Mga community pantry, ibinunsod ng gutom at palpak na tugon ni Duterte sa pandemya
Sa nakaraang tatlong linggo, sumibol sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga community pantry (paminggalang bayan). Layunin ng mga ito na bigyan ng kagyat at pansamantalang tulong ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho o di kaya’y kakarampot ang natanggap na ayuda mula sa gubyerno. Nakilala ang inisyatibang ito na may panawagang: “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.”
Umaabot na sa 1,067 ang mga binuksang community pantry ng iba’t ibang karaniwang tao, mga personahe at organisasyon sa kasalukuyan. Handog ng mga ito ay bigas, gulay, delata at iba pang pagkain na maaaring pagkasyahin sa isang araw o isang kainan. Kilu-kilometro ang pila sa mas estabilisadong mga pantry, mula madaling araw hanggang magdilim.
Anang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), “Ang mga inisyatibang ito ng damayan ay malakas na pagpuna at pagsasakdal sa malubhang mga kabiguan ng gubyernong Duterte na tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan sa harap ng pandemyang Covid-19 at lumalalang kalagayang pang-ekonomya.”
Inspirasyon ng Maginhawa Community Pantry
Nagsimula ang ideya ng community pantry nang maglagay ng isang maliit na kariton si Ana Patricia Non, isang maliit na negosyante, noong ikatlong linggo ng Abril sa kahabaan ng Maginhawa St., Barangay Teachers’ Village East, Quezon City na mayroong ilang gulay, delata, bigas at iba pang pantawid-gutom. Ayon sa kanya, sinimulan niya ang inisyatiba dahil “pagod” na siya sa kawalan o kakulangan ng tugon ng gubyernong Duterte sa harap ng krisis.
Nagluwal ang inisyatiba ng panibagong mga community pantry sa buong bansa. Daan-daan ang binuksan ng mga kabataan, mga magkakapitbahay, mapagkawanggawang indibidwal at personalidad. Nagbukas din ng mga pantry ang mga demokratikong organisasyon sa kalunsuran. Sa ilang lugar, kasabay ng pamamahagi ng pagkain ang pagpapapirma sa petisyon na nagsusulong ng ₱10,000 ayuda para sa lahat at panawagan para sa pagbibitiw sa pwesto ni Duterte dahil sa bigong pagtugon sa krisis sa kabuhayan.
Nagtayo rin ng mga community pantry ang iba’t ibang institusyong relihiyoso sa kani-kanilang mga saklaw na lugar. Hinikayat pa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katolikong samahan at organisasyon na tularan ang halimbawang ito ng pagtutulungan. Maging ang mga samahan ng mga artista, musikero, at marami pang mga personahe ay nagbukas ng kani-kanyang mga community pantry.
Red-tagging at pananabotahe ng rehimeng Duterte
Lalupang lumaganap ang mga inisyatiba matapos i-red-tag ng mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga community pantry. Isinailalim sa sarbeylans ang ilan sa mga pantry at tinangkang takutin ang mga organisador. Sa kaso ng dalawang pantry sa Cagayan de Oro, nagpakalat ng mga polyeto ang estado para siraan ang mga organisador. Naglunsad ang ahensya ng kampanyang paninira laban kay Non, na inihambing ni Gen. Antonio Parlade kay Satanas sa isa sa kanyang mga pahayag.
Dulot nito, bumuhos ang batikos kay Parlade at sa NTF-ELCAC na nagpalakas sa panawagang tanggalan ng pondo ang ahensya. Umabot ang panawagang ito sa Senado at Kongreso na nagbantang maglunsad ng imbestigasyon sa naturang pondo at kay Parlade mismo.
Nang hindi kinaya sa pananakot, sinakyan naman ng militar at pulis ang konsepto. Nabunyag ang inilabas na memorandum ng Philippine National Police (PNP)-Region 10 na nag-uutos sa mga presinto na magtayo ng kanilang bersyon ng community pantry na tatawaging “Barangayanihan.” Ipinag-utos nito na “magtanim” ng mga benepisyaryo, at kunan sila ng litrato para ipalaganap sa social media, para diumano ipakita ang “pasasalamat” ng mga tao. Inamin ng PNP na ang utos na “i-hijack” ang konsepto ng community pantry ay nagmula sa nakatataas na upisyal ng pulis at para diumano magsilbi sa “kontra-insurhensya.”
“Walang kahit anong palamuting ‘bayanihan’ ang makapagpapabango sa pasista at duguang rekord ng PNP. Dahil sa kanilang mga pasistang pang-aabuso, krimen at panunupil sa mamamayan, kinasusuklaman ang pulis at militar ng sambayanan,” sagot ng PKP sa pakanang ito ng PNP.