“Huli week” sa semana santa
Apat na lider-masa at aktibista sa Central Luzon (CL), at isa pa sa Cagayan Valley na biktima ng red-tagging ang inaresto at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso noong semana santa. Tatlo ang inaresto sa CL noong Marso 30.
Inaresto si Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon, sa Mexico, Pampanga. Aktibo siya sa mga kampanya laban sa pangangamkam at pagpapalit-gamit ng mga sakahan sa rehiyon.
Inaresto rin si Florente Viuya Sr., lider-manggagawa at pangulo ng Bayan-CL, sa Bamban, Tarlac. Kasama niyang naaresto ang paralegal ng Karapatan-CL si May Arcilla.
Sa Bulacan, inaresto noong Marso 26 si Concepcion Opalla, dating lider ng Kadamay na namuno sa okupasyon ng Pandi noong 2017. Dalawang araw bago siya inilitaw ng mga pulis.
Sa Southern Tagalog, inaresto si Genelyn Dichoso, upisyal ng Karapatan at kanyang anak na si Jennifer sa Calauag, Quezon noong Abril 5. Noong Marso 30, nireyd ng mga pulis ang upisina ng Alyansa ng Manggagawa sa Engklabo sa Santa Rosa, Laguna at tinamnan ng mga baril at pasabog.
Sa Manalo, Amuling, Cagayan inaresto noong Marso 24 si Calixto Cabildo, pangulo ng Anakpawis-Cagayan.
Samantala, di makatarungang inihiwalay kay Elizabeth Estilon, detenidong pulitikal sa Sorsogon, ang kanyang sanggol na si Prince Joel noong Marso 27.