9 sundalo, napaslang sa mga opensiba ng BHB
Siyam na sundalo ang napaslang habang siyam ang nasugatan sa mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga prubinsya ng Abra, Camarines Sur, Sorsogon, Bohol at Bukidnon sa nagdaang mga linggo. Samantala, 16 na sundalo naman ang naiulat na napaslang sa mga operasyon ng BHB sa isla ng Negros noong Marso.
Inambus ng BHB-Bohol noong Abril 26 ang mga elemento ng CAFGU sa ilalim ng kumand ng 47th IB sa Barangay Aloja, Batuan, Bohol. Dalawa ang naiulat na napaslang.
Sa Abra, isang elemento ng CAFGU ang napaslang sa Barangay Poblacion, Lacub noong Abril 24. Sa Sorsogon, isa pang elemento ng CAFGU na nagsisilbing ahenteng paniktik ng 31st IB ang pinaslang sa Barangay Sta. Cruz, Barcelona noong Abril 23.
Sa Bukidnon, naglunsad ng operasyong haras ang BHB laban sa mga sundalo ng 8th IB na nagbabantay sa kumpanya sa konstruksyon ng UBI sa Purok 6, Barangay San Roque sa bayan ng Quezon noong Abril 20. Isang sundalo ang napaslang habang tatlo ang nasugatan.
Sa isang kontra-atake ng BHB-Camarines Sur noong Abril 5, napaslang ang apat na sundalo ng 96th IB at lima ang nasugatan sa Barangay Del Carmen, Lagonoy. Ilang oras matapos nito, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang trak ng militar lulan ang rumerespondeng mga sundalo.
SA NEGROS ORIENTAL, tinambangan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong yunit ng 62nd IB sa Mabanga, Barangay Bagtik, La Libertad noong umaga ng Marso 15. Labinlimang sundalo ang napaslang sa 30-minutong labanan habang siyam ang nasugatan. Sa Negros Occidental, isang sundalo naman ang napaslang nang paputukan ng BHB ang detatsment ng CAFGU sa Barangay Sikatuna, Isabela noong Marso 7.d