Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Rommel “Ka David” Tucay: Anak ng Bayan. Matapang na Pulang Kumander.
Artikulo mula sa Kalayaan-Gitnang Luzon Special Issue, March 2021
Download full issue here: PDF
Pinakamataas na pulang pagpupugay ang iginagawad ng Kabataang Makabayan-Gitnang Luson kay kasamang Rommel “Ka David” Tucay, mahusay na kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon, para sa kanyang hindi matatawaran at puspusang pag-aalay ng lakas, talino, abilidad, at buhay upang palakasin at palawakin ang armadong pakikibaka para sa pag-abante ng demokratikong rebolusyong bayan sa Gitnang Luson.
Kagaya ng maraming biktima ng tokhang at extrajudicial killings, pilit pinapalabas ng berdugong militar na “nanlaban” si Ka Rommel habang hinahainan ito ng warrant of arrest. Buong pagmamalaki man na inanunsyo ng 84th IB ang pagkapaslang nila sa kanya noong ika-12 ng Marso, 2021 sa Brgy. Kimbutan, Dupax. Del Sur, Nueva Viscaya, tiyak na hindi mabubura ng mga naglulubid na kasinungalingan ng kaaway ang kanyang maningning na kasaysayan ng paglilingkod sa masang magsasaka at sambayanan.
Mula pagmartsa sa kalsada hanggang sa pagbagtas sa matatarik na tereyn ng mga kabundukan ng Sierra Madre, Caraballo, at Zambales mountain ranges, pinatunayan ni Rommel Tucay na kilala rin bilang Ka David, Ka Elmo, Ka Isaac, Ka Samwel, Ka Istib, Ka Melvin, Ka Roman at sa iba pang mga pangalan, na sa higit dalawang dekada niyang pagkilos bilang rebolusyonaryo ay nakapagpunla, nakapag-ani, at ngayo’y nakapagpayabong na ang Partido sa Gitnang Luson ng malawak na kagubatan ng ginintuang mga aral at tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Ang dakilang inambag ni Ka Romel sa kasaysayan ito ay singbigat ng mga kabundukang kanyang kinilusan at habang buhay na nakaukit sa puso ng lahat ng mga kasama at buong masang inaapi na kanyang pinaglingkuran.
Nagmula sa uring petiburges, si Ka Rommel ay lumaki bilang isang matalino at maabilidad na panganay na anak. Marami siyang nakamit na mga parangal sa eskwela at nakapaglingkod din sa kanilang simbahan sa probinsya ng Pangasinan. Pagtungtong ng kolehiyo bilang iskolar, maagang namulat at na-organisa si Ka Rommel sa pakikibaka para sa siyentipiko, makamasa, at makabayang edukasyon. Ginamit niya ang kanyang husay sa pagsusulat bilang Punong Patnugot ng kanilang pahayagang pangkampus upang matalas na makapaglinaw at makapagpropaganda sa mga masang estudyante. Ngunit higit sa usapin ng edukasyon, mabilis din niyang nasapul ang kabuuang kalagayan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan sa lipunan.
Naunawaan niyang dapat lumahok ang mga kabataan sa demokratikong rebolusyong bayan para baguhin ang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan kaya siya’y sumapi sa Kabataang Makabayan at naging mahusay na organisador nito sa loob ng eskwelahan at maging sa mga komunidad.
Dahil sa kanyang taglay na talino, madali niyang inaral ang mga rebolusyonaryong teorya. Higit lalo, naging sinsero at determinado siya sa paglalapat ng mga teoryang ito sa praktika kaya’t naging mabilis ang pag-unlad ng kanyang kamalayan bilang isang rebolusyonaryo. Kaya naman, noong 1997 pagtungtong niya sa wastong gulang (18 yrs. old), matapang niyang nabuo sa sarili ang kapasyahang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan – bagamat panahon ito ng matinding disoryentasyon at tunggalian sa ideolohiya sa loob ng Partido sa rehiyon – determinado pa rin niyang tinanganan ang mga hamon na maging pulang mandirigma at ubos-lakas na mag-ambag sa kilusang pagwawasto para sa pagpapanibagong sigla ng rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luson.
Isinabuhay niya ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa araw-araw na paggampan niya ng gawain, mapagkumbabang nagpanibagong hubog para pawiin ang anumang hibo’t tendensiya ng kanyang uri, winaksi ang pagiging makasarili, at matatag na hinarap ang kagipitan at kahirapan bilang isang tunay na komunista. Simula nang siya’y mag-pultaym bilang NPA, halos walang kapaguran na nagmumulat, nag-oorganisa, at nagpapakilos si Ka Rommel saang larangan man ito mapunta. Hindi siya nawawalan ng rebolusyonaryong optimismo at kakikitaan ng kapursigihan na araw-araw kumilos.
Una siyang sumampa sa yunit ng BHB sa Tarlac at gumampan ng gawain sa paghahanda ng larangang gerilya sa probinsya. Makalipas lamang ang ilang taon, noong 1999, kabilang siya sa mga nagboluntaryong maging bahagi ng pagpapalawak sa East Pangasinan. Nahuli at nakulong ng ilang panahon, ngunit agad ding bumalik sa rebolusyonaryong pagkilos matapos makalaya.
Kalaunan, itinalaga si Ka Rommel na kagawad ng Komiteng Larangan sa Nueva Ecija. Pinangunahan niya ang malawakang paglulunsad ng rebolusyong agraryo at iba pang mga aksyong masa sa probinsya. Taong 2004-2005, itinalaga naman siyang pampulitikang instruktor sa Zambales kung saan aktibong nilansag ng kanilang yunit ang bandidong mga RHB. Noong huling bahagi ng 2005 ay ibinalik na siya sa larangan sa Silangan.
Kumilos rin siya sa Aurora at naging isa sa pangunahing kadre ng Partido na nanguna sa pagpapanibagong sigla ng armadong pakikibaka, pagsasaayos ng baseng masa, at pagsusulong ng mga agraryong rebolusyon sa probinsya. Naging pulitikal instruktor (P.I) siya ng platun sa Hilagang Aurora at kalaunan ay tumayong Platun Lider. Matatag na pinamunuan ni Ka Rommel ang pagharap sa pinatinding pasistang atake ng kaaway sa Hilagang Aurora noong 2009 sa panahon ng berdugong si Palparan sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ng Rehimeng US-Arroyo.
Noong 2010, inilipat siya sa Caraballo bilang Kalihim ng Komiteng Larangan at bilang PI ng isang platun. Pinangunahan niya ang gawaing rekoberi ng larangan. Nahirang siyang kagawad ng Komite ng Partido sa Hilagang Silangang Subrehiyonal Purok Militar (Northeast Sub-regional Military Area) noong 2012 at naging kagawad ng Komiteng Rehiyon noong 2015.
Sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, nabuo ni Ka Rommel ang kanyang sariling pamilya. Nakipag-isang dibdib siya sa isa ring mahusay na pulang mandirigma na si Kasamang Lanea Lani “Ka Gwen” Mirindu dela Pena at nabiyayaan sila ng isang anak. Magkatuwang silang nagpanday ng kanilang rebolusyonaryong pamilya at mahigpit ding magkasama sa buhay at pakikibaka. Ngunit noong September 2017, kasama si Ka Gwen sa siyam (9) na pinaslang ng berdugong 84th IB sa Carranglan, Nueva Ecija.
Ilang buwan lamang matapos mapaslang ang asawa ni Ka Rommel, noong December 2017 ay muli na naman siyang nadakip ng kaaway at nakulong ng higit isang taon sa Nueva Ecija. Ngunit kahit nasa loob ng kulungan ay ipinakita niya ang prestihiyo ng pagiging isang hukbo ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kagalingan ng mga inmates, naging aktibo rin siya sa mga aktibidad ng simbahan sa loob ng kulungan. Ipinakita niya sa mga kasama sa piitan ang aktitud ng isang tunay na rebolusyonaryo bilang matulungin at taos-pusong naglilingkod sa masa. Pagkalaya niya matapos ma-acquit ang kanyang kaso, agad siyang sumanib sa Platun ng Sierra Madre at tumayong PI nito noong 2018.
Makailang beses man malagay sa gipit na sitwasyon at panganib ang kanyang buhay, kailanman ay hindi nagpagamit o nagpalinlang si Kasamang Rommel sa kaaway. Pinangalagaan niya ang seguridad at kalagayan ng mga masa at kasama bilang kanyang sinumpaang tungkulin sa Partido. Tangan-tangan ang bakal na paninindigan, si Ka Rommel ay walang pag-aatubiling inalay ang kanyang sarili sa rebolusyon hanggang sa huling hininga.
Si Rommel “Ka David” Tucay ay isang anak ng bayan na buong-pusong inalay ang kanyang kabataan at kakayahan para sa digmang bayan. Ang kanyang buhay ay isang inspirasyon at halimbawa para sa marami pang mga kabataan sa kung paano dapat tanawin at igugol ang buhay, at kung paano maging isang propesyunal at mahusay na rebolusyonaryo. Si Ka Rommel ay isang martir at bayani ng rebolusyong Pilipino! Sa kanyang pagkapaslang, hindi namatay ang apoy sa rebolusyonaryong diwa ng mga mamamayang nagpasyang lumaban, bagkus ay nagsilbi pa itong ningas para higit lalong pag-alabin ang pakikibaka para makamit ang isang lipunang walang pagsasamantala’t tunay na malaya!
MABUHAY SI KASAMANG ROMMEL “KA DAVID” TUCAY!
MABUHAY ANG LAHAT NG MARTIR NG REBOLUSYONG PILIPINO!