay pinabulaanan ng AMC-NPA ang pahayag ng 85IB na nagkaroon pa ng mga kasunod na labanan sa pagitan ng NPA at AFP matapos ang engkwentro nang madaling araw.
Ginawang dahilan ng pasistang 201st Brigade ng Philippine Army ang nasabing pagkamatay ng kanilang sundalo para pagtakpan ang malamang na misencounter sa kanilang hanay dahil sa dami ng idineploy nilang tropa sa lugar. Malaking posibilidad rin na namatay sa friendly fire ang mga sundalo dahil sa pambobomba at istraping na tumagal hanggang Pebrero 8.
Malaki ang naging pinsala sa buhay at kabuhayan ng residente sa mga lugar na naapektuhan ng clearing operations ng pasistang tropa ni Duterte. Hindi nangingimi si Duterte na isakripisyo ang mamamayang sibilyan para sa maruming gera sa ilalim ng JCP-Kapanatagan na nangangarap durugin ang rebolusyunaryong kilusan. Ito ang patunay sa teroristang katangian ng AFP.#