Pamana ni Duterte: Maruming enerhiya
Ginunita sa buong mundo noong Abril 22 ang Earth Day, ang taunang aktibidad na isinasagawa mula pa 1970 bilang pagpapahayag ng suporta sa pangangalaga sa kalikasan. Sa Pilipinas, inianunsyo ng rehimeng Duterte ang pakitang-gilas na pag-apruba nito sa Nationally Determined Contribution ng bansa sa pagsisikap na mag-ambag umano sa pag-agapay sa global warming. Nakasaad dito ang pangako ng Pilipinas na unti-unting ibaba ang ibinubugang green house gas ng bansa gaya ng carbon dioxide, methane, at iba pa tungong 75% hanggang sa 2030 at 100% sa 2040. Alinsunod ito sa pagratipika ng Pilipinas na Paris Agreement on Climate Change na unang pinirmahan ng 196 bansa noong 2016.
Sa aktwal, taliwas ang pahayag na ito sa mga plano ng rehimen sa industriya ng enerhiya. Hindi papaliit ang lokal na produksyon ng karbon o coal at plano pa itong palakasin ng rehimen. Sa buong daigdig, ang pagsunog ng karbon ang isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng greenhouse gas tumatalukbong sa mundo at pumipigil sa pagtakas ng init. Alinsunod sa Coal Roadmap 2017-2040 ng rehimen, planong itaas ng reaksyunaryong estado ang lokal na produksyon ng karbon tungong 282 milyong metriko tonelada (MT) sa 2023-2040 mula 23 milyong MT sa 2017-2018. Balak din ng limang pinakamalalaking prodyuser ng enerhiya ang pagpapalawak ng kani-kanilang kapasidad na lumikha ng enerhiya gamit ang karbon mula 14,579 megawatts (MW) sa kasalukuyan tungong 21,836 MW sa susunod na dalawa hanggang anim na taon.
Ang mga power plant na ito ay pinopondohan ng di bababa sa 15 malalaking bangko sa bansa. Ayon sa koalisyong Withdraw From Coal, nangunguna sa mga ito ang Bank of the Philippine Islands ng pamilyang Ayala at ang Banco de Oro ng pamilyang Sy.
Noong 2020, umaabot sa $13.42 bilyon ang inilagak ng mga bangko na puhunan sa iba’t ibang planta at proyektong karbon. Noong Marso, nagprotesta naman ang Youth Advocates for Climate Action Philippines at Kalikasan People’s Network for the Environment sa harap ng upisina ng Standard Chartered Bank sa Makati City para ipanawagang bawiin ang $674 milyong pautang nito sa anim na plantang coal-fired sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bilang pagtutol sa pagpapalawak sa operasyon ng mga coal-fired power plant sa bansa, naglunsad ng simbolikong aksyon ang iba’t ibang mga simbahan sa Quezon at Negros Occidental noong nakaraang buwan, kabilang ang 15 parokya sa bayan ng Lucena. Matatagpuan sa Quezon ang tatlong dambuhalang coal-fired power plant. Tatlong konsesyon sa prubinsya pa ang nakabimbin sa kasalukuyan kabilang ang plantang Atimonan One Energy ng Manila Electric Company (Meralco).
Sa kabuuan, 23 ang tumatakbong coal-fired power plant sa Pilipinas. Sa mga plantang ito nanggagaling ang 49% ng kuryente ng bansa. Pitumpu’t limang porsyento sa ginagamit nitong karbon ay iniaangkat mula sa ibang bansa, pangunahin mula sa Indonesia at Australia. Kalakhan naman ng karbon na namimina sa bansa ay inieeksport sa China.
Batay sa mga plano ng rehimen, tinatayang tataas pa ang pagkonsumo ng kuryenteng galing sa coal-fired power plant tungong 59% sa 2029. Sa katunayan, habang bukambibig ni Duterte ang pagbabawas ng pagsandig sa karbon, direkta niyang pinasinayaan noong 2019 ang San Buenaventura Power Ltd. Co., isang coal-fired power plant na pagmamay-ari ng Meralco, at nanawagan sa mga mamumuhunan na magtayo ng kaparehong mga planta. Ang naturang planta ay pinondohan gamit ang pautang mula sa World Bank.
Itinuturing na “pinakamarumi” sa mga panggatong ng mga plantang pang-enerhiya ang karbon, taliwas sa sinabi ni Duterte na “malinis” ito. Doble ang pinoprodyus nitong carbon monoxide kumpara sa natural gas at 30% na mas mataas kumpara sa gasolina kapag sinisilaban.
Sa pandaigdigang pamilihan, ito rin ang pinakamahal na pinanggagalingan ng enerhiya matapos sumadsad ang presyo ng langis noong 2020. Pinakamahal ito noong Marso 2020 nang umabot sa $66.85 kada MT ang presyo ng karbon, katumbas ng $27.36 kada bariles ng langis. Dahil tali sa pag-aangkat ng karbon, ang mataas na presyo ng karbon sa pandaigdigang pamilihan ang lagi’t laging idinidahilan ng mga kumpanya kung bakit sumisirit ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.