Mga armadong aksyon laban sa kalsadang pangkontra-insurhensya sa India
Hindi bababa sa 13 armadong aksyon ang inilunsad ng People’s Liberation Army ng Communist Party of India (CPI)-Maoist mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Anim dito ay mga operasyong demolisyon laban sa mga nag-ooperasyong paramilitar at mga makinaryang ginagamit sa konstruksyon. Pinakahuli ang pagpapasabog sa isang bus kung saan lima ang napatay na elemento ng District Reserve Guard (DRG) sa Nayaranpur District noong Marso 23. Ang DRG ay pwersang paramilitar na itinatag ng estadong Indian noong 2017 para tutukan ang armadong paglaban ng CPI-Maoist. Maihahalintulad ang pwersang ito sa CAFGU sa Pilipinas.
Ilan pang aksyon ng CPI-Maoist laban sa mga proyektong kalsada ang pagparalisa sa mga makinarya sa konstruksyon sa Logarda District noong Marso 16, Bahaglat District noong Enero 31 at Gadchiroli District noong Enero 27.
Ang naturang mga kalsada ay bahagi ng proyektong imprastruktura na tinaguriang Road Connectivity Project for Left Wing Extremism Affected Areas. (Maihahalintulad ito sa mga “farm-to-market road” ng NTF-ELCAC sa Pilipinas sa ilalim ng Barangay Development Program.) Bahagi ito ng programang kontra-insurhensya na sinimulan noong 2016 ng gubyerno ni Narendra Modi.
Ang bulto ng pondo para sa mga kalsadang ito ay manggagaling sa sentral na gubyerno. Kapalit ng pondo, inoobliga ng gubyerno ni Modi na ipatupad ng mga lokal na estado ang tatlong reporma sa agrikultura kaugnay sa pagbebenta ng mga produktong agrikultural, pagpapa-upa ng lupa at contract growing na iniratsada noong Oktubre 2020. Ang mga repormang ito ang nasa sentro ng protesta na nilahukan ng di bababa sa 250 milyong magsasaka na nagsimula noong Nobyembre 2020 at nagpapatuloy hanggang ngayon.