Lockdown sa Metro Manila at 4 na prubinsya, pinahigpit

,

Ipinataw ng rehimeng Duterte mula Marso 29 hanggang Abril 11 ang pinahigpit na lockdown (enhanced community quarantine) sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal. Ito ay matapos pumalo nang 10,000 ang kaso ng dami ng nahawa ng Covid-19. Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong Abril 1, 72% ng kabuuang kaso ng impeksyon sa bansa ay naitala sa naturang mga lugar.

Iniulat din ng DOH na umaabot na sa 79% ng kabuuang bilang ng mga intensive care unit bed (631 sa 804) ang okupado na ngayon, habang 69% naman ang sa mga isolation bed (3,143 sa 4,526) at 61% naman sa mga ward bed (2,180 sa 3,439). Nasa “kritikal na antas” na rin ang sangkatlo (50 sa 152) ng mga ospital sa National Capital Region, kalahati nito ang malapit nang mapuno at kalahati naman ang puno na at hindi na kaya pang tumanggap ng mga pasyente. Kabilang dito ang Philippine Orthopedic Center (75% ng kama ay okupado) kung saan naiulat na nagpositibo sa Covid-19 ang 117 sa 180 manggagawang pangkalusugan nito.

Noong Abril 4, pumalo sa 12,576 ang naitalang arawang bagong kaso, at sa 165,715 ang kabuuang aktibong kaso ng Covid-19 sa buong bansa.

Lockdown sa Metro Manila at 4 na prubinsya, pinahigpit