Mga kalsada ng korapsyon at gera sa Northern Mindanao
Bukambibig ng reaksyunaryong gubyerno na pabibilisin ng mga farm-to-market road (FMR) o mga kalsadang mula sa mga sakahan tungong pamilihan ang transportasyon ng ani ng maliliit na magsasaka at sa gayon ay itataas ang presyo ng kanilang mga produkto. Pero walang kinalaman ang mga kalsada sa pagpepresyo ng ani na madalas ay arbitraryong itinatakda ng malalaking komersyante.
Sa kaso ng mga komersyal na produkto tulad ng bigas, kakaw, kape, asukal at iba pa, itinatakda ang mga presyo batay sa pagtaas-baba ng mga presyo sa pandaigdigang pamilihan. Sa aktwal, nagiging behikulo pa ang mga kalsadang ito para padulasin ang pagbili ng mga komersyante ng ani sa mas mababang presyo dahil madali na sa kanila ang pagbyahe. Pinadali rin ng mga ito ang pagpasok ng mga mangangamkam ng lupa ng maliliit na magsasaka.
Dati nang programa ng nagdaang mga rehimen ang gayong mga kalsada. Noon pa man, ang paglalatag ng mga ito ay batbat sa burukratikong katiwalian, nagsisilbi lamang sa mga komersyal na plantasyon at mina, at sa mga layuning militar ng kontra-insurhensyang gera ng reaksyunaryong estado.
Kalsadang magdudugtong ng gera sa korapsyon
Isinapubliko ng Northern Mindanao Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) na 142 proyektong kalsada na may halagang ₱17.6 bilyon ang isasagawa ngayong taon. Mahigit doble ito sa 68 na inihanay noong 2020. Sa mga ito, 20 kalsada ay sa mga barangay na may mga nakatayong kampo ng militar.
Mahigit 68 sa 142 proyektong kalsada para sa 2021 ay nasa Bukidnon. Pinakamarami ang sa bayan ng Impasug-ong kung saan nakabase ang hedkwarters ng 8th IB. Hindi bababa sa 13 barangay na paglalatagan ay may mga kampo, detatsment o kasalukuyang inookupa ng mga sundalo ng AFP sa ngalan ng Community Support Program.
Batay sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2020, ang paggawa ng isang kilometrong kalsada ay nagkakahalaga ng abereyds na ₱13 milyon. Pero sa Baungon, Bukidnon, ang proyektong 8-kilometrong kalsada na magdudugtong sa mga barangay ng Mabuhay at Imbatug ay nagkakahalaga ng ₱67.5 milyon kada kilometro—limang ulit na mas mataas sa abereyds. Ang plano namang 8-kilometrong kalsada sa Barangay Concepcion, Valencia City ay nagkakahalaga nang mahigit doble, o ₱30 milyon kada kilometro.
Marami sa mga proyektong ito ay inilista nang ilang ulit, katulad ng planong kalsada sa Barangay Kibalabag, Malaybalay City na tatlong ulit na inilista at nilaanan ng badyet na mahigit ₱300-₱360 milyon bawat isa. Dalawang ulit namang inilista ang isang kalsada sa Kisolon sa Sumilao na pinondohan ng tig-₱600 milyon. Tatlong iba pang proyekto sa prubinsya ang makatatanggap din ng dobleng pondo sa ilalim ng Barangay Development Program.
Bukod sa mga ito, ilan sa muling inihanay at pinondohan ay mga kalsadang itinayo na noong 2020, o di kaya’y matagal nang may mga kalsada. May ilan ding may tripleng alokasyon sa badyet ng DPWH.
Sino ang makikinabang?
Sa mga ito pa lamang, limpak-limpak na ang makukulimbat ng mga heneral ng RTF-ELCAC, mga upisyal ng lokal na gubyerno at DPWH, na notoryus bilang pinakakorap sa mga ahensya ng reaksyunaryong estado. Makikinabang din sa pondo ng bayan ang mga kumpanya sa konstruksyon na malalapit sa pamilyang Duterte, tulad ng Ulticon Builders Incorporated, na kumokopo ng malalaking proyekto sa Mindanao. Nakaabang din ang mga kumpanya sa semento ng malalaking burgesyang kumprador na sina Ramon Ang (First Stronghold Cement Industries, Inc.) at Tomas Alcantara (Holcim Philippines) na nangungunang magkaribal sa negosyo sa semento sa Mindanao.
Ginhawa ang hatid ng mga kalsada para sa mga planta ng enerhiya at komersyal na plantasyon na namumutiktik sa Bukidnon. Sa rehiyon matatagpuan ang pinakamaraming komersyal na plantasyon, na sumasaklaw sa may 127,000 ektaryang lupaing agrikultural. Ang Dole, Davco at Del Monte na sumasaklaw ng buu-buong mga komunidad at lupaing ninuno sa pitong bayan sa prubinsya, ay target na magpalawak pa ng aabot sa 80,000 ektarya rito at karatig na Misamis Oriental. Sa may 30 proyektong FMR sa mga bayan na ito, lalupang magiging maaliwalas ang transportasyon ng mga produkto mula sa mga plantasyon.