2 sibilyan pinaslang, 2 inaresto sa Negros
Muling naghasik ng teror ang pinagsanib na pwersa ng pulis at militar sa tatlong sityo ng Barangay Nagbinlod, Sta. Catalina, Negros Oriental noong Marso 29. Anim na sibilyan ang inaresto, kabilang ang 2-taong gulang na bata, at dalawa ang pinatay. Tulad sa naunang mga kaso ng pang-aatake sa mga sibilyan, tinaniman ng baril at armas ang mga bahay ng mga biktima at inakusahan silang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Pinatay sa Sityo Balog sa naturang barangay sina Fredo Binangkil at Julito Solano sa pananalakay na ipinalabas na engkwentro sa pagitan ng militar at BHB. Sa mga sityo ng Payawpayawan at Bayog inaresto ang mag-asawang sina Marites at Benjie Saingga at kanilang 2-taong gulang na anak, Wilmar Jiminez at dalawa pang magsasaka.
Kasabay nito, nireyd ng mga pulis ang bahay ni Nene Solano, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Negros Oriental, at binugbog ang kanyang biyenan.
Pambobomba. Matinding takot ang idinulot ng anim na beses na paghulog ng bomba ng AFP sa mga komunidad ng mga magsasaka at lumad noong Abril 6 sa Barangay Kasapa II, La Paz, Agusan del Sur. Ilang beses ding inistraping ang magubat na bahagi ng lugar. Mula pa Pebrero hinahalihaw ng mga pwersa ng 60th IB at 26th IB sa hangganang ng La Paz, Loreto at San Luis sa Agusan del Sur at Kapalong sa Davao del Norte.
Pamamaslang. Binaril at napatay si Jesus Pason Jr., drayber ng traysikel at residente ng Basurahan, Barangay Mambulay, Silay City, Negros Occidental noong Abril 17. Kasapi siya ng Pasil Homeowners Association, Inc. at Kadamay-Negros.
Iligal na pag-aresto. Sa Eastern Samar, inaresto ng 52nd IB sina Erwin Ramirez Mortal at Pablito Lapesora Libanan noong huling linggo ng Pebrero sa akusasyong mga kasapi sila ng BHB. Parehong residente ng Casapa, Barangay Dinigpian, Dolores ang dalawang magsasaka.
Sa Bohol, inaresto si Oscar Balonga, tagapangulo ng Bongbong Farmers Association noong Abril 7 at ikinulong sa Trinidad Police Station.
Pagdukot. Dinukot ng mga ahente ng NTF-ELCAC sina Alicia Lucena at Sofia Bangayan, mga myembro ng Anakbayan, matapos papuntahin ng mga upisyal ng Barangay 483 sa Maynila sa barangay hall para umano sa randomized swab testing noong Abril 19. Agad na pinalaya si Bangayan habang si Lucena ay hindi pa natatagpuan ng kanyang abugado at mga kaibigan. Isa si Lucena sa pinangalanan noon ng NTF-ELCAC na “kinidnap” ng Kabataan Party List at Makabayan para siraan ang mga aktibista. Anak siya ng ahente ng NTF-ELCAC at tagapagsalita ng grupong Hands Off Our Children na si Relissa Lucena.
Red-tagging. Napilitan ang mga boluntir ng “community pantry” sa Maginhawa, Quezon City at Pandacan, Manila na pansamantalang isara ang kanilang operasyon noong Abril 20 matapos i-red-tag ng pulis ang kanilang mga aktibidad.
Ang community pantry ay isang porma ng pagtutulungan ng mamamayan kung saan kusang nagbibigay ang mga may ekstra na pagkain at libre itong kunin ng sinumang nangangailangan. Sinimulan ang inisyatibang ito noong Abril 15 na nag-engganyo ng paglulunsad ng 300 pang katulad na inisyatiba sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bago nito, naging target din ng red-tagging ang mga unyon ng mga empleyado ng Senado at Korte Suprema, at ang Alliance of Health Workers.