Diklap | Pulang saludo para kay Ka Resty!
Pinakamataas na pagdakila at pagpupugay ang iginagawad para sa rebolusyonaryong kabayanihan ni Kasamang Eduardo Torrenueva, kilalang Ka Resty sa rebolusyunaryong kilusan, isang batang pulang komander ng Bagong Hukbong Bayan at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, bayani at martir ng sambayanan.
Madaling araw ng Pebrero 5, 2021 nang masawi habang nakikipaglaban si Kasamang Resty at si Kasamang Marwin sa mersernaryong hukbo ng reaksyunaryong gobyerno sa Brgy. Masaya, bayan ng Buenavista, lalawigan ng Quezon.
Si Ka Resty ay 22 taong gulang na ipinanganak noong Mayo 18, 1998 sa barangay Libertad, bayan ng Hilongos sa lalawigan ng Leyte. Bata pa lamang ay tumutuwang na si Ka Resty sa kanyang mga magulang sa paghahanapbuhay kagaya ng pakikipagkoprahan sa kanilang lugar. Dahil sa kanyang murang edad, hindi niya kinayang makipagsabayan sa pagtatrabaho ng mga matatanda na ang kairalan sa kanilang lugar ay inaakyat ang puno ng niyog para makuha ang bunga na kokoprahin. Dahil sa kahirapan, sa edad na 14 taon ay nagpasya siyang makipagsapalaran sa Maynila para makatulong sa kanyang mga magulang at mapag-aral ang mga kapatid. Namasukan siya sa iba’t ibang klaseng trabaho.
Tinatawanan na lamang niya ang mga naging karanasan sa mga trabahong ito habang kinekwento sa mga kasama tulad na lang nang magtrabaho siya sa barbekyuhan, dahil sa nahihirapan na siyang magtuhog ng karneng iihawin, inilipat siya sa paggawa ng sarsang sawsawan. Natanggal siya sa trabaho dahil hindi daw masarap ang pagkakatimpla. Pagkatapos noon ay namasukan naman siya sa isang karenderya bilang delivery boy. May pagkakataon na tinanong siya ng may-ari kung bakit pulang-pula ang mukha habang may sunong na lutong ulam, yun pala ay nabuhusan siya ng mainit na sabaw ng idedeliber na ulam. Nagtinda siya ng DVD sa bangketa, nagconstruction worker, namasukan sa pagawaan ng kaldero at ilan pang di na mabilang na trabaho ang kanyang pinasukan.
Isang responsableng anak at kapatid si Ka Resty sa kanyang pamilya, sa bawat kinikita niya hindi niya nakakalimutan na magpadala sa kanyang mga magulang at kapatid bilang pangtustos sa pag-aaral. Tiniis ang mapalayo at hirap ng palipat-lipat ng trabaho para sa pamilya.
Dahil sa sistemang kontraktwalisyon, ni minsan sa dami ng pinaglipat-lipatang trabaho hindi nito naranasan ang magkaroon ng regular na trabaho. Pagkatapos ng kanyang kontrata ay maghahanap at pipila na naman siya para mag-apply at makakuha ng panibagong trabaho. Dito niya rin naranasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng kanyang mga naging amo, mga kapitalista at mismong mga kontra-manggagawang mga patakaran ng reaksyunaryong gobyerno.
Lalo niya itong naunawaan nang mamasukan siya bilang kontraktwal na manggagawa sa isang pagawaan ng sabon sa Laguna. Pinili ni Ka Resty na unawain ang totoong kalagayan ng mga manggagawa. Dumalo siya sa mga pag-aaral ng mga karapatan ng mga manggagawa at mula doon ay naunawaan niya ang pambubusabos at pagsasamantala ng mga kapitalista kasabwat ang mga ahensya ng reaksyunaryong gobyerno sa mga manggagawa kagaya ng napakababang sahod, walang benepisyo at walang seguridad sa trabaho.
Mula doon ay namulat siya sa tunay na kalagayan. Kaya’t nagpasya siya na ipaglaban ang sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawa. Isa siya sa naging bahagi ng pagbubuo ng pagkakaisa ng mga kontraktwal na mga manggagawa sa kanilang pabrika para ipaglaban ang regularisasyon sa trabaho.
Lumahok si Ka Resty sa inilunsad na welga ng kanilang unyon.
Kagaya ng kanilang inaasahan ay naging malupit ang pandarahas ng kapitalista gamit ang kanyang mga bayarang goons kasabwat ang DOLE ,NLRC, LGU, PNP at AFP sa pagbuwag sa hanay ng nagkakaisang mga manggagawa. Sa kabila ng panggigipit at pandarahas, hindi tumigil si Ka Resty at kanyang mga kasama na ipaglaban ito.
Habang patuloy nilang ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan ay napilitan si Ka Resty na mamasukan muna bilang construction worker para hindi maputol ang kanyang pagpapadala ng tulong sa kanyang mga magulang at mga kapatid.
Hindi rin tumigil si Ka Resty sa pag-alam ng tunay na kalagayan at paano ito mababago. Natuklasan niya na hindi lang pala ang mga katulad niyang manggagawa ang inaapi at pinagsasamantalahan kundi ang malawak na mamamayan. Natuklasan niya na hindi lamang pala ang ilang ahensya ng gobyerno ang nang-aapi at nasasamantala kundi ang mismong reaksyunaryong gobyerno. Natuklasan niya na hindi lamang ang sistema sa kanilang pagawaan ang bulok at kailangang baguhin kundi ang buong sistema. Natuklasan niya din ang armadong pakikibaka.
Sa pag-unlad ng kanyang kamulatan, Marso 2020 ay nagpasya siya na tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Naging mahusay na pulang mandirigma at sinasanay na pulang kumander si Ka Resty. Noong una, tahimik at mahiyain pa ngunit sa kalaunan naging kapalagayang loob ang mga kasama at naging palabiro na, minsan pa ay napupuna ng ibang mga kasama dahil sa ingay at kanyang kakulitan. Mahilig mag-imbento ng mga estilo ng pagluluto, kilala siya sa lutong Sinapalang Minatamis na Balinghoy.
Bilang pulang mandirigma ay tinaglay niya ang mahusay na rebolusyonaryong aktitud. Mabilis siyang nagpupuna sa sarili kapag may pagkakamali at maluwag niya ding tinatanggap ang puna. Isang modelo si Ka Resty sa usapin ng pag-sunod sa atas, wala syang pinipiling gawain maging madali man o mahirap, magaan man o mabigat, bago man sa kanyang pandinig ang gawaing iniaatas. Lagi siyang bukas matuto sa iba’t ibang gawaing ibinibigay sa kanya.
Pinatunayan sa kanyang mga ginampanang gawain at tungkulin ang pagiging isang tunay na proletaryado ng uring manggagawa, isang mahusay na rebolusyonaryo.
Si Ka Resty ay naging kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Naging S4 o opisyal sa lohistika, gumampan din bilang GP o giyang pampulitika ng iskwad at ang huli niyang ginampanang tungkulin ay bilang sinasanay na pangalawang komander. Sa mga masang nakapamuhayan niya, mahiyain ngunit taglay ang sinserong paglilingkod at kagustuhang makasalamuha sila.
Si Kasamang Resty ay lagi’t-laging maaalala ng mga kasama at ng masa sa kanyang sigla bilang NPA, dedikasyon at kasigasigan sa paggampan ng gawain. Taglay niya ang katapangan mula sa kanyang pagkakaunawa sa paninindigan at prinsipyo ng pagrerebolusyon.
Abai, hinding-hindi ka malilimutan ng mga kasama at ng malawak na sambayanang iyong pinaglingkuran. Mananatili ang iyong mahahalagang ambag sa pagsulong ng rebolusyon at magiging inpirasyon namin at ng malawak na mamamayang api para ibayo pang kumilos, lumaban at ipagpatuloy ang iyong naiwanang tungkulin hanggang sa tagumpay.
Mabuhay ang rebolusyonaryong pag-aambag ni Ka Resty!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Pebrero 10, 2021