Pagkalugi ng mga magsasaka ng abaka sa Bicol
Bago pa ang pandemyang Covid-19, nalulugi na ang mga magsasaka ng abaka sa Catanduanes. Ang 50 kilo ng abaka ay naibebenta lamang sa halagang ₱3,000, na relatibong mas mababa kumpara sa kabuuang gastos sa produksyon at upa sa panginoong maylupa na umaabot sa ₱5,000.
Sa pangkalahatan, tinatayang hindi bababa sa 200,000 ang mga pamilyang magsasaka na nagtatanim ng abaka sa buong bansa. Sinasaklaw nito ang 180,302 ektarya ng taniman ng abaka. Atrasado, kalat-kalat at hindi sistematiko ang pagtatanim ng abaka. Walang makabuluhang pag-unlad ang mga kagamitan sa produksyon at manumano ang pagtatanim, pag-aani hanggang sa paghag-ot o pagsuyod para makuha ang mga hibla.
Karaniwang umaabot ng dalawang taon bago mapakinabangan at maani ang abaka mula sa pagtatanim nito. Tatlo hanggang apat na buwan naman ang inaabot bago ito muling tumubo. Sa 20-30 puno ng abaka, nakakapag-ani ang magsasaka ng 20 kilo ng abaka na nangangailangan ng 2-3 tauhan para anihin ng 2-3 araw.
Ang Catanduanes, ayon sa Philippine Fiber Industry Development Authority, ang nagsusuplay ng 30% ng abaka sa buong bansa. Ang rehiyon ng Bicol ang may pinakamalaking bahagdan ng produksyon ng abaka.
Ayon sa pag-aaral ng Kawanihan sa Instruksyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Bicol, ang abereyds na presyo ng tuyong abaka sa Catanduanes ay ₱60/kilo bago ang pandemya. Maaari pang magbago ang presyo ng tuyong abaka batay sa kalidad nito. Kadalasang mas barat ang presyo ng tuyong abaka kung ito ay hindi maputi. Para makapagbenta ng 50 kilo ng tuyong abaka, gumagastos ng kabuuang ₱4,210 ang mga magsasaka para sa produksyon.
Makukwenta ang gastos sa sumusunod na paraan: ₱600 para sa paghahawan at pagpuputol ng mga puno ng abaka. Minimum na dalawang magsasaka ang kailangang iempleyo para sa pagsuyod. Sa dalawang araw nagsusuma ito ng ₱2,400. Gumagastos naman ng ₱300 sa pagbibilad.
Para sa transportasyon, tinatayang gumagastos ang mga magsasaka ng ₱1 kada kilo para sa paghahakot mula sa bukid tungong kalsada. Ang pagbyahe mula baryo tungo sa pisaran ay ₱30 kada bandala (bungkos/tinipong hibla ng abaka). Sa buong tatlong araw, ang gastos sa pagkain ay nagkakahalaga ng ₱450.
Ikakaltas mula sa kabuuang kita ang 25% upa sa panginoong maylupa. Sa kadulu-duluhan, lugi pa ang magsasaka ng aabot sa ₱1,960.
Natatanging produktong Pilipino
Isa ang Pilipinas sa iilan lamang na bansa sa buong mundo na nagsusuplay ng abaka. Kilala ito sa tawag na Manila Hemp. Liban sa rehiyon ng Bicol, nagpoprodyus ng abaca ang Mindoro sa Luzon, Leyte, Samar, Negros Oriental, Iloilo at Aklan sa Visayas at lahat ng mga prubinsya ng Mindanao. Karamihan sa mga nagsasaka nito ay maliliit at mahihirap na magsasaka at pambansang minorya. Noong 2016, 180,302 ektaryang lupa ang may tanim na abaka.
Nagsusuplay ang Pilipinas ng 87% sa pandaigdigang suplay ng abaka. Noong 2019, nakapag-eksport ito ng $156 milyon (o ₱7.8 bilyon sa palitang $1=₱50) halaga ng mga produktong abaka. Sa tala, ang abereyds na halaga ng produktong abaka na inieksport kada taon ay $97.1 milyon kung saan 12.6% nito ay mula sa hibla ng abaka (raw fiber).
Noong 2020, bumagsak ang kabuuang produksyon ng abaka nang 2.17% mula 72.3 libong metriko tonelada noong 2019 tungong 70.77 libong metriko tonelada. Dulot ito ng mga restriksyon sa transportasyon na ipinataw kaugnay sa pandemyang Covid-19 at mga bagyong nanalasa sa bansa sa huling bahagi ng 2020.
Batay sa datos ng Food and Agriculture Organizaton ng United Nations, ang abereyds na presyong pang-eksport ng hibla ng abaka sa buong 2016 ay nasa $1.99-$2.35/kilo (₱99.32-₱117.5) depende sa klase. Ito ay ₱30 na mas mataas sa presyong naipagbebenta ng magsasaka ang abaka sa mga komersyante.
Kung susumahin, ang ganansya sa pag-eeksport ng 50 kilo ng hibla ng abaka ay aabot sa ₱4,966-₱5,875, higit 60% ng kita ng magsasaka na ₱3,000 lamang. Ito ay kahit pa solong binabalikat ng magsasaka ang produksyon, at walang dagdag halaga ang raw fiber na ini-eksport sa ibang bansa.
Umaabot sa 57% ng hibla ng abaka ay pinoproseso para sa paggawa ng mga tea bag at ibang espesyal na papel. Ang bawat tea bag ay nagkakahalaga ng ₱1.5-₱2 kada isa.
Ginagamit ang abaka sa paggawa ng pera, damit at iba pa. Noong nakaraang taon, naibalita rin na maganda itong materyal para sa paggawa ng face mask.