Patung-patong na hambalos ng mapaminsalang pagmimina
Pinirmahan ni Rodrigo Duterte noong Abril 14 ang Executive Order 130 na nagwakas sa 9-taong moratoryum sa pagbubukas ng mga bagong minahan. Ipinataw ang moratoryum noong 2012 ng rehimeng Aquino III sa ilang protektadong mga lugar habang hindi pa nababago ng Kongreso ang tantos sa pagbubuwis sa mga kumpanya ng mina. Sa panahong iyon, mayroong nakahapag na di bababa sa 291 bagong aplikasyon sa pagmimina. Nakabatay ang kautusan sa Philippine Mining Act na isinabatas noon pang 1995.
Patung-patong na hambalos sa mamamayan ang idudulot ng pagbabasura sa moratoryum at pagpapatuloy sa mapangwasak na pagmimina sa bansa. Dagdag sa buu-buong iniluluwas ng mga kumpanya ng mina ang hilaw na materyales mula sa mga minahan (kabilang ang lupa), gagamitin diumano ang rebenyu na makukuha rito bilang pambayad sa bilyun-bilyong pisong inutang ng estado. Nakaugnay din ito sa pag-akit ng dayuhang kapital na inaasahan ni Duterte na magpopondo sa kanyang maanomalya at makadayuhang mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang Build, Build, Build.
Kabilang sa nabanggit na papayagang mag-opereyt ang malalawak na minahan ng Sagittarius Mines Inc. (SMI), KingKing Mining Corporation at Silangan Mindanao Mining Corporation. Lahat ng mga ito ay nasa Mindanao at matagal nang tinututulan ng mamamayan.
Ayon sa mga upisyal ng rehimen, makalilikom diumano ng ₱21 bilyon ang gubyerno kung pahihintulutang magbukas ang 100 bagong minahan. Pero ayon sa Center for Environmental Concerns, nasa 8%-10% lamang ang nasingil ng gubyerno mula sa mga kontrata sa pagmimina. Kapalit ng naturang rebenyu tinatayang aabot sa ₱210 bilyong halaga ng mga mineral ang ilalabas sa bansa ng mga kumpanyang ito, imbes na mapakinabangan ng lokal na ekonomya.
Sa aktwal, napakaliit ng iniaambag ng sektor ng pagmimina sa ekonomya ng bansa. Noong 2020, nasa 0.75% lamang ito ng kabuuang gross domestic product ng bansa. Ayon sa Ibon Foundation, kakarampot lamang na ₱15.5 bilyon ang nalikom ng estado mula sa industriya sa anyo ng mga buwis, bayarin at royalties. Katumbas lamang ito ng 0.07% sa kabuuang buwis na nalikom ng rehimen.
Wala ring 1% ang iniempleyo ng industriya. Alinsunod sa datos ng gubyerno, nasa 190,000 lamang na manggagawa ang nakaempleyo sa pagmimina noong 2019. Ang tinatayang 42,000 bagong trabaho na malilikha ng bagong kautusan ay wala pang katiting sa bilang ng mga trabahong nawala at patuloy na nawawala dahil sa sobrang tagal na lockdown.
Sa kabilang banda, tiba-tiba sa kita ang mga lokal at dayuhang kumpanya sa pagmimina kahit sa kasagsagan ng pandemya. Isa sa pinakatumabo ng tubo ang Nickel Asia, ang nag-oopereyt sa Taganito Mining Corporation, Rio Tuba Nickel Mining Corporation, at Cagdianao Mining Corp/ East Coast Mineral Resources Corporation. Lumobo ang netong kita ng Nickel Asia tungong ₱4.07 bilyon noong 2020, 53% na mas mataas sa ₱2.63 bilyong kita nito noong 2019. Tumabo rin ang Philex Mining Corporation na nagtala ng netong kita na ₱1.16 bilyon, o 645% na mas mataas kumpara sa 2019. Ang mga kumpanyang ito ang nag-oopereyt sa ilan sa pinakamapangwasak na mga minahan sa bansa.
Kaliwa’t kanan na pagtutol ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, ng simbahang Katoliko at mga demokratikong sektor ang sumalubong sa EO 130. Anang mga grupo, magdadala lamang ang kautusan ng dagdag na kamatayan at pinsala sa bansa. Kabilang sa tumutol ang diyosesis ng Marbel laluna sa pagbubukas ng minahan ng SMI sa Tampakan, South Cotabato. Nagpahayag din ng pagtutol sa kautusang ito ang Caraga Watch, Bayan Muna, Kalikasan Network, Panalipdan Mindanao at marami pang iba na deka-dekada nang lumalaban sa mapaminsalang mina.
Ayon sa Kalikasan Network, ang pagbubukas ng mga bagong minahan ay magreresulta sa dagdag na kapinsalaan sa kalikasan. Paulit-ulit nang napatunayan ang masasamang epekto ng mga minahan sa suplay ng tubig at pagkain, gayundin sa kagubatan at biodiversity nito. Kabilang sa mga epekto nito ang mas madalas at nakamamatay na mga pagbaha na nagdudulot ng bilyun-bilyong pinsala sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.