Lider-unyon, mag-amang magsasaka, pinatay
Binaril at napatay sa tarangkahan ng engklabo sa Barangay Canlubang, Calamba si Dandy Miguel noong Marso 28. Si Miguel, manggagawa ng Fuji Electric Philippines, ay presidente ng unyon dito na Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines. Siya rin ang bise presidente ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan.
Pinamunuan ni Miguel ang laban ng unyon para sa taunang dagdag sahod na ipapatupad sa susunod na tatlong taon at magpatupad ng mga hakbang pangkalusugan laban sa Covid-19. Ika-10 siya sa mga aktibistang pinaslang sa rehiyon noong Marso.
Sa Camarines Norte, pinatay ng 96th IB noong Marso 19 ang mag-amang magsasaka na sina Louis Buenavente at Jetly Buenavente. Tinutugis noon ng mga sundalo ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nangreyd sa mga pulis sa Purok 6, Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte. Pinalabas na mga Pulang mandirigma ang mag-ama. Basag ang mga mukha ng mag-ama at may mga tama sila ng bala sa dibdib.
Pambobomba. Mahigit 15,000 residente sa 15 komunidad ng mga Mangyan ang napalikas dulot ng panganganyon ng 203rd IBde sa mga barangay sa hangganan ng Mansalay at Roxas sa Oriental Mindoro noong Marso 25-26. Pinakaapektado ang mga taga-Panaytayan sa Mansalay at San Vicente sa Roxas.
Pagdukot. Dinakip ng mga sundalo ng 203rd IBde ang magkapatid na Kadlos at Jeremy Lukmay, mga residente ng Sityo Kilapnit, Barangay Panaytayan, noong umaga ng Marso 25. Si Kadlos ay buntis at isang guro habang estudyante ang kanyang kapatid. Hindi pa sila inililitaw ng mga sundalo.