Patung-patong na pagsasamantala sa mga magniniyog
Kabaligtaran ng pagpapakahirap ng mga magniniyog ay ang pagpapakabundat ng mga panginoong maylupa, komersyante at monopolyong mga korporasyon. Sa kasagsagan ng pandemya, lalo pang tumampok ang paghuthot sa yaman ng koprang likha ng masang magniniyog.
Noong Disyembre 2020 sa isang baryo sa Camarines Sur, kumita lamang ng ₱4,900 ang isang pamilyang tenante sa apat na ektaryang niyugan. Sa naaning 661 kilong kopra, 20% (o halagang ₱3,960 sa presyong ₱30 kada kilo) ay hindi binayaran ng komersyante. Gaanuman kahusay ang pagkakaluto sa kopra, arbitraryo pa rin itong kinakaltasan ng resiko.
Nagtulong-tulong na lamang ang mag-anak sa produksyon para makabawas ng gastos sa paggawa. Matapos ibawas ang gastos sa transportasyon, ang halaga ng natirang 529 kilo ay bumagsak tungong ₱14,700 mula ₱15,870. Sa hatiang tersyo, dalawang bahagi ng halagang ito ang napunta sa panginoong maylupa. Ang sangkatlong bahagi ng magniniyog (₱4,900) ay katumbas na lamang ng ₱109 bawat araw na pagkakasyahin sa susunod na 45 araw ng walo-kataong pamilya.
Dahil sa magkakasunod na bagyong dumaan noong katapusan ng 2020, lalong lumiit ang kita ng mga magniniyog sa naturang baryo. Nakaagapay sa kanila ang pagtatanim ng mga halamang pagkain at gulay, at paggiit na ipagpaliban ang pagbabayad ng upa sa lupa sa loob ng dalawang pagkopra.
Habang sadlak sa gutom ang mga magsasaka sa niyugan, patung-patong na ganansya ang kinakabig ng panginoong maylupa at mga komersyante sa yamang kopra na kanilang nilikha. Ayon sa Philippine Coconut Authority, malaki ang ibinagsak ng presyo ng bilihan ng kopra mula ₱54 kada kilo noong Enero 2017 tungong ₱13.39 kada kilo noong Enero 2019. May mga lugar na umabot ito ng ₱12 kada kilo. Noong 2020, nagkakahalaga lamang ng abereyds na ₱18.75 ang bili ng mga komersyante sa bawat kilo ng kopra sa pangunahing mga rehiyon na prodyuser nito. Pinakamababa ito sa Eastern Visayas (₱14). Sa Bicol, bagamat tumaas ang presyo tungong ₱30, bawas pa rin ang napupunta sa magniniyog dahil sa mataas na kaltas sa resikada. Ang binarat na kopra ay pagkakakitaan ng mga komersyante ng aabot sa ₱8.45 kada kilo kapag ibinenta na sa mga planta, na magpapatong naman ng mas mataas pang presyo sa pandaigdigang pamilihan.
Ang mga plantang ito ang pangunahing nagsusuplay sa malalaking dayuhang kumpanya sa pagkain at konsumo. Kabilang dito ang mga nakapaloob sa Coconut Industry Investment Fund-Oil Mills Group na pinondohan noong panahon ng diktadurang Marcos gamit ang buwis na hinuthot mula sa mga magniniyog. Panimulang pinoproseso sa mga plantang ito ang kopra upang lumikha ng langis at iba pang produkto.
Mula Enero-Oktubre 2020, kabuuang 1.4 milyong metriko toneladang kopra ang inieksport ng Pilipinas. Dahil sa pandemya, bumaba ito nang 21% mula sa halos 1.8 milyong metriko tonelada na eksport sa parehong panahon noong 2019. Ang Pilipinas ang numero unong taga-eksport ng kopra (64%) sa buong mundo.
Sa panahon ng lockdown, kabilang sa mga kalakal na naging mabenta ay mga pinrosesong pagkain at gamit pangsanitasyon. Mayor na sangkap sa produksyon ng mga ito ay langis mula sa kopra. Ang Nestlé at Cargill (mga monopolyo sa produksyon ng pagkain), at Procter and Gamble (P&G) ay kumukuha ng bulto ng kanilang hilaw na materyales sa Pilipinas at dalawang iba pang bansa sa Asia.
Lumaki ang kita ng Nestlé, Cargill at P&G habang may pandemya. Sa lahat ng monopolyo sa produksyon ng pagkain, pinakamalaki ang kita ng Nestlé noong 2020 na umabot sa $13 bilyon. Katumbas ito ng 2.8% na pagtaas mula 2019. Pinakamalaking nag-ambag sa kita ng korporasyon ang mga benta mula sa Purina (pagkain ng hayop), na gumagamit ng tira-tirang produktong kopra matapos katasin ang langis.
Ang kita naman ng Cargill sa parehong panahon ay $3 bilyon mula sa $2.56 bilyon bago ang pandemya. Ang P&G, na pinakamalaking nagpoprodyus ng mga gamit pangsanitasyon (sabon, shampoo, toothpaste) ay nagtala ng $12.76 bilyong kita noong 2020 mula sa $3.63 bilyon sa nagdaang taon.
Milyun-milyong dolyar naman ang kinamal na tubo ng mga plantang nagpoprodyus ng langis mula sa niyog na nakabase sa Pilipinas. Ang Peter Paul Philippines Corporation at Primex Coco Products, na kabilang sa pinakamalalaking nagpoproseso at nag-eeksport ng mga produktong niyog, ay nagtala ng kabuuang bentang umaabot sa $13.8 milyon noong 2020.