Diklap | Tula: Wiling Willie

,

“Hindi na muna ako,” magalang n’yang pasubali.
“Maedad na’t bingi,” iling-ulo sa pagtanggi.
Katakut-takot na paliwanag, masuyong paanyaya
Inakit ang matanda, nang sa Hukbo’y humunta.

Marami siyang aral, takot at pagkadalâ
Ayaw nang paabala, dahil sa danas na mapaklâ,
Mula sa kaaway na nandahas sa kanila
“Hindi na muna ako,” ilang ulit pang wika.

Pero maya-maya pa’y eto’t sumalampak na
Ningning ng alaala kanya na ring inihunta
Isa-isang binuklat na tulad ng pahina
Kaharap n’yang Hukbo nakinig, namangha

Unti-unting ibinahagi mga karanasan noong una,
Nakalimutan nang magsusuga pa siya ng baka.
Nawili na ngang tunay ang Willing matanda,
Sa muling pagtitiyap sa Hukbo ng magsasaka.

Malugod na binahagi ang karanasang maningning,
Masaklap kung tutuusin, mapait sa damdamin
Pero kakatwa ito kung kanyang alalahanin.
Mata’y kumikibot waring may apuhap sa dilim

Makailang ulit siyang ipinatawag sa kampo,
Ng mabalasik na sundalo, ngala’y Albarico,
Minsan nga’y bitbit pa ang tinapay na panlako.
Gaunti nang amagin tumigas na parang bato

Binbin hanggang alas-dose, interoga buong gabi.
Nakatala umano siya sa nalaglag na pabili,
Na napulot raw man din sa naganap na labanan.
Pano ika malalaglag, ganito ang katwiran,

“Ay di naman nawawala ang aking pangalan!
Heto nga ser ako’y inyong tinawag na naman!
Baka ang nalaglag ay listahan ng utang
Dyuskong mahabagin, ako’y patawarin naman.”

Sa huli ang pakiusap at hirit ng matanda
“Aba’y bayaran ninyo Ser ang aking paninda,
Kainamang abala! Pandesal ko bagang tinda,
Hatinggabi na’y, aruuu, inilalako ko pa!”

Minsan baryo’y kurdon ng kaaway sa operasyon,
Paano’ng gagawin, sa mensaheng nakabalumbon
Tiklop na papel sa laylayan ng damit isinisilid
Bistado na ni Ser, kapkap kada singit-singit!

Ngunit hindi padadaig sa talas ng isip,
Binutasan sa gitna ang bayabas na matamis,
Maingat na isingit, sulat ay isiniksik,
Bago’y ibinala, hinaklit ang paltik

Sabay tira pauna, pigil-pigil ang hininga
Nerbyos ang sipol ng walang-tonong kanta
At pag nakalagpas na sa kordon ng pasista
Dampot si bayabas, ngiti ay abot-taynga.

Matanda na ika ako, intindihin mga kasama.
Sa ating rebolusyon, “Anu’ng hirap ko na!
“Kung maaari nama’y huwag na akong ipaloob
Sa grupo, samahan, anumang pagbubuklod.”

Ngunit maya-maya, tuloy nang nagrekomenda,
Ito ika ang mga maaayos pa nating masa.
Panay rin paalala, mga dapat iwasan,
Magarang lusutan, may tubig na puwestuhan

Di na kailangan pang mamutawi sa bibig
Sa kabila ng agam at pagdadalwang-isip
Ang rebolusyon sa puso, tuloy ang daig
Kalamay na nakapagkit, ay inam ang kapit!

Di ito mahihiklat tulad ng pagkakaupo
Papaalam, tatayo, titighim, muling uupo
Di na umagwat sa kinasabikan nyang Hukbo
Muling aasamin, tagumpay nilang pangako!#

Diklap | Tula: Wiling Willie