#NPA52, ipinagdiwang
Isinagawa ang mga selebrasyon para sa ika-52 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 29 sa gitna ng walang lubay na operasyon ng Armed Forces of the Philippines.
Ipinagdiwang ang anibersaryo sa kanayunan at kalunsuran ng Southern Tagalog sa gitna ng papatinding pasistang atake ng rehimeng Duterte sa rehiyon. Sinuong ng mga kalahok sa selebrasyon ang masinsing pakat ng kaaway para makarating sa himpilan ng BHB sa rehiyon. Sa kalunsuran, malakas ang panawagan sa BHB na igawad ang rebolusyonaryong hustisya para sa mga biktima ng terorismo ng rehimen.
Pinagpugayan ng BHB-Negros ang lahat ng Pulang kumander at mandirigma sa kanilang mga tagumpay at pagpapatuloy ng armadong pakikibaka. Mula sa 60 pwersang natira mula nang maglunsad ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, ngayon ay mayroon na itong limang larangang gerilya na nakalatag mula sa hilaga hanggang timog ng Negros.
“Pakyas ang US-Duterte!” (Bigo ang rehimeng US-Duterte!) ang pambungad na mensahe ng NDF-Northeastern Mindanao Region. Nanawagan ang Regional Operational Command ng rehiyon na pangibabawan ang mga kahinaan tulad ng konserbatismong militar. Inulat nito ang apat na malalaking taktikal na opensiba kung saan nakumpiska ang matataas na kalibre ng armas sa Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Nagkaroon din ng programa ang mga Pulang mandirigma sa Southern Mindanao Region.