“Huwag umasa sa US sa depensa ng Pilipinas”—PKP
Hindi dapat itali ng Pilipins sa US ang pagdepensa nito sa West Philippine Sea laban sa pangangamkam ng China. Ito ang pahayag ng Partido sa pagsisimula ng 10-araw na Balikatan 2021 nitong Abril 13.
Ang Balikatan, taunang pagsasanay sa pagitan ng hukbo ng US at Pilipinas, ay ginaganap ngayon sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Mas maliit ang bilang ng kalahok dito ngayong taon (736 sundalong Pilipino at 225 Amerikano) kumpara sa mga nakaraan.
Sa pamamagitan ng Balikatan, pinalalabas na US ang tanging masusulingan ng Pilipinas laban sa pang-aagaw ng China sa karagatan ng bansa sa pamamagitan ng mga barkong milisya, Coast Guard at malalaking barkong pangisda.
Isa sa mga susi ang Balikatan para sanayin ng US ang AFP para magbigay ng suporta sa mga pwersa nito sa mga operasyon nito sa ibayong-dagat, laluna sa Asia-Pacific. Tulad sa nakaraan, ipapakita at pagtitibayin ng Balikatan 2021 ang kontrol ng US sa doktrina at mga operasyon ng AFP. Paiigtingin nito ang pagpapatupad ng mga operasyong kontra-insurhensya na ang biktima ay mga sibilyang Pilipino.
“Mas kasuklam-suklam ang Balikatan ngayong taon sa harap ng papabagsik na gerang panunupil na inilulunsad ng AFP sa kanayunan,” ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas. Kabaliktaran, dahil sa napakatagal na pagsalalay ng Pilipinas sa militar ng US, nanatiling walang kakayahan ang AFP na nagsasariling depensahan ang sariling mga teritoryo.