Diklap | Pagpapabaya ng gobyernong Duterte sa panahon ng paglaganap ng ASF

,

Sa pagpasok ng taong 2020, sinalanta ng mga nakamamatay na pandemyang sakit ang buong daigdig. Kasabay ng pangkalusugang suliranin na COVID-19, lumaganap ang pandemyang sakit sa mga baboy, ang African Swine Fever o mas kilala na ASF. Ito ay kumakapit at nakamamatay sa mga alagang baboy ng mga magsasaka at mamamayan na nagdudulot ng malaking pinsala sa kabuhayan. Sing-aga pa lamang ng Agosto 2019 nalaman na nakapasok ang sakit na ito sa bansa ngunit hanggang sa kasalukuyan wala pang natutuklasan na bakuna para dito kaya tinuturukan ng gamot para patayin na ang mga baboy upang pigilan ang paglaganap ng ASF.

Tulad ng COVID-19, isa itong virus ngunit hindi nakakahawa sa tao kundi kumakapit lamang sa mga baboy at wala itong epekto sa tao. Ang parehong sakit ay nagsimula sa bansang China, ang pinakamalaking prodyuser, importer at komukonsumo ng baboy sa buong daigdig. Bagamat una itong lumaganap sa Kenya noong 1921, isa pa lamang itong epidemya noong panahon na iyon.

Sa kasaysayan ng daigdig, mapapansin na lumalaganap ang mga virus tulad ng ASF sa mga kapitalistang bansa na matatagpuan ang mga dambuhalang babuyan, manukan at rantso na malawakan ang paggamit ng mga kemikal na imbes magpalakas sa hayop ay nagiging mahina ito sa mas matitinding sakit.

Sa parehong sakit na COVID-19 at ASF, nagsimula ang mga pandemyang sakit sa mga bansang malawakan ang pagkasira ng kagubatan at kalikasan.

Sa kasalukuyan, tinatayang aabot na ng tatlong milyon ang pinatay na baboy sa Pilipinas para pigilan ang pagkalat ng sakit. Hindi pa kasama dito ang hindi nakalistang mga nag-aalaga ng baboy. Kabilang sa mga apektado ang negosyo at hanapbuhay sa babuyan ay ang mamamayan sa probinsya ng Quezon.

Nasa mahigit 2,400 barangay mula sa 40 probinsya na ang apektado ng ASF.

Ayon sa pananaliksik sa ilang mga bayan sa Quezon, sa isang baryo ay siyam sa bawat sampung pamilya ang nag-aalaga ng baboy. Isa ito sa pangkaraniwang inaalagang hayop liban sa kabayo, baka at kalabaw. Isa sa pinakamabilis na pinagkukuhanan ng kabuhayan at pera ng mga magsasaka. Sa linang, karaniwang inaalagaan ay mga native na baboy sa kanilang mga bakuran.

Mayroong dalawang klase ng baboy, native at hybrid. Mas maraming pangangailangan sa pakain at gamot ang hybrid kaysa sa native. Sa pinakamabuti, dapat hitik sa pakain ang baboy para lumaki at gumanda ang katawan nito na magtatakda ng taas at baba ng presyo.

Ngunit sa kalagayang halos bawi o di kaya ay lugi pa ang nag-aalaga ng baboy sa laki ng gastusin sa pakain pa lamang karaniwang nagiging alternatibong pakain ang sapal ng niyog at dahon ng gabi para makatipid ang mga nag-aalaga. Kaya kalimitan sa ganyang presyo ng gastusin, hindi nasusunod ang dapat na pakain sa baboy.

Mapapansin na mas sa pagbebenta ng biik tumataas ang kita ng nag-aalaga ng baboy dahil wala o kung mayroong man kakaunti ang gastusin para dito. Sa kasabihan nga ng mga magsasaka, ang pag-aalaga ng baboy ay parang alkansya lamang.

Wala pa sa kalahati ng dating presyo ng baboy ang bentahan sa panahon ng paglaganap ng ASF. Higit na tumindi pa ang pagkalugi ng lumaganap ang sakit na ASF dahil walang nagbago sa gastusin habang nagbago naman ang presyo ng bentahan ng baboy na may kaso pang minsan ay wala nang bumibili dahil sa takot ng mga tao na may sakit ang baboy. Lalo na sa kasalukuyan, na halos ubos ang mga baboy sa mga baryong tinamaan ng ASF kaya’t tumaas din ang presyo ng bentahan ng karneng baboy.

Sa mahigit isang taong paglaganap ng sakit na ASF, tulad ng palpak na hakbangin na lockdown sa sakit na COVID-19, walang naging makabuluhang pagtugon ang Rehimeng Duterte at ang kinatawan nitong si Gov. Danilo Suarez sa probinsya ng Quezon upang mapatigil ang pagbaba ng kaso ng pagkamatay at hawahan ng sakit sa mga baboy at kompensasyon o ayuda sa mga nag-aalaga ng baboy. Isandaang porsyento (100%) pa din ang mortality rate o tantos ng pagkamatay ng mga baboy na nahahawahan. Halos paubos na ang baboy sa mga barangay. Sa dalawang bayan ng Gumaca at Lopez, 7 sa 10 magsasaka ang napinsalaan sa palpak na pagtugon ng gobyerno sa pagsugpo ng sakit na ASF.

Habang noong una, mayroong pangakong ibibigay ang Department of Agriculture na limang libong piso (P5,000) kada baboy na namatay dahil sa ASF ngunit 1 taon na ang nakalipas, wala pa ring natatanggap ang mga magsasaka. Ani nga ng isang nanay na magsasaka, “sabi nila may ibibigay pero wala namang dumating”.

Sa bayan ng General Luna, mayroong ipinapamahaging 60 pirasong pugo at 2 sakong pakain nito o di kaya ay itik at/o kuneho bilang pamalit sa mga namatay na baboy. “Wala namang pakinabang ang ipinalit nila. Kapag hindi binilhan ng feeds, hindi nangingitlog. Magastos. Sana nilaga ko na laang ‘yung pugo, nakain ko pa”, komentaryo ng isang nabigyan ng nasabing alagang pugo.

Hindi rin ito lumutas sa problema sa kabuhayan dahil wala namang naiayos na pamilihan para sa mga produktong itlog nito. Ayon sa isang survey, 9 sa 10 magsasaka ang naniniwalang wala ng ayudang ibibigay ang gobyerno para sa mga napinsala ng ASF na baboy.

Kaya hindi rin masisisi ang mga magsasaka na itago sa pulisya ang kanilang baboy sa takot na turukan ito at hindi man lang mapakinabangan.

Ani nga ng isang Kapitan ng Sangguniang Barangay sa Lopez, “Sa totoo lang, hindi kayang ibigay ng gobyerno ang 5,000 na iyan sa dami na ng namatay na baboy. SAP pa nga lang na 6,500 kada pamilya para sa COVID, pahirapan pa sa pagbigay na may pondo naman.”

Malakas na ang hinaing ng mga magsasaka sa bigat ng dagan ng kawalan ng pagkukuhanan ng pang-araw-araw na pangangailangan at hanapbuhay. Anila, mula sa dating kahit kaunti ay may napagkukuhanan sa baboy, ngayon ay mas tumindi at lugmok na ang kabuhayan ng tao. Wala nang masulingan sa usapin ng hanapbuhay sa kalagayang kahit sa paglulukad ay hindi na maasahan sa kawalan ng bunga at presyo.

Nananawagan ngayon ang mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon sa pamprobinsyang pamahalaan ni Gov. Danny Suarez ng dagdag na ayudang pera. Sa kuwentada ng organisasyong Ibon Foundation, kailangan ng P10,000 kada buwan sa susunod na tatlong buwan ng pinakamaralitang pamilya sa bansa para makaagdong sa panahon ng krisis at pandemya. #

Diklap | Pagpapabaya ng gobyernong Duterte sa panahon ng paglaganap ng ASF