Diklap | Perwisyo ang Dala ng Barangay Development Program
Hindi na mabilang sa daliri ang karanasan ng masang anakpawis sa lalawigan sa tuloy-tuloy na paggamit ng reaksyunaryong gobyerno sa mamamayan.
Muli na namang pinatunayan ng rehimeng Duterte na ang katapusan ng bawat kontra-insurhensyang Oplan ay korapsyon at panunupil. Isa ang lalawigan ng Quezon sa sinasabi ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines na balwarte ng rebolusyonaryong kilusan kung kaya isa ang lalawigan sa lalaanan ng pondo mula sa NTF-ELCAC sa tabing ng proyektong Barangay Development Program o BDP.
Ang BDP ng rehimeng US-Duterte ay naglalayong laanan ng P20 Milyon ang mga cleared barangays, ibig sabihin nila ay mga barangay na “nalinis na sa presensya at naalisan ng impluwensya ng CPP-NPA”. Ilalaan ang pondo para sa pagpapagawa ng mga eskwelahan, health stations, kalsada, patubig at pagtatanim ng punong-kahoy.
Layon ng BDP na ipatupad ang huling yugto ng “clear-hold-consolidate-develop” ng JCP-Kapanatagan sa pamamagitan ng pagmumudmod ng pondo sa mga opisyal ng barangay na may kabuuang P16.44 bilyon na mula sa badyet ng NTF-ELCAC.
Gagawing praktisan ng mga berdugong militar ang mga baryo para sa kanilang mga bagong mga kagamitang militar na inutang sa mga bansang amo ni Digong. Tulad ng E-CLIP at iba pang mga programang ibinabandera ng AFP, korapsyon lamang ang ihahatid nito sa ating bansa.
Ang tunay na layon ng programa ay kontrolin ang mamamayan at palawigin pa ni Digong Duterte ang kanyang kapangyarihan lampas sa 2022 – sa paraang suhol. Walang dili’t iba ang BDP kundi suhol sa mga barangay. Ang kontrol sa mga barangay ang pinakamahalagang pamamaraan sa pagkontrol rin sa katapatan, na sa tunay na kahulugan ay – boto – para sa paparating na Eleksyong 2022.
Pinakamalaki ang inilaang pondo sa probinsya ng Quezon sa buong Region 4-A kung saan umabot sa 16 na baryo ng 5 bayan ang makakatanggap ng pareparehong P20M. Katumbas ito ng 53.3% kabuuang pondo sa Calabarzon.
Samantala, kapansin-pansin na 14 sa mga barangay ay matatagpuan sa South Quezon-Bondoc Peninsula. Sa mga naturang barangay ay naganap ang mga labanan sa lalawigan noong nagdaang taon. Dito rin nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng paglabag sa karapatang pantao mula manungkulan si Duterte.
Sa mga barangay ng San Vicente Kanluran at Suha sa Catanauan na itinuturing na “cleared barangay” naganap ang labanan sa pagitan ng NPA at 59IB noong Marso 15, 2020 at Oktubre 17, 2019, ayon sa pagkakasunod. Sa barangay Lavidez ng General Luna naman nangyari ang labanan noong October 29, 2020.
Tampok naman ang pangyayaring pekeng pagpapasuko sa barangay Nasalaan ng San Francisco noong November 2018 na pakyawan, sapilitan at mapanlinlang na ginamit ang 14 na sibilyan para sa kanilang programang ECLIP. Ipinangako ng mga sundalo ang napako nang isang sakong bigas at 3 biik ng baboy. Sunod-sunod naman ang mga kaso ng pandarahas at pananakot para mapaloob sa kanilang kampanyang pagpapasuko, katulad ng pangyayari sa mga magsasaka, kabataan, at kababaihan ng Brgy. Ibabang Cambuga ng Mulanay at Brgy. Buenavista ng San Narciso noong July 2020 at Enero 2021.
Sa bayan ng San Francisco na isang second class municipality na matatagpuan sa dulong bahagi ng lalawigan ng Quezon, iba’t ibang mga proyekto na ang ipinatupad ng rehimeng Duterte ngunit nananatiling dito matatagpuan ang pinakamahihirap na tao sa buong lalawigan.
Ang barangay Nasalaan, Pugon at Pagsangahan ang mga baryo na kabilang sa talaan ng BDP na matatagpuan sa dulong bahagi ng bayan padikit sa Tayabas Bay. Kalakhan ng tao sa lugar ay mga Bisaya na nagmula sa uring magsasaka na nakipagsapalaran para magkaroon ng ikabubuhay. Kadalasan pinagkukuhaan nila ng kabuhayan ay magmumula sa mais, kopra at pag-uuling.
Walang sariling lupa ang mga magsasaka at kalakhan sa mga ito ay tenante sa mga asyenda. Walang depinidong pagkakabuhayan, lalo na ng salantahin ng sunod-sunod na kalamidad tulad ng tagtuyot at bagyo, at pandemya hanggang ngayon.. Bukod pa ang mababang presyo ng produktong bukid na ipinapatupad sa lokalidad. Sa ganito karalitang barangay, hindi tinutugunan ng 20 milyong pisong pondo ang tunay na pangangailangan ng mga residente.
Ang mga sumusunod ay talaan ng barangay sa ilalim ng BDP:
Lopez:
1. Cawayanin
2. Mabanban
3. Sta. Catalina
Catanauan:
4. San Pablo Suha
5. Doongan Ilaya
6. San Vicente Kanluran
Mulanay:
7. Ibabang Cambuga
San Narciso
8. Buenavista
General Luna
9. Lavides
10. Recto
11. Sumilang
San Francisco
12. Pugon
13. Nasalaan
14. Pagsangahan
General Nakar
15. Lumotan
16. Pagsangahan
Ang mga nabanggit na mga barangay sa itaas ay ang sinasabi ng rehimeng natanggalan na ng impluwensya ng kilusan. Labing apat sa mga baryo sa itaas ay meron nang sariling mga eskwelahan, kaya kalokohan ang 3 milyon na ilalaan ng BDP para sa pagtatayo ng paaralan. Halata rin na hindi pinag-aralan ang alokasyon ng pondo dahil kung hahatiin ito sa bawat residente – sa pinakamaliit na baryo, P36,764.70 kada tao, habang sa pinakamalaking baryo ay P2, 663.82 kada residente.
Nangangarap ng gising si Parlade, Duterte kasama ang buong NTF-ELCAC na magagawa nitong alisan ng impluwensya ang malalim nang nakaugat na pagmamahal ng mga Quezonin sa Bagong Hukbong Bayan at Partido Komunista ng Pilipinas.#