Itanghal ang limang siglo ng armadong paglaban

,

Sa bukangliwayway ng Abril 27, 2021, gunitain natin ang ika-500 taon ng Labanan sa Mactan, ang unang tagumpay sa mahaba at nagpapatuloy na kasaysayan ng armadong pakikipaglaban ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan. Magbigay-pugay tayo kay Datu Lapulapu at sa libong nanindigan at gumapi sa mga armadong dayong manlulupig sa pangunguna ni Ferdinand Magellan.

Ang Labanan sa Mactan ay matingkad na simbolo ng matapang na paninindigan at paglaban ng mga katutubong Pilipino. Pinili nilang magsandata at magtanggol sa halip na yumuko at magbayad ng buwis sa dayong hari. Ginamit nila ang kanilang superyoridad sa bilang at kaalaman sa kalupaan at dagat, upang ipawalangsaysay ang malalakas na sandata ng dayong mananalakay at biguin ang tangkang pananakop.

Sa pamamagitan ng armadong paglaban, ipinagtanggol nila Lapulapu ang kanilang lupa laban sa mga pwersa ng Espanya at mga taksil tulad nila Humabon at Zula. Bagaman manunumbalik ang mga pwersa ng Espanya at malao’y sasaklutin ang Pilipinas bilang kolonya, ang kagitingan nila Lapulapu ay habampanahon nang magsisilbing inspirasyon sa mga susunod na salinlahi ng mga Pilipinong mag-aalsa at magsasandata para kamtin ang kalayaan laban sa dayuhang mananakop.

Sa iba’t ibang yugto sa ilalim ng dayong kolonyal na paghahari, nag-armas at lumaban ang mga Pilipino laban sa mga mang-aapi at mapagsamantala. Nilabanan nila ang pang-aagaw ng lupa, ang pagbabayad ng tributo o buwis sa hari, ang pang-aagaw ng ani, ang pwersahan at walang bayad na pagpapatrabaho at ang malulupit na pamamarusa. Sumibol ang mga bayaning tulad nila Lakandula, Rajah Sulayman, Palaris, Diego at Gabriela Silang, Francisco Dagohoy at libu-libong iba pa. Puspos silang lahat ng di pagagaping diwa ni Lapulapu at ng kanyang hangaring maging malaya mula sa dayuhang mananakop.

Mula sa daan-daang mga pag-aaklas sa mahigit tatlong daang taong pananakop ng Espanya, malao’y nagkaisa ang mga Pilipino sa ilalim ng pulang bandila ng Katipunan sa pangunguna ni Andres Bonifacio. Isinulong nila ang malawakang pakikidigmang gerilya laban sa mga pwersang kolonyal ng Espanya at pinalaya ang bayan mula sa dayuhang kontrol. Tulad na may Humabon na yumuko kay Magellan, mayroong Aguinaldo at mayayamang ilustrado na nagtaksil sa bayan at sumuko sa mga pwersang kolonyal ng Amerika na pwersahang dinagit ang kalayaan ng bansa.

Mula Batangas hanggang Balangiga sa Samar at sa iba’t ibang sulok ng bansa, nag-alsa ang mga Pilipino tangan ang mga baril at balaraw. Buong giting na lumaban ang mga Pilipino kahit pa malupit silang sinupil ng mga mapanakop na pwersa ng US gamit ang superyor na mga sandata. Mahigit isang milyong Pilipino ang namatay sa takbo ng armadong paglaban sa kolonyal na pananakop ng US, at dulot ng malawakang gutom at sakit sa panahon ng paniniil sa unang mga taon ng siglong 1900.

Muling dadaluyong ang armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa pangunguna ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas na itinatag noong 1930. Itinatag ng PKP ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) noong 1942 na nagsulong ng pakikidigmang gerilya laban sa mga pwersang kolonyal ng Japan. Tulad sa mga nagdaang armadong pag-aalsa, ang Hukbalahap pangunahi’y isang hukbong magsasaka na kumalat sa kanayunan at nagtayo ng mga organo ng pamamahala sa buong Central Luzon at nagpakat ng mga yunit nito sa Manila, Southern Luzon, hanggang sa Panay at iba pang lugar.

Nagpunyagi ang lumang Partido at Hukbalahap sa armadong paglaban sa mga pasistang pwersa ng Japan kahit matapos sumuko ang mga pwersang pinamumunuan ng US at umuwi ang mga tropang Amerikano noong 1942. Bumalik ang mga pwersang militar ng US noong 1945 para muling ipataw ang kanilang kapangyarihang kolonyal sa pamamagitan ng pambobomba at traydor na pagsalakay sa mga Huk at paglunsad ng walang-habas na mga operasyong kontra-gerilya. Dahil sa maling pamumuno ng mga lider ng lumang Partido na nakipagkutsabahan sa kaaway, dinala ang Hukbalahap (na tinawag na Hukbong Mapagpalaya ng Bayan) sa landas ng pagkatalo o pagsurender sa rehimeng papet ng US.

Ang pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan noong 1969 ay muling pagtangan ng sandata ni Lapulapu at pagpapatuloy ng armadong paglaban ng sambayanang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya. Sa pamumuno ng Partido na muling itinatag noong 1968 sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, dinala ng BHB ang armadong pakikibaka sa bagong antas at lawak na di pa naaabot sa kasaysayan ng bansa. Isinusulong nito ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado, na pag-aangat ng lumang demokratikong rebolusyon ng Katipunan.

Lumawak sa buong kapuluan ang armadong paglaban ng sambayanang Pilipino. Sumusunod ito sa malinaw na estratehikong linya ng matagalang digmang bayan para sistematikong palakasin ang hukbong bayan, pangibabawan sa kalaunan ang mas malaki at malakas na Armed Forces of the Philippines na suportado ng US, at ibagsak ang makauring paghahari ng mga imperyalista, malaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa.

Tulad ng BHB, ang lahat ng armadong rebolusyonaryong Pilipino sa nakaraan, ay inaalimura ng mga mapang-api. Tinawag silang mga “bandido” o kaya’y “insurekto.” Tiyak na kung buhay sa kasalukuyan si Lapulapu o ang iba pang nag-armas at nagbangon, babansagan din silang “terorista” ng mga takot at galit sa bayang nagsasandata.

Ang hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pambansang paglaya na siyang nag-udyok sa sunud-sunod na mga salinlahi ng nagdaang mga siglo na magsandata ang nananatiling susing layunin na pumupukaw sa kanila na magpatuloy sa pagmartsa sa landas ng armadong paglaban. Sa paglaban sa imperyalistang higante at lahat ng armadong galamay nito, ang sambayanang Pilipino at ang kanilang mga Pulang mandirigma ay humahalaw ng inspirasyon sa armadong kagitingan ni Lapulapu at sa tagumpay nila sa Labanan sa Mactan. Puspos ng diwa ng armadong kagitingan ng lahat ng bayani sa nakaraan, matatag ang determinasyon ng BHB at lahat ng pwersa ng demokratikong rebolusyong bayan na isulong ang pakikibaka para kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Itanghal ang limang siglo ng armadong paglaban