Palpak na pagtugon ng rehimeng Modi ng India sa Covid-19
Malakas ang panawagan ngayon sa bansang India para sa pagbibitiw ni Prime Minister Narendra Modi dulot ng kanyang palpak na pagtugon sa pandemyang Covid-19 na nagresulta sa napakabilis na pagkalat ng bayrus sa bansa sa nakalipas na buwan. Noong Mayo 6, pumapalo na sa mahigit 21 milyon ang kabuuang kaso ng impeksyon at 230,151 na ang namatay sa bansa dulot ng Covid-19. Mahigit 412,618 sa mga kasong ito ay naitala lamang noong Mayo 5.
Ang India na ang tinatawag na “epicenter” (sentro) ng Covid-19 sa buong daigdig matapos lagpasan nito ang bilang ng mga kaso sa US. Ayon sa World Health Organization, tinatayang 28% ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa buong mundo ay nasa India.
Pangunahing itinuturong dahilan sa pagkalat ng bayrus sa bansa ang tinaguriang mga “super-spreader event” o malalaking pagtitipong pulitikal at relihiyoso na pinahintulutan ng rehimeng Modi sa nakalipas na mga buwan. Kabilang sa mga ito ang elektoral na mga rali, at relihiyosong mga pagtitipon na nilahukan ng milyun-milyong indibidwal at kung saan hindi istriktong ipinatupad ang mga protokol pangkalusugan.
Lumubha rin ang kakulangan sa mga pasilidad at kagamitang medikal sa India, laluna ng suplay ng mga tangke ng oxygen. Marami ang namamatay sa pila sa labas ng mga ospital nang hindi nakatatanggap ng lunas.
Ikinababahala rin ngayon ang pagkalat ng bagong baryant ng Covid-19 na B.1.617 na unang natuklasan sa India at binansagang “double mutant.” Pinaniniwalaang mas nakahahawa ito at pinag-aaralan pa sa ngayon kung mabisa ba ang kasalukuyang mga bakuna laban dito.