Pambabarat sa mga magsasaka ng saging
Naghain ng petisyon ang United Pantaron Banana Workers Union (UPBWU) sa tanggapan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Sto. Tomas, Davao del Norte noong Abril 6 para manawagan ng ₱100 dagdag sa arawang sahod sa Davao Region. Ang naturang rehiyon ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng saging na pang-eksport at pangkonsumo ng bansa (35% o 846,230 metriko tonelada o MT noong huling kwarto ng 2020). Gaya ng iba pang manggagawang bukid sa mga plantasyon, tali sila sa napakababang pasahod na idinidikta ng mga kapitalista at panginoong maylupa sa kabila ng napakataas na demand sa saging sa pandaigdigang pamilihan.
Nakasaad sa petisyon na hindi na makaagapay ang ₱396 na minimum na sahod ng mga manggagawang bukid sa bilis ng pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin. Anang grupo, wala pa sa kalahati ng ₱1,057 kinakailangan ng isang pamilyang may limang myembro kada araw para mabuhay ng disente. Ayon sa pinakahuling datos ng rehimen, tumaas tungong 2.7% ang implasyon sa rehiyon mula 1.9% noong Enero, pinakamataas na naitala mula Hunyo 2019. Noong Pebrero 2019 pa huling itinaas ang sahod sa rehiyon.
Mas masahol ang kalagayan ng mga manggagawang bukid na hindi nakatatanggap ng arawang sahod at binabayaran lamang batay sa kantidad na kanilang napoprodyus. Sa karamihan ng mga plantasyon, kadalasang binibili sa mga magsasaka ang saging sa halagang $2.5-$3 (₱120-₱144) kada kahon na may bigat na 13 kilo, o katumbas lamang ng ₱9-₱11 kada kilo.
Ikinakaltas pa sa kakarampot na kitang ito ang iba’t ibang gastos sa produksyon. Halimbawa, sa mga plantasyon ng saging ng multinasyunal na kumpanyang Dole, karaniwang ikinakaltas sa kita ng mga magsasaka ang gastos sa transportasyon (₱3.4 kada kahon); bayad sa pagkakarga (₱3.8); upa sa planta, irigasyon at iba pang pasilidad ng plantasyon (₱3.8). Kadalasang nasa ₱100 na lang ang kita nila kada kahon o ₱7.7 kada kilo. Sa kabilamang banda, umaabot naman sa ₱136 kada kilo ang presyo sa pamilihan ng saging sa mga bansang nag-aangkat nito mula sa Pilipinas. Sa Lapanday Foods Corp., halos ₱2,000 kada buwan o katumbas ng ₱70 kada araw na lamang ang naiuuwi ng mga magsasaka mula sa ₱15,000 kinikita nila.
Ang saging ay nangunguna sa listahan ng mga prutas na ikinakalakal sa buong mundo, at kabilang sa pangunahing mga produktong agrikultural na pinoprodyus at inieeksport ng bansa. Noong nakaraang taon, bumagsak nang 101,000 MT ang kabuuang produksyon nito tungong 9.1 milyong MT. Gayunpaman, nanatili itong nangunguna sa listahan ng mga produktong agrikultural na inieeksport ng bansa.
Noong 2020, ang produksyon ng saging ay katumbas ng 15% ng kabuuang lokal na produksyong agrikultural. Saklaw ng mga sagingan ang aabot sa 450,000 ektarya ng lupa (sinlaki ng pitong pinakamalaking syudad sa Metro Manila) na kalakha’y kontrolado ng mga multinasyunal at malalaking lokal na plantasyon na nakabase sa Mindanao at pawang malalaking eksporter. Pinakamalaki sa mga ito ang plantasyon ng Tagum Agricultural Development Company sa Panabo, Davao City (5,308 ektarya). Ang napoprodyus nitong saging ay ibinebenta sa Del Monte na pagmamay-ari ng pamilyang Campos na nag-oopereyt din ng malalawak na plantasyon at nag-eeksport ng saging. Malalaki rin ang plantasyon sa bansa ng Dole Philippines (US), Sumifru Corp. (Japan), Lapanday Foods Corp. (Lorenzo) at Unifrutti Tropical Philippines (Perinne).
Ang Pilipinas ang ikalawa sa pinakamalalaking eksporter ng saging sa buong mundo. Nasa 40% ng naprodyus nito (3.6 milyong MT) noong nakaraang taon ay inieksport, pangunahin sa Japan. Sa ilalim ni Duterte, kapansin-pansin ang mahigit 500% paglaki ng eksport ng saging ng Pilipinas sa China mula 319,291 MT noong 2016 tungong 1.9 milyong MT noong 2019. Halos kalahati o 45% ng iniaangkat nitong saging noong 2019 at 2020 ay mula sa Pilipinas.
Bumagsak ang benta ng saging sa panahon ng pandemya dulot pangunahin ng mga restriksyon sa transportasyon. Noong 2020, bumulusok nang 21% tungong $1.55 bilyon o ₱74.5 bilyon ang kabuuang kita ng bansa mula sa pag-eeksport nito.
Tulad sa nakaraan, inuuna ni Duterte ang kapakanan ng kapitalista habang nagbibingi-bingihan sa hinaing ng mga manggagawang bukid. Sa gitna ng pandemya, kaliwa’t kanan ang pagpabor niya sa mga kumpanya. Noong Disyembre 2020, naiulat na naglaan ito ng ₱220 milyong subsidyo para palakasin ang produksyon ng malalaking plantasyon ng saging sa bisa ng Productivity Enhancement Project. Nitong Enero, pinautang naman nito ng ₱645 milyon ang Hijo Superfoods Inc., kumpanyang kasosyo ng Lapanday at nagmamanupaktura ng harina mula sa saging. Bago ang pandemya, naiulat din na pinautang nito ng ₱1 bilyon ang kumpanyang Unifrutti para bigyang daan ang ekspansyon ng mga plantasyon nito.