IMF-World Bank, mangangamkam ng lupa at kontra-kalikasan
Sinabayan ng isang online na koordinadong protesta ng mga progresibong organisasyon ang pagbubukas ng Spring Meeting o pulong ng mga lider ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB) noong Abril 11. Sa pulong na ito nagbalangkas ng mga programa at tinalakay ang isyu ng Covid-19, pautang at climate change. Tulad sa nakaraan, pumostura ang IMF-WB na “makakalikasan” at inianunsyo ang plano nitong “patatawarin” ang utang ng mahihirap na bansa kapalit ng pagpapatupad sa mga “green investment” o “makakalikasang” mga proyekto. Sa aktwal, pagpapatuloy lamang ang mga ito ng neoliberal na adyendang isinusulong ng institusyon sa buong mundo. Sa aktwal, ginagamit lamang ng mga ito ang naturang mga proyekto para itulak ang malawakang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng mga kagubatan at sakahan sa kapinsalaan ng kalikasan at kabuhayan ng bulnerableng mga komunidad na nakaasa rito.
Gumagamit ang IMF-WB kapwa ng direktang pamumuhunan at pautang sa mga bansa at korporasyon para bigyang daan ang pang-aagaw ng lupa. Ayon sa isang pag-aaral ng International Development Association, direktang pinondohan ng IMF-WB ang umaabot sa 14 na malalaking konsesyon sa pangangamkam sa lupa ng iba’t ibang mga kumpanya sa hindi baba sa 900,000 ektaryang lupain sa Africa, Latin America, South at South East Asia mula 2006 hanggang 2016. Dagdag pa rito ang pautang na ibinigay nito sa mga pribadong kumpanya na nangamkam sa hindi bababa sa 700,000 ektaryang lupain sa naturang mga lugar.
Pinakamasahol sa mga ito ang mga konsesyong pinondohan ng International Finance Corporation (IFC), ang ahensya ng WB na direktang namumuhunan sa mga pribadong kumpanya. Kabilang sa mga pinondohan nito ang operasyon sa pagmimina ng bauxite ng kumpanyang Compagnie des Bauxites de Guinée (CBG) sa Papua New Guinea. Umaabot sa $200 milyon (₱9.6 bilyon sa palitang $1=₱48) ang ipinautang ng IFC sa kumpanya noong 2016 para sa pagpapalawak ng operasyon nito. Nagresulta ito sa pagpapalayas sa 150,000 Guinean mula sa kanilang lupaing ninuno at pagkalason ng mga ilog na pinagkukunan nila ng inuming tubig. Pinondohan din nito ang katulad na proyekto sa Myanmar na nagresulta sa pagpapalayas ng 16,000 magsasaka at katutubong Karen mula sa 23 komunidad.
Sa mahigit 30 bansa, aktibo ring pinopondohan ng IFC ang iba’t ibang konsesyon sa pangangamkam ng lupa sa pamamagitan ng lokal na kasosyo nitong mga bangko at pribadong institusyon sa pagpapautang.
Sa Pilipinas, itinutulak ngayon ng WB ang programang Support to Parcelization of Lands for Individual Titles, isang programa sa paghihiwalay ng mga titulo para mas mabilis itong mabili ng dayuhang mga kumpanya na balak magtayo ng mga “mega farm” o mga plantasyon. Saklaw nito ang halos 1.4 milyong ektaryang lupang agrikultural na binubungkal ng halos isang milyong magsasaka. Noong nakaraang taon, nakatanggap na ang bansa ng pautang mula sa WB na nagkakahalaga ng $370 milyon (₱17.8 bilyon) para rito.
Kontra-kalikasan
Pinalalabas ng WB na naglalaan ito ng “climate funds” o pondo na para umano sa pangangalaga ng kalikasan at paglaban sa climate change. Gayunpaman, nalantad na halos 70% sa mga programang pinopondohan nito ay mga proyekto para sa pagpoprodyus ng kuryente kagaya ng mga megadam at mga planta ng kuryente na pinatatakbo ng karbon sa 12 bansa. Notoryus ang mga proyektong ito sa pagpapalayas ng buu-buong mga komunidad at pagdudulot ng matinding pinsala sa kalikasan.
Ayon sa datos ng WB noong 2015, ang Pilipinas ang nangunguna sa mga bansang nakakuha ng pinakamalaking pamumuhunan ($4.9 bilyon o ₱235.2 bilyon) para sa mga proyektong ito, kasunod ang South Africa, Chile at Malaysia. Sa buong mundo, pinakamalaki ang ibinuhos nitong pondo ($1.2 bilyon o ₱57.6 bilyon) para sa San Buenaventura Power Plant sa Mauban, Quezon. Umaabot naman sa $937 milyon (₱45 bilyon) ang ibinuhos nito para sa Therma Visayas Power Plant sa Toledo City, Cebu. Kapwa pinatatakbo ng karbon ang mga plantang ito.
Nitong Marso, naglabas ng bagong mga patakaran ang WB para umano labanan ang climate change. Gayunpaman, marami ang bumatikos dito dahil hindi isinama sa mga komitment nito ang pagtigil sa pagpondo sa mga proyektong gumagamit ng fossil fuel at coal.