Panawagan para sa armadong paglaban sa Myanmar, lumalakas
Tumitingkad ang pangangailangan para sa armadong paglaban sa Myanmar (dating Burma) sa harap ng halos araw-araw na pamamaslang ng huntang militar sa mga sibilyang nagpuprotesta. Sa loob ng bansa, lumalaganap ang pananaw na hindi na sapat ang mga rali, barikada at sibil na pagsuway. Ito ay dahil habang nagtatagal, lalong nagiging brutal ang Tatmadaw (tawag sa pwersang militar ng Myanmar).
Noong Marso 26, 114 ang pinatay ng hunta sa isa sa pinakamadugong araw sa higit 2-buwan nang mga protesta ng mamamayan. Noong Abril 3, umabot na sa 550 ang pinatay ng hunta sa desperasyon nitong manatili sa poder. Apatnapu’t anim nito ay mga bata. Mahigit sa 2,750 ang ikinulong.
Sa ulat ng mga internasyunal na pahayagan, mayroon nang mga aktibista mula sa mga sentrong urban na naglulunsad ng pagsasanay-militar sa lokal na mga estado (katumbas sa rehiyon) sa hangganan ng bansa. Ang mga estadong ito ay teritoryo ng mga pambansang minorya ng Myanmar kung saan umiiral ang iba’t ibang armadong grupo. Tinawag ng estado ang mga ito bilang mga ethnic armed organization (EAO o armadong organisasyong etniko.) Ang mga grupong ito ay lumaban sa deka-dekada nang pagsasamantala at pang-aapi ng huntang militar at maging sa gubyernong pinamunuan ni Aung San Suu Kyi at National League of Democracy (NLD). Noong 2015, pumirma ang 16 sa mga grupong ito sa isang pambansang kasunduan sa tigil-putukan kapalit ng paggalang ng estado sa kanilang awtonomiya.
Nang inagaw ng Tatmadaw ng estado poder noong Pebrero 1, agad na ibinukas ng mga armadong grupong etniko ang kanilang mga teritoryo sa gipit na mga aktibista at myembro ng NLD. Kinundena nila ang kudeta at itinuring na nawalan na ng bisa ang kanilang pinirmahan na pambansang kasunduan sa tigil-putukan nang atakehin ng Tatmadaw pati ang kanilang mga teritoryo.
Mahaba ang kasaysayan ng armadong paglaban sa Myanmar. Masasabing hindi ito nawala mula 1939, kung kailan unang nabuo ang Partido Komunista ng Burma. Pinamunuan ng mga komunista ang armadong paglaban sa kolonyalistang British mula 1939-1941, mananakop na Japanese (1941-1945), muling pagbalik ng kolonyalistang British (1948-1962) at sa kalaunan, laban sa papet na gubyernong sibil at pumalit dito na huntang militar mula 1962.
Tuluyang nalusaw ang partido komunista noong 1989 pero nagpatuloy ang panaka-nakang paglaban ng nalalabing mga komunistang elemento. Marami sa kanila ang tumulong sa pagbuo ng mga armadong grupo ng iba’t ibang pambansang minorya para sa pambansang paglaya at pagpapasya-sa-sarili. Hindi bababa sa 28 pang ibang armadong grupong etniko ang umiiral sa Myanmar sa ngayon.