Editoryal | Ipagbunyi ang anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Sulong para sa higit pang mga tagumpay sa kabila ng pasismo ng estado! Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa BHB!

,

Artikulo mula sa Kalayaan-Gitnang Luzon Special Issue, March 2021

Download full issue here: PDF

Pinakamataas na pagpupugay sa ika-52 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Sa gitna ng paghahasik ng pasismo ng rehimeng US-Duterte, sumusulong ang digmang bayan sa malawak na kapatagan at mga kabundukan ng Gitnang Luson kaya’t signipikanteng ipagbunyi ang mga tagumpay na nakamit ng ating rebolusyonaryong kilusan.

Sa paggunita sa higit limang dekada ng pagkakatatag ng BHB, bigyan din natin ng pinakamataas na pagpupugay ang lahat ng mga magigiting na rebolusyonaryong martir na nagbuwis at nag-alay ng kanilang panahon, lakas, at buhay para sa interes ng masang api at pinagsasamantalahan. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, ilang mga huwarang kabataan ng Gitnang Luson ang nabuwal sa pakikidigma. Walang pag-iimbot nilang hinarap ang buhay at kamatayang pagrerebolusyon para paglingkungkaran ang sambayanan.

Mula noon hanggang ngayon, nananatili ang mga salik na siyang nagpapatining ng panawagan sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa kasalukuyan ay higit lalong sumahol ang krisis na kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Labis na nagpakatuta ang rehimeng US-Duterte sa imperyalistang mga bansa at walang habas ang pagpapatupad nito ng mga polisiyang neoliberal sa ating ekonomya na siyang nagdulot ng walang kapares na kahirapang nararanasan ng masang anakpawis.

Dulot ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law, mas lalong nalubog sa kumunoy ng kahirapan ang mga magsasaka. Sa Gitnang Luson, pumapalo na lamang sa 10 piso ang presyuhan ng palay. Mas lalo pang tumindi ang pambubusabos sa mga magsasaka dahil sa walang patid na land-use conversion sa buong rehiyon dulot ng mga proyekto sa ilalim ng Build.Build.Build na layuning palayasin sa mga sariling lupang sakahan at panirikan ang mga katutubo, magsasaka, at maralita.

Sa kabilang banda naman, mas lalong sumahol ang kalagayan ng mga manggagawa magmula nang tamaan ng pandemiya ang bansa dahil sa inutil at palpak na tugon ng gobyerno. Libu-libong mga manggagawa sa rehiyon ang nawalan ng trabaho o iligal na tinanggal sa trabaho, daan-daan ang mga nagsarang pagawaan – at sa kabila nito’y maraming mga manggagawa ang hindi nakatanggap ng ayuda. Mas lalong lumobo ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas dahil sa isang taong lockdown. Dagdag pa rito, napako rin sa baryang 420 pesos ang arawang sahod ng mga manggagawa sa Gitnang Luson. Mas lalo rin pinasahol ang kalagayan ng mga manggagawa partikular sa mga Economic Processing Zone gaya ng Clark dahil sa ipinatutupad na Joint Industrial Peace and Concerns Office (JIPCO) ng teroristang PNP-Region III. Dahil sa JIPCO, winasak ang mga karapatan ng mga manggagawa gaya ng karapatang sumali at magbuo ng mga samahan o unyon.

Dahil sa tumitinding krisis na binunga ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan, mas lalo lamang umigting ang paglaban ng mga mamamayan. Batid ito ng kasalukuyang rehimen kung kaya’t binigyan nito ng ligal na tsapa ang kaniyang mga alipores upang supilin ang lahat ng mga kritiko, aktibista, at mamamayang lumalaban sa kanyang pasistang pamamalakad. Sa halip na tugunan ang pandemiya ng medikal na serbisyo, pagtitiyak ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan, ibayong militarisasyon ang tinugon ni Duterte. Ni-transporma nito ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang maging kasangkapan sa all-out war laban sa ordinaryong mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.

Naglabas ang estado ng mga malisyosong listahan ng mga eskwelahang breeding ground di-umano ng komunismo at NPA recruitment, nagpakalat ng mga tarpaulin, poster, at flyers sa mga sentrong lungsod at mga komunidad sa kanayunan, naglabas ng mga pekeng surrenderees, at iba pang porma ng kasinungalingan at panlilinlang. Nagpakat din ito ng mga kampo ng militar sa mga komunidad ng mga katutubo, magbubukid, at maralita upang maghasik ng terror. Nagpatupad din ito ng isang hindi deklaradong batas militar sa tabing ng Anti-Terror Law at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para pigilan ang anumang porma ng paglaban ng mamamayan. Dulot nito, dumarami ang bilang ng mga inaaresto at pinapatay na mga aktibista’t sibilyan sa rehiyon at sa buong bansa.

Ngunit sa kabila ng mga atake at panunupil, ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataan at estudyante (RKKE) sa Gitnang Luson ay umani pa rin ng maniningning na mga aral at tagumpay mula sa sariling karanasan nito. Matapang na hinarap ng mga rebolusyonaryong kabataan at estudyante ang anumang pananalanta ng panahon at bigwas ng estado. Hindi nakwarantina ang talas sa pagpapaliwanag ng linya ng pambansang demokrasya, at mas lalong hindi natinag ng kahit anumang porma ng paniniil ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mga kabataan. Muling nakapagpundar ng rebolusyonaryong lakas ang RKKE sa rehiyon. Nakapagsanay ng mga panibagong kadre at mamumuno sa militanteng tradisyon ng Kabataang Makabayan.

Muling lumawak at lumakas ang mga pangmasang organisasyon ng mga kabataan sa lahat ng mga probinsiya ng Gitnang Luson. Sa kabila ng pandemiya at restriksyong kaakibat nito, nakalikha ng mga pamamaraan upang hindi maputol ang tungkuling magmulat, mag-organisa at magpakilos. Mapa-online platform man o mapa-lansangan, ubos-lakas na nagsusumikap para mag-organisa ang mga kabataang makabayan ng rehiyon.

Nakapaglunsad ang kilusang kabataan ng malalawak na propaganda-edukasyon, online man o aktuwal, para i-abante ang kamulatan ng mga masa. Nakaalyado’t nakatuwang ang maraming bilang ng mga organisasyon ng kabataan para sa paglulunsad ng iba’t ibang tipo ng mga pag-aaral. Napakilos din ang malaking bilang ng mga kabataan sa pagsusulong ng kanilang sektoral na interes. Nakabuo ng mga malalawak na alyansa at kampanya upang tutulan ang anti-estudyanteng mga polisiya sa eskwelahan. Naglunsad ng mga pagkilos online at sa aktwal. Nagsumite ng mga petisyon sa kani-kanilang school administration at maging sa CHED.

Bukod sa mga sektoral na isyu, ini-abante rin ng mga kabataan ang mga isyu ng mamamayan gaya ng palayasan, demolisyon sa mga komunidad, at iba pang mga isyung pangbayan. Mabilis na lumubog ang RKKE sa mga komunidad na may pakikibakang masa, tumuwang sa kampanya, propaganda, at edukasyon ng mga biktima ng kapabayaan ng estado. Pinatambol ang anti-imperyalista, anti-pasista, at anti-pyudal na mga kampanya sa rehiyon.

Ang mga aral ng kilusang kabataan sa nagdaang taon ang siyang magiging puhunan upang higit pang palakasin ang kapasyahan at kakayahan para umani pa ng ibayong mga tagumpay at rebolusyonaryong lakas hanggang sa tuluyang makamit ang lipunang tunay na malaya at walang pagsasamantala.

Batid ng mga Kabataang Makabayan ang tungkulin nito para signipikanteng mag-ambag sa armadong pakikibaka. Bagamat mistulang musmos sa larangan ng digma, laging handa’t determinado ang mga kabataan na matuto ng mga aral o teorya mula sa rebolusyonaryong praktika at isanib ang kaalaman sa kilusan ng mamamayan. Walang pag-iimbot na mag-aalay ng lakas, talino, at panahon ang mga kabataan upang makapaglingkod sa masang api at rebolusyong Pilipino.

Sa ika-52 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, malugod naming iniimbitahan ang mga kabataan na sumampa sa kanayunan at lumahok sa armadong pakikibaka, maging magiting na pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan – harapin ang hamon ng henerasyon at tanganang mahigpit ang tungkulin bilang pag-asa ng bayan para baguhin ang bulok na lipunan!

Ipagbunyi ang ika-52 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!

Pag-aralan ang lipunan, paglingkuran ang sambayanan! Kabataan, sumapi sa NPA!

Editoryal | Ipagbunyi ang anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Sulong para sa higit pang mga tagumpay sa kabila ng pasismo ng estado! Kabataan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa BHB!