Diklap | Ronda Gerilya
Noong 2020, Bigo ang FMO at atakeng kombat ng AFP-PNP laban sa NPA sa panahon ng pandemya.
Binigo ng Apolonio Mendoza Command ng Bagong Hukbong Bayan-Quezon ang focused military operations at mga pag-atake ng 201st IB, 2nd IDPA at PNP-CALABARZON sa pinagsanib na operasyon ng mga panagupang batalyon nito gamit ang 59th IB, 85th IB, Division Reconnaisance Company (DRC) ng Philippine Army at ng RMFB-Region IV-A.
Labing-isang labanan ang iniresulta ng mga operasyong kombat ng mga pasista katuwang ang mga paramlilitar na CAFGU.
Noong Enero 18 nagkalabanan sa Barangay Pisipis, Lopez na nagresulta sa pagkamatay ng 2 elemento ng 85th IBPA. Bago ang engkwentro, namonitor ng mga NPA ang umaatakeng tropa ng sundalo kaya kaagad na nagmaniobra ang pulang Hukbo upang maiwasan ang labanan na maraming madadamay na sibilyan, sa pagmamaniobra ay nagkaengkwentro ang mga gerilya at ang pasistang tropa.
Noong Pebrero 14, matagumpay na inambus ng AMC-NPA ang isang sasakyan ng pulis sa barangay San Juan, San Narciso. Tugon ito ng pulang Hukbo sa malaon nang reklamo ng taumbayan sa pangongotong at pagiging protektor ng iligal na gawain ng mga pulis sa naturang bayan.
Buwan ng Marso ay inianunsyo ang pandemyang Covid-19 sa buong mundo, isang pangyayaring nagtulak sa United Nations para manawagan na magdeklara ng tigil-putukan ang lahat ng armadong organisasyon sa daigdig nang sa gayon ay maituon ng lahat ang pagsisikap sa pagharap sa nakamamatay na sakit. Kapwa tumugon ang rebolusyunaryong NPA at pasistang AFP sa magkahiwalay na unilateral ceasefire.
Sa kabila nito, ginamit at sinamantala ng AFP ang pagkakataon upang patraydor na atakehin ang NPA. Hindi naglubay bagkus lalong tumindi ang operasyong militar ng AFP-PNP. Noong Marso 15 sa barangay San Vicente Kanluran, Catanauan, alas dos ng madaling araw nang lusubin ng 59th IBPA ang namamahingang NPA. Subalit dahil laging alertado at handa ang mga pulang mandirigma sa posibleng paglusob, nabigo at napatayan pa ng dalawang (2) elemento ang mga sundalo,
Walang tigil na operasyon ang inilunsad ng AFP sa panahon ng tigil-putukan sa tabing ng kampanya sa pagsugpo sa Covid-19. Walang kahihiyan nilang pinangalandakan at pinagyabang na ang ginagawa nila ay para pigilan ang pagkalat ng sakit. Dahil sa ganitong kondukta ng AFP, dalawa (2) pang magkasunod na labanan noong Marso 31 at Abril 1 ang naganap na ikinamartir ng dalawang NPA na tumutupad sa tigil-putukan.
Nangyari ang magkasunod na labanan sa Barangay Mabunga, Gumaca at Barangay Whitecliff, San Narciso.
Hulyo 13 sa Barangay Anyao, Catanauan muling napasagupa ang NPA sa umaatakeng tropa ng 85th IBPA. Kaagad silang pinutukan ng mga NPA na ikinasawi ng dalawang sundalo.
Matapos ito ay nagpatuloy ang malakihang mga operasyon ng sundalo, pulis at paramilitar sa buong South Quezon-Bondoc Peninsula. Mahigit sa 50 barangay ng siyam na bayan ang sabay-sabay na sinaklaw ng operasyong kombat ng AFP sa panahong ito.
Noong Hulyo 29 habang nag-aaral at naghahanda ang isang yunit ng AMC-NPA para sa medical mission, namonitor ng mga pulang mandirigma ang papalapit na mga sundalo kaya aktibong nagdepensa sila kung saan ay nagresulta ng tatlong (3) kaswalti sa hanay ng 59th IBPA. Kasama sa napatay ang opisyal ng sundalo na si Lt Jay-ar Layuraga. Naganap ito sa Brgy. Vista Hermosa, Macalelon.
Dahil sa labis na desperasyon ng AFP na makabawi sa ilang sunod-sunod na pagkabigo ng kanilang mga atake, lalo nilang pinasinsin ang mga operasyong militar na inilulunsad. Nagresulta sa dalawa (2) pang magkasunod na mga labanan noong Agosto 13 sa Barangay Talisay, San Andres at Barangay Kankabadong, San Narciso kung saan dalawa (2) pang kaswalti ang tinamo ng 85th IBPA.
Sa huling kwarter ng taon, tatlong labanan pa ang naganap sa katindihan ng operasyon ng AFP sa kasagsagan ng pananalasa ng magkakasunod na bagyo. Matapos manalasa ang bagyong Quinta, isang engkwentro ang nangyari sa Barangay Lavidez, General Luna noong hapon ng Oktubre 29. Dalawa pang labanan ang naganap sa Barangay Lahing at Barangay San Nicolas, Macalelon pagkatapos namang manalasa ng bagyong Ulysses noong umaga ng Nobyembre 12 at hapon ng Nobyembre 15.
Sa pananalasa ng Bagyong Rolly, Siony at Tonyo, nagkakailan pang pag-atake ng mga sundalo ang iniwasan ng NPA para magsaalang-alang sa kalagayan ng mga barangay na nasalanta ng bagyo.
Sa huling tatlong labanan noong 2020, walang tinamong pinsala sa panig ng pulang hukbo, taliwas ito sa balita na inilabas ng AFP na may 12 kaswalti ang NPA kabilang ang mga babaeng gerilya sa isang labanan sa Macalelon.
Sa kabilang banda, maraming mapagkakatiwalaang ulat mula sa mga residente ng barangay ang nagsabing may namatay bukod pa ang sugatan sa panig ng reaksyunaryong hukbo ng 59IB at 85IB sa naturang tatlong labanan.
Sa buong taon ng 2020 ay mayroong kabuuang 11 na kumpirmadong napatay sa hanay ng pinagsanib na pwersa ng 85th IBPA at 59 IBPA sa labing-isang naganap na labanan mula Enero hanggang Setyembre. Hindi pa dito kasama ang mga sugatang sundalo at tala ng kaswalti sa huling tatlong labanan.
Sa kabilang banda, dalawang pulang mandirigma ang namartir sa panahong ito.
Sa pagpasok ng bagong taon ng 2021 ay wala pa ring tigil sa pag-atake ang AFP sa ilalim ng pinabangis na JCP-Kapanatagan. Malaki ang problema ng mga Heneral ng AFP at ni Digong Duterte, lumipas na naman ang itinakda nilang dedlayn pero ang tangi nilang napatunayan ay hindi nila kailanman makakamit ang pangarap nilang pawiin sa balat-ng-lupa ang CPP-NPA.#