Diklap | Pagpapalayas sa kampo ng sundalo, pinepetisyon ng taong barangay sa Macalelon
Talamak at karaniwang balita sa mga barangay na tinayuan ng kampo ng sundalo at bahagi ng mga operasyong militar ang mga kaganapang pamamaril at pambubulabog sa baryo ng mga lasing na sundalo. Karaniwang pangyayari rin ang nakawan ng manok para gawing pulutan. Mas malala pa, nagpapakalat ang sundalo ng pornograpiya at bastos na bidyo, bisyo kagaya ng pagsusugal at nagdadala ng droga sa mga kabataan.
Sadyang ginagawa ng mga sundalo ang panliligaw at kalaunan ay binubuntis ang mga kababaihan sa baryo para mapalapit sila sa lokal na pamayanan.
Ilan lamang iyan sa mga bulok na kaugalian ng pasista at mersenaryong sundalo na nagsasabing ipagtatanggol nila ang bansa sa mga mananakop. Mga halimbawa ito ng JCP-Kapanatagan na ang tototo ay ligalig ang ipinapakita at isinasagawa sa mga baryong saklaw ng kanilang operasyon at kampo lalo sa panahon na inilulunsad nila ang RCSP o Retooled Community Support Program.
Sa Brgy. Vista Hermosa, sa bayan ng Macalelon, itinayo ang isang CAFGU Detachment para magsilbing bantay sa ginagawang dambuhalang dam sa lugar. Noong Enero 31, basta-bastang namaril ang mga sundalo habang sila ay nag-iinom at lasing. Nakapinsala at nakapatay sila ng kabayo na gamit sa araw-araw na hanapbuhay ng isang magsasaka.
Ani ng isang taumbaryo, “hindi ka makakaramdam na ligtas ka sa araw-araw dahil laging nagpapaputok ang mga lasenggong sundalo at Cafgu.”
Kaya’t nagpasya ang taumbaryo na ipetisyon ang pagpapalayas sa kampo ng sundalo dahil hindi kapanatagan at kaligtasan kundi takot at pagkabahala ang dinudulot ng pananatili ng pasistang sundalo sa mga baryo. Sinuportahan ng Sangguniang Barangay ng Vista Hermosa ang panawagang ito ng kanilang residente.#