Panawagan sa Mayo Uno 2021: Makatwirang ayuda at dagdag sahod, ibigay na!

,

Sinimulan noong Abril 16 ng Kilusang Mayo Uno, katuwang ang mga unyon at iba pang organisasyon ng manggagawa, ang serye ng mga protesta para itambol ang panawagan para sa ₱10,000 ayuda para sa lahat ng nawalan ng trabaho at ₱100 kada araw na subsidyo para sa mga manggagawa at manggagawang bukid. Sa araw na iyon, nagdaos ang mga manggagawa ng “kalampagan” sa Mendiola sa Lungsod ng Maynila para ipanawagan rin ang pagtataas ng minimum na sahod tungong ₱750 kada araw. Noong Abril 19, nagmartsa ang mahigit 100 myembro ng 10K Ayuda Network sa Quezon City para maghain ng petisyon para sa ₱10,000 ayuda sa 18 milyong pamilya sa loob ng dalawang buwan. Sa Davao City, nagkaroon naman ng padyak protesta noong Abril 9.

Noong Abril 15, nagpetisyon ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura sa Department of Labor and Employment (DOLE) na umentuhan ng ₱100 ang sahod ng 10.3 milyong manggagawang bukid. Inihain ang petisyon sa kabila ng pagbasura ng ahensya sa katulad ng petisyon ng Defend Jobs Philippines sa pagdadahilang hindi nito saklaw ang pagbibigay ng “across-the-board” na umento.

Katumbas lamang sa dalawang araw na sahod sa NCR ang ₱1,000 ayuda mula sa kabuuang ₱23 bilyon na inilaan ng rehimeng Duterte na ayuda noong ipinataw nito ang 2-linggong pinahigpit na lockdown sa National Capital Region at apat pang prubinsya. Napakaliit nito kumpara sa ₱420 bilyong paketeng ayuda na ipinapanukala ngayon sa Kongreso bilang Bayanihan 3 at sa ₱1.5 trilyong pakete na mungkahi ng Ibon Foundation para maging makabuluhan ang ayuda sa paparaming pamilyang pinahihirapan sa napakatagal nang lockdown.

Sa isang pag-aaral sa mga maralitang komunidad sa National Capital Region na inilabas ng Economic Policy Research Institute noong Disyembre 2020, halos lahat ng mga maralitang pamilya (19 sa 20) ang nagsabing nawalan ng trabaho o kita sa 2020. Lampas kalahati (65%) lamang sa kanila ang nagsabing nakatanggap ng pinansyal na ayuda. Mayorya (92%) ng mga pamilyang ito ang nag-ulat na mayroong isa o higit pang myembro na bulnerableng mahawa ng Covid-19 (matatanda, buntis, maliliit na bata, may sakit o kapansanan.)

Batay sa senaryong bumagsak nang 30% ang kita ng mga maralitang pamilya at hindi lahat ay nakatanggap ng ayuda, tinaya ng ahensya na dumoble ang tinatawag na national poverty headcount ratio (o porsyento ng populasyon na nabubuhay sa $1.90 o ₱90 kada araw) mula 16.8% noong 2018 tungong 32.8% sa 2020.

Kabilang sa mga dumausdos ang katayuan sa buhay ang milyun-milyong nawalan ng trabaho at kita. Nasa 12 milyong manggagawa ang wala o kulang ang trabaho noong Pebrero. Wala pa rito ang mahigit isang milyon na inilaglag sa sarbey ng pwersa ng lakas paggawa sa parehong panahon.

Mayorya sa nakahanap ng trabaho mula nang buksan muli ang ekonomya ay nasa trabahong mababa ang sahod, kontraktwal o impormal. Ayon pa rin sa Ibon Foundation, sa 1.9 milyon na naibalik o bagong trabaho noong Pebrero, 48% o 923,000 ay partaym (walang 40 oras kada linggo) at 23% ay nakakategoryang “may empleyo, pero wala sa lugar ng trabaho” (maaaring absent o naka-leave dulot ng sakit o kwarantina, o napipilitang “magbakasyon” ng walang bayad dulot ng pansamantalang pagsasara/pagbabawas ng manggagawa ng tinatrabahuang empresa o negosyo.)

Panawagan sa Mayo Uno 2021: Makatwirang ayuda at dagdag sahod, ibigay na!