Palakasin, palawakin at pakilusin ang baseng masa para sa digmang bayan
Ang malawak at malalim na suporta ng masa ang pinakasusing salik kung bakit hindi kailanman magagapi ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang isinusulong nitong armadong rebolusyon. Kahit napakalaking halimaw ng kaaway at kahit pa gamitin ang lahat ng buhong na paraan ng panlulupig, hindi nito ganap na mapaghihiwalay ang masa at ang BHB at di magugupo ang kanilang pasyang sumulong sa landas ng digmang bayan.
Buo ang pasya ng BHB na tuparin ang tungkulin nitong pukawin, buklurin at malawakang pakilusin ang masang magsasaka, at gayo’y patatagin at palawakin ang baseng masa ng hukbo. Susi rito ang pagsusulong ng malawakang kilusang antipyudal sa kanayunan para labanan ang lalong tumitinding mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga magsasaka.
Palagiang nagmamalasakit ang BHB sa masa, inaalam ang kanilang mga kalagayan at mga hinaing at kumikilos para tulungan silang kolektibong lutasin ang mga ito. Matamang pinag-uukulan ng pansin ng BHB ang mga problema sa ekonomya, kabuhayan, produksyon, kalusugan, kalinisan, edukasyon, kultura, kaayusan at seguridad, droga at iba pa.
Susi sa lahat ng ito ang ekonomya o ang usapin ng produksyon at paano pinakikinabangan o ipinagkakait sa masa ang yamang kanilang nilikha. Matiyaga silang minumulat na hindi makatarungan at walang bigay-ng-diyos na karapatan ang mga panginoong maylupa, o ang mga usurero at komersyante na angkinin ang yamang bunga ng kanilang pawis at pagod. Dapat dalhin ng BHB sa bagong antas ng lawak at sigla ang pag-abot, pagbubuklod at pagpapakilos sa masang magsasaka. Alinsunod sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa, ubos-kayang isulong ang mga pakikibaka para ibaba ang upa sa lupa, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, ibaba ang interes sa pautang at itaas ang presyo ng kanilang mga produkto. Dapat iluwal ang malalawak na pakikibaka laban sa Rice Tariffication Law, Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, liberalisasyon sa pag-aangkat ng karneng baboy, manok at mga produktong pang-agrikultura at iba pang batas at patakarang pahirap sa masang magsasaka. Lalo itong nagiging kagyat sa harap ng matinding krisis sa ekonomya at kabuhayan.
Sa harap ng pagtaas ng presyo ng pagkain at kasalatan, dapat patuloy na magtulungan ang masa at mga Pulang mandirigma sa paglulunsad ng mga kampanya ng produksyon ng mga halamang ugat at gulay. Dapat ding palakasin ang kilusang masa para harapin ang pandemyang Covid-19 sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang kaalaman at pagtupad ng mga hakbanging pag-iwas, pangangalaga sa kalusugan, paghahanda ng mga pasilidad at pagbibigay ng nauukol na pag-alaga sa matatanda at pagsingil sa kapalpakan ng reaksyunaryong rehimen.
Dapat ding ibayong palakasin ang pakikibaka ng masang magsasaka at mga minoryang mamamayan laban sa iba’t ibang anyo ng pangangamkam ng lupa ng malalaking panginoong maylupa at malalaking kapitalista para sa pagtatayo o pagpapalawak ng mga plantasyon, operasyon sa pagmimina, proyektong pang-enerhiya, ekoturismo at iba pa.
Dapat palakasin at patatagin ang mga lokal na rebolusyonaryong organisasyong masa at mga sangay ng Partido. Dapat tiyakin ang tuluy-tuloy na pagtakbo ng mga ito. Hindi dapat hayaang maputol ang dugtong sa mga ito ng mga panteritoryong komite ng Partido at mga kumand ng BHB sa larangan at mga distrito. Palakasin ang pagsasanay at pagpapaunlad ng mga lokal na kadre at lider masa, itaas ang kanilang kakayahan sa pamumuno at pagpapakilos sa masa.
Dapat tuklasin ng mga kadre, mga lider, aktibista at masa ang mga paraan ng mahigpit na paglilihim upang panatilihing bulag at bingi ang mga pasista kahit pa sila’y nasa mismong tungki ng ilong ng kaaway. Dapat magpakabihasa sa mga taktika ng paglaban sa militarisasyon sa kanilang lugar, sa iba’t ibang paraan ng tuwiran o di tuwirang pagsuway sa mga utos ng mga pasistang sundalo, pagtutol sa mga paghihigpit, paglaban sa pwersahang pagrekrut sa paramilitar, iligal na pag-aaresto at pamamaslang, paglantad at pagbatikos sa midya at social media sa ipinakakalat na disimpormasyon at mga kasinungalingan, at pagtakwil sa kanilang presensya. Dapat magpakahusay ang mga yunit ng BHB sa lihim na tuluy-tuloy na pag-ugnay sa masa at paglulunsad ng mga armadong aksyon laban sa mga pasistang naghahari-harian sa mga baryo.
Dapat pagplanuhan ng kinauukulang kumand ng hukbo at pamunuan ng Partido ang pagpapalapad ng kanilang teritoryo at pagbubuo ng mga bagong larangang gerilya, habang pinatatatag at pukpukang nakikipaglaban sa mga umiiral na larangan at mga baseng gerilya. Habang lalong lumalapad ang kalupaang saklaw ng digmang bayan, lalong matutulak ang kaaway na banatin ang kanyang pwersa at ilantad ang mahihinang bahagi nito para targetin ng mga taktikal na opensiba ng BHB.
Sa tuluy-tuloy na pagpapalapad ng nakikilusang teritoryo ng mga yunit ng BHB, lalo nitong magagawang hawakan ang inisyatiba sa digmaan. Dapat tuluy-tuloy na ilunsad ng BHB ang mga anihilatibong taktikal na opensiba na may tiyak na tagumpay laban sa mahihinang nakahiwalay na yunit ng kaaway para sa layuning kunin ang mga sandata ng kaaway. Kaakibat ng mga ito ang mga atritibong taktikal na opensiba para gantihan, guluhin o di patulugin ang kaaway sa kanilang mga detatsment o kampo. Dapat ipakat ng BHB ang mga yunit partisano sa mga lunsod o sentrong bayan para targetin ang mga pasistang nasa likod ng mga krimen laban sa masa, at para wasakin ang mga linya ng komunikasyon, transportasyon at suplay ng kaaway.
Lalo pang nagiging paborable ang pagsusulong ng digmang bayan sa Pilipinas sa harap ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistema at labis na pasistang kalupitan sa ilalim ng tiranikong rehimen. Ang hindi matiis na pagdarahop at tumitinding pang-aapi at pagsasamantala ang nagtutulak sa mamamayang Pilipino na suungin ang landas ng armadong rebolusyon. Dapat tuluy-tuloy na magpakahusay ang Partido at BHB sa pagbalanse at pagkombina ng armadong pakikibaka at pakikibakang pampulitika, ng gawaing masa at gawaing militar, para malawakang pakilusin ang masa sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan.