Kapit-bisig ang masa at hukbo sa Ilocos-Cordillera
Tulad ng sa ibang lugar sa bansa, nagdulot ng malaking hamon sa mga yunit ng hukbong bayan at rebolusyonaryong mamamayan ang pandemyang Covid-19 at tumitinding pasismo ng estado sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera. Ang mga ito ay determinadong hinarap ng mga yunit ng hukbong bayan sa rehiyon.
Kabilang dito si Ka Emil, isang kabataang rebolusyonaryo na tumatayong upisyal sa kabuhayan (lohistika at suplay) ng kinabibilangan niyang platun. Dahil sa lockdown, nalimitahan ang daluyan ng gamot, pagkain at pangangailangan ng masa at hukbo. Para igpawan ito, natulak silang maging mapanlikha, mag-isip at magsagawa ng bagong moda ng pagkilos at higpitan ang pagtangan sa displinang militar.
“Bilang upisyal sa kabuhayan, isang malaking hamon sa akin ang pag-iisip ng mga paraan para makatulong sa pag-agapay at pagpapataaas sa kabuhayan ng masa sa panahon ng pandemya,” ani Ka Emil. Naglunsad sila ng kampanyang kalusugan at edukasyon hinggil sa Covid-19 para pawiin ang takot ng mga taga-baryo at ipaunawa ang kahalagahan sa pagsunod sa mga protokol sa kalusugan habang itinutulak ang pagpapatuloy sa produksyon.
Kasunod na inilunsad ng yunit ang kampanyang pagpapataas ng antas ng produksyon ng Hukbo at ng masa. “Mas naging regular ang partisipasyon ng hukbo sa produksyon kaysa nakaraan,” ani Ka Emil. “Dito talaga tumimo sa akin at sa mga kasama ang kahalagahan ng kolektibong pagkilos at paglulunsad ng rebolusyong agraryo,” aniya.
Sa isang baryo, nakapag-ani ang hukbo at masa ng sako-sakong kalabasa, kamote, gabi, at sayote, na dati’y hindi gaano pinapansin dahil mayroon namang mga komersyal na pagkain. “Hinimok din namin ang pagtatanim ng tubo at kape bilang panghalili sa komersyal na asukal at kape. Ang mga tanim na makatutulong sa pagpalakas ng resistensya tulad ng suha, “perres” (katutubong lemon) at lagundi, na dati’y napabayaan ay pinayabong at pinakinabangan. Kasabay ng pagtaas ng kapasidad ng masa na magprodyus ng pagkain ang kanilang kapasidad na suportahan ang hukbong bayan.
Nang naging makilos ang yunit, kinailangan nilang magmaniobra sa kalapit na gubat. “Malaking bentahe ang kaalaman sa halamang gubat at kasanayan sa pangangaso,” aniya. Kwento niya, sa mga panahong hindi sila nakalalapit sa baryo, nakayanan nilang mabuhay sa likas na yaman ng gubat, sa mga ligaw na prutas at gulay, palos at baboy ramo. Dahil dito’y mas tumaas ang kanyang pag-unawa sa kahalagahan ng pangangalaga ng kalikasan.
Naging malaking hamon kahit sa personal na pagpapanibagong-hubog ni Ka Emil ang kinaharap na kalagayan. “Noong unang mga buwan ng pandemya, naitanong ko sa sarili ko, kakayanin ko ba?” Pero siya rin ang sumagot sa sariling tanong. “Hindi ko malalaman hanggang di ko maranasan.” Tangan ang rebolusyonaryong determinasyon, higit pa siyang nagpunyagi sa kanyang tungkulin.
“Katumbas ng militarisasyon ang mas mahahaba at mahihirap na lakaran, puyat at pagod,” aniya. Lumaki siya sa lunsod at kumportableng buhay. “Kailangan kong magdoble-kayod para makaangkop. Nahirapan akong kumilos noong una, at paminsan-minsan ay bumababa pa rin ang moral, pero unti-unti na akong nakaaangkop.” Kwento niya, mas naging bukas siya sa mga kasama sa pagsasabi ng mga naisip at nararamdaman. “Natutunan kong buong sumandig sa mga kasama at masa,” aniya.
Napatunayan niya sa sarili na kakayanin ang mga hirap at sakripisyo sa pagiging Pulang mandirigma. “Kaya ko palang isapraktika ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Nakahanda ako at aming yunit na suungin ang mahigpit na kalagayan at mas malalaking hamon.”
“Ika nga sa mensahe ng Komite Sentral sa ika-52 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa pangunguna ng Partido ay determinado ang malawak na masa ng sambayanan na labanan ang mga pasistang atake, ibagsak ang rehimeng US-Duterte at isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay,” pagwawakas niya.