Nagkakaisang paglaban ng masa sa RCSP sa Samar

,

Bigo ang higit isang taong walang tigil na operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) ng Armed Forces of the Philippines sa isang bayan sa Western Samar sa layunin nitong buwagin ang matatag na pagkakaisa ng masang magsasaka at kanilang pagsuporta sa rebolusyon. Saklaw ang naturang bayan ng larangang gerilyang ipinagmamayabang ng 8th ID na “nabuwag na.”

Sa panahong ito, paulit-ulit na pinatawag ng mga sundalo ang mga magsasaka sa kampo militar upang piliting “sumurender” at magsilbi sa reaksyunaryong hukbo bilang aset o espiya. Pinipilit din silang magsinungaling, magpanggap na “bumaba na mula sa bundok dahil sa hirap ng kalagayan doon,” o di kaya’y umaming kasapi ng yunit milisya, ng lokal na sangay ng Partido, o ng komite ng lokal tsapter ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid.

Sa isang baryo, pinagkaisahan ng mga residente na wala ni isa sa kanila ang pupunta sa kampo sakaling muli silang ipatawag bilang paglaban sa panggigipit sa kanila. Ngunit matapos nito, ilang beses pinasok ang kanilang lugar ng mga pulis at sundalong nakabihis sibilyan upang susugin ang mga hindi tumutugon sa kanilang patawag.

Reklamo ng taumbaryo, hindi na sila makapunta sa kanilang sakahan sa takot sa nagmamanmang mga pulis at sundalo. Kumpara noong kasagsagan ng lockdown, mas matinding gutom ang nararanasan nila dahil sa abalang dulot ng operasyong militar.

Upang mabantayan ang mga ahente ng militar at pulis, nag-iskedyul ang taumbaryo ng maghapon at magdamag na paggagwardya. Ipinasusulat nila sa logbook ang pangalan ng lahat ng pumapasok sa kanilang lugar. Nilagyan nila ng mga kahoy ang kalsada upang harangin ang mga kotse at motorsiklong sinasakyan ng mga pulis at sundalo papasok ng baryo.

Nagkakaisang paglaban ng masa sa RCSP sa Samar